Ano ang pilay sa baby? Magagamot ba ito ng hilot?

lead image

Nakaranas na ba ng pilay ang inyong baby? Dapat nga bang dalhin sa tradisyonal na “hilot?” Alamin ang mga sintomas at ang paliwanag sa paniniwalang ito ng mga Pilipino.

Iyak ng iyak at hindi makatulog, taas-baba ang lagnat, at malamig ang talampakan. Ano ang nangyayari kay baby? Narinig niyo na ba ang pilay sa baby?

“Ang sabi ng matatanda, kapag laging may lagnat ang bata, na di gumagaling, malamang may pilay—kaya pinapahilot,” paliwanag ni Anna May Axalan-Dalisay, isang parenting expert, teacher, at dating Pediatric Medical Representative,

May mga bata daw kasi na labas-masok pa ng ospital, pero wala namang makitang sakit ang doktor. Kuwento pa ni Anna May, nangyari ito sa kaniya noong bata pa siya, at nang wala nang magawa ang mga doktor, pinahilot siya ng mommy niya. “Tanggal agad ang lagnat,” aniya. Pagkatapos ng napakaraming tests sa ospital, na tumagal ng ilang araw, walang naging conclusive findings.

Pilay sa baby

Ano nga ba ang pilay sa baby at epektibo nga ba ang hilot?

Dahil kasi mga sanggol at bata ang pasyente, hindi dapat basta-basta ang aksiyon o paggamot. Kailangang siguraduhing ligtas ang bata at hindi mapapahamak lalo.

Ano ba ang pagkakaiba ng bali at pilay sa baby?

  • Ang pilay sa baby ay nakakaapekto sa bukung-bukong, tuhod at galanggalangan (kung nasan ang pulso), pati ang siko, kung saan napupunit o nahihila ang litid (ligament o tendon).

At dahil ang litid ng mga bata ay karaniwang mas “matibay” kaysa sa mga buto at cartilage, mas tipikal na nagkakaproblema sa buto kaysa sa litid—kaya nga mas karaniwan ang bali kaysa pilay.

Kapag bata ang napilayan, minsan ay hindi nito kayang sabihin kung anong uri ng sakit ang nararamdaman. Madalas din na hindi ito sumasakit, hanggang pagkalipas ng ilang oras matapos ang pagkahila.

May mapapansin na pamamaga o minsan ay pasa, pero minsan ay mapula lang din. Kapag malala ang pilay, napunit ang litid at labis ang sakit nito, namamaga at may pasa. Hirap ding igalaw ang bahagi ng katawan na may pilay. 

May mga sinasabi ding “pilay” ang mga matatanda, kung saan ang bata ay nilalagnat at inuubo tuwing hapon. Kapag tuyo ang ubo ng bata, at hindi natatanggal kahit ano pang gamot ang ireseta ng doktor. Ang lagnat naman ay hindi masyadong mataas.

  • Kapag bali ang buto, makikita kaagad ang deformity o kakaibang itsura ng bahagi ng katawan na may bali (fracture o dislocation).

Kapag hindi magalaw ng bata ang bahagi ng katawan na apektado, posibleng ito ay bali. Kapag malala ang bali, madalas ay makikita agad ang buto na nakausbong sa balat at malinaw na may bali, paliwanag ni Caryl Waite, PA-C, isang physician assistant ng Mount Nittany Physician Group Pediatrics.

Ang X-ray ang pinakaepektibong paraang medikal para malaman kung may bali nga ang bata.

src=https://ph admin.theasianparent.com/wp content/uploads/sites/11/2018/10/1019 lead kabag.jpg Ano ang pilay sa baby? Magagamot ba ito ng hilot?

Nakakagamot ba talaga ang “hilot”?

Ang hilot ay isang tradisyonal na paggamot ng mga matatanda sa karamdaman, bata man o matanda. Naging kaugalian ito sa paggamot ng mga sanggol, lalo na, dahil noong araw, lalo na sa probinsiya, mahal at hindi madali ang pagpapa-doktor.

