Babala sa Magulang: Mag-ingat sa Pagbabahagi ng Litrato ni Baby sa Online Contest

undefined

Mag-ingat sa pagpo-post ng picture ni baby online. Alamin ang mga panganib sa social media contests at paano maprotektahan si baby.

Hindi na bago sa atin ang mga pa-contest online: “I-share ang picture ni baby at manalo ng ₱5,000!” o kaya “Most Likes wins!” Sa dami ng proud mommies and daddies, marami ang sabik sumali. Pero ayon sa National Privacy Commission (NPC), hindi lahat ng ganitong pakulo ay ligtas—lalo na para kay baby.

Sa isang paalala kamakailan, pinayuhan ng NPC ang mga magulang na maging mapanuri at huwag basta-basta mag-post ng litrato ng kanilang anak para lang sa online contests. Ang akala mong harmless na pag-post ay maaari palang magbukas ng mas malaking problema.

Paano napapasama si baby sa peligro?

Kahit simpleng litrato lang, puwede nang makuha ang ilang sensitibong impormasyon tulad ng:

  • Hitsura ni baby (na puwedeng i-manipulate gamit ang AI)

  • Puwesto kung saan kinunan ang litrato

  • Petsa ng kapanganakan o edad

  • Apelyido (na minsan kasama sa caption)

Kapag napunta sa maling kamay ang mga detalyeng ito, maaari itong gamitin sa child exploitation, online abuse, o paggawa ng pekeng accounts. May mga teknolohiya na rin ngayon na ginagamit para i-alter ang baby photos sa hindi kaaya-ayang paraan—oo, kahit pa inosente ang kuha.

Dagdag pa ng NPC, may mga social media page na nagpapanggap lang na legitimate para lang makakuha ng maraming litrato ng bata. Kapag maraming likes at shares na ang post, nawawala o binubura ang page—at ang mga larawang nai-post ay hindi mo na mababawi.

Babala sa Magulang: Mag-ingat sa Pagbabahagi ng Litrato ni Baby sa Online Contest

Larawan mula sa NPC Facebook account

Hindi lahat ng contest ay safe

Hindi masama ang sumali sa mga online contest. Pero kapag hiningi agad ang personal na larawan ng bata, lalo na kung walang malinaw na organizer o official page, dapat na itong pagdudahan. Lalo na kung walang proper mechanics, walang privacy policy, o tila “fly-by-night” lang ang nagpa-contest.

Ang masama pa, kahit i-delete mo ang post, maaaring na-screenshot na ito o na-save na ng iba. Sa panahon ngayon, walang “permanently deleted” sa internet.

Mga paraan para mapanatiling ligtas si baby online

Hindi maikakaila—proud tayo sa bawat ngiti, tawa, at milestone ni baby. Pero sa panahon ngayon, kung saan isang click lang ay puwede nang kumalat ang isang litrato sa internet, mas mahalaga ang pag-iingat kaysa pa-viral. Heto ang 7 digital safety tips para sa mga magulang:

1. Piliin kung sino lang ang puwedeng makakita.

I-check lagi ang privacy settings ng iyong social media account. Gawing private ang post at piliin lang ang mga taong talagang kakilala at pinagkakatiwalaan mo. Kung may “Close Friends” option, gamitin ito para sa mga personal na larawan ni baby.

2. Limitahan ang impormasyong kasama sa post.

Kung magpo-post man, iwasan ang paglalagay ng buong pangalan, petsa ng kapanganakan, lokasyon, pangalan ng school o ospital. Kahit simpleng caption, halimbawa, “Welcome to the world, Baby Sofia! Born April 10 sa QC Med” ay napakarami nang impormasyon para sa isang posibleng scammer o predator.

3. Iwasan ang pagsali sa contests na humihingi ng baby photo sa comments.

Hindi lahat ng “pa-contest” ay safe—lalo na yung walang malinaw na sponsor, mechanics, o privacy policy. Kung hinihingi agad ang picture ni baby sa comments section, tapos “cash prize” lang ang kapalit—magduda ka na.

4. Magtanong muna bago mag-post.

Bago pindutin ang “Share,” tanungin ang sarili: “Okay ba itong makita ng buong internet? Maipagmamalaki ba ito ni baby paglaki niya? Safe ba ito para sa kanya?”

Kung hindi ka sigurado, huwag i-post. Better safe than sorry.

picture ni baby

Larawan mula sa Freepik

5. Gumamit ng watermark o emoji para protektahan ang litrato.

Kung talagang gusto mong mag-share, puwedeng gumamit ng watermark (kahit simpleng name mo sa gilid) o emoji para takpan ang mukha ni baby. Hindi nito tuluyang mapipigilan ang misuse, pero nakakatulong itong hadlangan ang mga nagtatangkang gamitin ang photo sa maling paraan.

6. Huwag mag-post ng mga larawan ni baby na sobrang personal.

Mga larawan na naka-diaper lang, natutulog, naliligo, o umiiyak si baby—iwasan nang i-post online. Para sa atin cute ‘yon, pero sa ibang tao, puwede itong gawing masama. Tandaan: hindi lahat ng viewers ay may mabuting intensyon.

7. Isama ang buong pamilya sa digital safety rules.

Hindi lang ikaw ang may access kay baby—si lola, si ninang, si tita, at ang mga pinsan na social media savvy din. Kaya mahalagang magtakda ng family agreement: “Bago mag-post ng litrato ni baby, itanong muna sa amin.”

Mas madaling magpatupad ng safety measures kung lahat ay may alam at pakialam.

Hindi kailangan mag-viral para maging proud

Ang pagiging magulang ay punong-puno ng precious moments. Gusto nating lahat i-celebrate si baby—pero sa tamang paraan. Hindi mo kailangang manalo sa online contest para maipakita kung gaano ka ka-proud kay baby. Mas mahalaga ang kanyang kaligtasan, dignidad, at digital future.

Ang simpleng “like” o “share” ay may bigat kapag ang kapalit ay ang seguridad ng bata. Mas okay nang kaunti lang ang nakakita kaysa sa buong internet—na hindi mo na makokontrol.

Sa panahon ng oversharing, maging mapanuri. Laging tandaan: ang privacy ni baby ay responsibilidad nating mga magulang.

 

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!