Pigsa sa Vagina: Lahat ng dapat malaman tungkol sa pigsa sa ari

lead image

Pigsa sa pepe: lahat ng kailangan mong malaman (gamot sa pigsa, sanhi ng pigsa, at paano maiiwasan magkaroon ng pigsa).

Bakit naman sa dinami-dami ng lulugaran, duon pa sa pinaka-sensitibong bahagi ng katawan lumabas ang pigsa? Hindi biro ang pagkakaroon ng pesteng pigsa sa pepe dahil napakasakit at hindi basta-basta ang paggamot dito.

Pigsa sa pepe

Ang pigsa sa pepe ng babae, o vaginal boil ay bukol sa balat na puno ng nana sa labas ng  vagina, sanhi ng isang baradong hair follicle o oil gland. Kapag kasi may natanggal na pubic hair, halimbawa, nabubuksan ang follicle at puwedeng pasukan ng bacteria, o ang tinatawag na folliculitis, paliwanag ni Dianne Gakit-Cortes, RN. May mga nagkakaro'n ng pigsa sa iba’t ibang bahagi ng katawan, pero karaniwan itong tumutubo sa vagina, sa labia, o sa pubic area.

Minsan ay tinatawag itong abscess, pero iba din ang abscess sa pigsa dahil ang abscess ay karaniwang mas malalim na impeksiyon sa balat.

Kahit na hindi naman delikado ang pigsa sa pepe, dapat mabutihing gamutin ito para masigurong walang mas malalang impeksiyon na mangyari—at para maibsan din ang nakakairita at masakit na kondisyong ito.

10 Bagay na dapat malaman tungkol sa pigsa sa pepe:

  1. Nagsisimula ito sa skin irritation, at nagsisimulang lumala kapag napasok ng bacteria, tulad ng Staphylococcus aureus, Escherichia coli, at Chlamydia trachomatis, ang ilalim ng balat.
  2. Kapag naimpeksiyon ang Bartholin gland, maaaring may cyst na mabuo, at ito ang magkakaro'n ng impeksiyon. Ang Bartholin gland ay nasa ilalim ng balat sa labas lamang ng vagina. Kapag nagbara ang mga glands na ito, nagkakaro'n ng cyst o isang pabilog na bukol, na bukas sa impeksiyon.
  3. May mga babaing nagkakaron ng pigsa sanhi ng mga skin conditions tulad ng eczema, vulvovaginitis o pamamaga ng vulva at vagina, at contact dermatitis o pagiging sensitibo sa mga kemikal, sabon at pabango na matapang ang amoy, pagkakarong ng ingrown hair, at sugat dahil sa pagkamot (kaya naimpeksiyon).
  4. Ang mga impeksiyong sexually transmitted, pati mga genital piercings ay maaari ding maging simula ng pigsa sa pepe.
  5. May mga pagkakataon din na walang makitang dahilan o sanhi ng pagkakaron nito. Ibig sabihin ay wala kang puwedeng gawin para maiwasan ito. Bigla na lang itong lumalabas at gumagaling din kahit walang paggamot.
  6. Kapag lumala ang isang pigsa, napupuno ito ng pus o nana at lumalaki. Kapag malala ang impeksiyon, maaaring turukan ito ng sterile na karayom ng doktor para alisin ang nana.
  7. Ang pigsa sa ari ng babae ay labis na makati, masakit, sensitibo, at maaaring maging sanhi ng vaginal discharge (na karaniwang may mabahong amoy) o minsan din ay pagdurugo. May mga nakakaranas din ng pelvic pain, hapdi, lalo na kung umiihi.
  8. Kailangan magpatingin sa doktor kapag naramdaman o nakikitang lumalala ang pigsa. Isang masusing physical examination (o pelvic exam) ang paraan para malaman kung ano ang dapat na paggamot. Aalamin ng doktor ang medical history. ng pasyente, at maaaring kumuha din ng blood tests para malaman ang sanhi ng pigsa. Saka pa lamang malalaman ng doktor kung ano ang nararapat na treatment o gamot para mapagaling ito ang kondisyon, o kung may mga komplikasyon na dapat gamutin.
  9. Habang naghihintay ng appointment sa doktor, o resulta ng mga tests, maaaring gumawa ng tinatawag na sitz bath para malinis ang perineum at maibsan ang hapdi o sakit na nararamdaman. Ito ay pag-upo sa bath tub (o palanggana) na may maligamgam na tubig, na hinahaluan ng Epsom salt, tablespoons baking soda, at iba pang natural ingredients tulad ng witch hazel, olive oil at pinapataka ng lavender essential oil at chamomile essential oil. Siguraduhin lang na walang sugat mula sa operasyon o surgical wound sa ari, o di kaya ay almuranas, at malinis ang bath tub o mga gamit bago mag-sitz bath.
  10. May mga topical at oral medications para sa sakit na dala ng pigsa sa sensitibong bahaging ito ng katawan. May mga antibiotic, antiviral medication, corticosteroid, pain relievers, hydrocortisone at gamot sa pangangati.