Pati mga babaing gustong magbuntis at nahihirapang makabuo, ay kumukunsulta din sa hilot.

Maraming benepisyo ang hilot, ayon sa mga Hilot ng Binabaylan, isang samahan ng mga tradisyonal na manghihilot sa Pilipinas. Ayon sa World Health Organisation, ang Traditional Medicine, tulad ng paghihilot ay ang kabuuang kaalaman, kakayahan, at pagsasanay base sa mga teorya, paniniwala at karanasan ng isang kultura. May scientific explanation man o wala, ginagamit ito para na kabutihan ng may sakit ang nasa isip.

Pag-hilot sa pilay sa baby: Kaugaliang Pinoy

Sa kaugaliang Pilipino, langis ng niyog na sariwa ang pinapahid sa pilay at buong katawan din ng bata.

Ang hilot ay isang pinaniniwalaang base rin sa agham, at gumagamit ng chiropractic manipulation at masahe, para sa malaman ang sakit o kondisyon na dahilang ng sakit. Ang mga hilot ay gumagamit ng kaalaman nila sa paggamot ng sakit sa pilay at bali ng buto, sa tulong din ng herbal medicine o halamang gamot, init ng langis, at orasyon. Ginagamit din ito para makatulong sa pagkakaron ng positive well-being.

Karaniwang hinihilot ang bata sa gabi bago matulog para daw maalis ang pilay. Hinahagod ang likod, braso, balakang, pigi, pati binti at mga paa.

Palagi kasing nababanat ang mga braso, kamay at binti ng isang bata tuwing iginagalaw niya ang mga kamay at buong katawan kapag gumagapang o nagsusubok na lumakad, pati na rin kapag binubuhat siya ng mga matatanda.

Marahan at magaang haplos lang ang hilot para sa mga sanggol at mga batang hanggang tatlong taon dahil mabilis maghilom ang katawan nila, ayon sa mga pediatric therapists.

Paniniwala ng mga hilot, ang pilay ay hindi lang simpleng pagkabanat ng litid o muscle. Nakakapagbigay ito ng balanse sa katawan, at ginagamot ang sintmas ng hangin, init, at lamig, na nagiging sanhi ng sakit. At tulad ng matagal nang paniniwala, nagagamot nito ang pilay, ipit ng ugat, at bali o dislocation ng buto.

Hindi ito simpleng masahe lang, tulad ng paniniwala ng iba, paliwanag ni Manang Ruby, isang manghihilot. Ang masahe, ayon sa medicinenet.com ay isang therapeutic practice para sa mga muscles, para maalis ang pananakit at tension sa katawan. Ang paghihilot ay isamg Holistic Healing Arts, ayon sa Hilot ng Babaylan (hilotacademy.wordpress.com), na gumagamit ng pagmamasahe para malaman kung ano ang problema at malaman kung ano ang dapat na paggamot, at hindi lamang katawan ang ginagamot kundi pati mind at emotion. Mayrong tinatawag na TAWAS (Traditional Alternative Wellness Analytic System) para malaman kung ano ang nararapat na gawin para magamot ang partikular na sakit ng bata. Epektibo lamang ito kung maalam at eksperto ang hilot o manggamot.

May mga magulang na nagpapahilot ng anak kapag may sakit ito, sa payo ng mga nakatatandang biyenan, tiyahin o kasambahay. Wala namang masama dito, basta’t siguraduhing mapapagkatiwalaan ang hilot, at nakabantay ang mga magulang habang hinihilot.

Bago dalhin sa hilot, tingnan muna ang mga sumusunod na sintomas kapag may lagnat ang bata:

1. Lalamunan. Kung mapula, may sakit ang lalamunan niya at ito ang posibleng sanihi ng mataas na lagnat.

2. Pag-utot at dumi. Tingnan ang dumi, kung ano ang kulay, consistency at amoy, o kung kakaiba ang amoy ng utot ng bata, kaysa sa karaniwan niya. Matigas ba o malambot ang tiyan? O kung nakakapagsalita na ang bata, sinasabi ba niyang masakit ang tiyan niya? Maaaring digestive o gastro-intestinal ang sakit.

3. Rashes sa balat. May rashes ba sa abdomen, mukha, likod, binti o braso? Maaaring dengue ito.

Anuman ang kondisyon, malala man o hindi, kailangang dalhin sa duktor ang bata para masigurong ligtas ito. Lalo pa kung nakikitang paika-ika at hindi diretso ang paglakad o paggalaw ng bata, at kung labis ang pag-iyak nito at halatang may sakit na nararamdaman. Huwag patagalin bago pa dalhin sa doktor. Huwag nang hintayin na dumugo pa ang ilong at mahuli na ang lahat.

Maaaring mag-reseta ang dukto ng anti-inflammatory pain reliever tulad ng ibuprofen, depende sa kondisyon at sa edad ng bata.

Karaniwan ang bali at pilay sa mga batang edad 6 na taong gulang pataas, lalo na kung nagsisimula na silang maglaro ng sports, o anumang aktibong gawain. Ayon sa POSNA (Pediatric Orthopaedic Society of North America), bihira ang kaso ng bali at pilay sa baby at bata (1 hanggang 5 taon), pero hindi ito imposible.

May mga kaso na pilay (strain at sprain) lamang ito, kung saan may nahihila o nabubugbog na muscles dahil na rin sa paggalaw o minsan ay kalikutan ng bata. Ito ay isang minor trauma lamang na muscles, ligaments o tendons ang naapektuhan. Madalas na natatamaan ay ang bukung-bukong o ankle.

Kapag kaso ng pilay, ibig sabihin ay napilipit o nahila ang kasukasuan, at nabanat o nasugatan ang mahimaymay na tisyu na nagdudugtong sa mga litid.

Paano gagamutin ang pilay?

First Aid: Una sa lahat, cold compress o ice pack kaagad ang kailangang First Aid sa pasyente, pilay man o bali, para hindi ito mamaga. Sundin ang acronym na RICE: rest (ipahinga), ice (lagyan ng yelo), compression (lagyan ng tipi o ipitin para hindi gumalaw-galaw), at elevation (iangat nang mas mataas sa puso).

Dampian ng ice pack nang hanggang 20 minuto, ng hanggang tatlong beses sa isang araw. Siguraduhing hindi direkta ang pagdampi ng yelo—takpan ng bimpo o lampin ang balat ng bata.

Minsan ay kinakailangan ng bandage o splint para maiwasan na magalaw-galaw ito at makapagpalala sa kondisyon.

Halamang gamot para sa pilay

  • Magdikdik ng dahon ng kamatis at itapal sa bukung-bukong o pulsuhan, sa loob ng 30 minuto, 3 beses maghapon.Lagyan ng benda ang tapal.
  • Magdikdik ng dahon ng Kamantigue at itapal sa pilay ng hanggang 30 minuto, 3 beses maghapon. Bendahan ang tapal.
  • Magdurog ng 10 dahong ng oregano at itapal sa pilay ng hanggang 30 minuto, 3 beses maghapon.

Ang “milagro” ng hilot

Marami ang mga magulang, pati na nga mga milenyals, ang naniniwala pa rin sa hilot sa panahong ito. Nakita na rin kasi nila ang milagrong nagagawa nito, na pagkatapos ng ilang araw na pabalik-balik ng lagnat, at hindi malamang dahilan, ilang hagod lang ng hilot sa tulong ng langis, ay nawawala na ang lagnat at masigla na ulit si baby.

Wala na ring masama kung hihingin ang tulong ng hilot, basta’t ang unang hakbang ay pag-kunsulta pa rin sa duktor. Ang mga hilot ngayon ay nagsasabi rin kung kailangang patingnan ang bata sa doktor, kapag nakikita nilang may higit na malalang problema.

 

Basahin:

Ano ang kabag?

10 home remedies para sa kabag ng baby

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!