Home remedies

Kung mayrong pigsa sa ari, may mga paraan para maibsan ang anumang sakit at discomfort.

  • Warm compress. Makakatulong na maibsan ang pananakit at labis na pamamaga sa pagdampi ng warm compress (maligamgam, hindi mainit) sa pigsa sa ari ng 10 hanggang 15 minuto. Kadalasang mas mabisa kung bulak ang gagamitin para hindi mahapdi sa buong ari. Ulitin ng 3 hanggang 4 na beses sa isang araw.
  • Hugasan ang ari gamit ang antibacterial soap, at panatilihing tuyo ang pigsa. Ugaliing maghugas ng kamay pagkatapos hugasan ang pigsa, at bago gamitin ang daliri sa paglalagay ng anumang ointment tuwing gagamutin ito.
  • Magsuot ng malinis na cotton underwear para makahinga ang aring may pigsa. Iwasan ang mahihigpit na underwear na maaaring makagasgas sa pigsa.
  • Gumamit ng honey at turmeric paste, na parehong antibacterial and antiseptic. Ipahid ito sa pigsa sa gabi, at paggising sa umaga, putok na ito at tatagas na ang nana sa loob. Linisin kaagad ang pigsa. Mas epektibo ito kung hinog na ang pigsa.
  • Maghalo ng isang kutsaritang gatas, kalahating kutsarita ng suka, at asin at turmeric saka ipahid sa pigsa.Gawin ito ng 2 beses sa isang araw hanggang pumutok ng kusa ang pigsa.
  • Ilang patak lang ng Castor oil sa pigsa, ilang beses sa isang araw ay epektibo nang paggamot dito.
  • Humiwa ng pipino at ipahid ito sa pigsa. Maiibsan nito ang hapdi at sakit ng pigsa.
  • Epektibo din ang bawang at sibuyas sa paggamot ng pigsa sa ari. Magdikdik ng bawang o katasan ang sibuyas, at ipahid sa pigsa. Kumain na rin ng maraming bawang. May antibacterial at antibiotic properties ang mga ito na mabilis makakapagpagaling sa vaginal boil.
  • Subukan din ang ginger powder at turmeric powder, haluan ng kaunting tubig, at saka ipahid sa pigsa.

Mahalaga pa ring magpatingin sa doktor kung nakikitang lumala ang pigsa o hindi bumubuti ang kondisyon, lalo na kung may mataas na lagnat o may dugong lumalabas mula sa pigsa.

Ang pag-drain ng nana ng pigsa ay epektibong paggamot, pero makakabuting doktor lang ang gumawa nito. Dadampian din ito ng antibiotic ointment at tatakpan ng sterile bandage hanggang gumaling ito.

HUWAG NA HUWAG…

  • …pipisain ang pigsa. Kung may lumalabas na nana, takpan ng malinis na bandage.
  • …gagamit ng lotion, baby wipes, o ointment na may matapang na amoy.

Kung ang sanhi ng pigsa ay sexual transmitted infection, iwasan ang pakikipagtalik hanggang hindi nagagamot at lubusang gumaling at mawala ang pigsa.

May magagawa ba para maiwasan ang pagkakaro'n ng pigsa sa pepe?

Ang pangunahing payo ng mga medical practitioners, tulad ni Nurse Diane ay ang pagpapanatili ng personal hygiene at healthy weight para maiwasan ang vaginal boils. Makakatulong din ang madalas na pagpapalit ng underwear para maiwasan ang impeksiyon, lalo na pagkatapos ng ehersisyo.

Panatilihing malinis ang buong katawan, lalo na ang vaginal area. Hugasan ito palagi at tuyuin din, lalo na pagkatapos ng pubic area waxing at shaving. Iwasan lang ang mga sabon na matapang ang pabango, pati na ang mga douche at pulbos na nakakairita sa tissue ng vaginal area.

Kumain ng mga pagkaing mayaman sa vitamin C, vitamin A at vitamin B complex, at uminom ng maraming tubig para mawaksi ang mga toxins sa katawan. Iwasan ang mga fatty at processed na pagkain.

Iwasan ang paggamit ng tuwalya at underwear ng iba.

Ang mga body toxins galing sa pagkain ng junk food, dala ng polusyon, at stress ay naiipon at nagiging sanhi ng pigsa at taghiyawat sa ari.

 

Basahin:

Vaginal odor: 9 na uri na dapat malaman ng kababaihan

The 5 types of vagina according to a former bikini waxer