Pinay Pinatay ng Asawang Slovenian Matapos ang Pasko
Pinatay ang isang Pinay ng kaniyang napangasawang Slovenian ilang araw matapos ang pagdiriwang ng kapaskuhan. Basahin ang kwento rito!
Nakakagulat at nakakalungkot ang pagkamatay ng 27-anyos na Filipina na si Marvil Facturan-Kocjančič sa kamay umano ng kanyang Slovenian na asawa, si Mitja Kocjančič.
Mababasa sa artikulong ito:
- Pinay pinatay ng asawang Slovenian
- Saan dapat tumawag kapag nakaranas ng domestic violence sa ibang bansa
Pinay pinatay ng asawang Slovenian
Trending sa social media ang balita ng pagpatay sa isang Pinay ng kaniyang asawang Slovenian.
Ayon sa ulat, nangyari ang insidente noong Disyembre 29, 2024, sa Bled, Slovenia, ilang araw matapos ang Pasko.
Sa isang post sa Facebook, mariing kinondena ng Commission on Filipinos Overseas (CFO) ang karumal-dumal na krimen. “As we offer our thoughts and prayers with Marvil’s family, we also stand in solidarity with them, condemning acts of domestic violence and seeking justice for our kababayan, and honoring the beautiful life she lived,” ayon sa pahayag ng ahensya.
Dagdag pa rito, nakiramay din ang Filipino community sa Germany sa pamilya ng biktima. Ayon sa kanilang Facebook page na “Filipinos in Germany,” labis na ikinagulat ng mga Pinoy sa Slovenia ang insidente dahil nagsisimula pa lamang si Marvil na bumuo ng bagong buhay sa nasabing bansa. Dumating siya sa Slovenia noong Disyembre 22, ayon sa grupo.
Sa ulat ng Slovenske Novice, agad na inaresto ang suspek matapos ang insidente. Siya ay dinala sa isang psychiatric hospital dahil umano sa kasaysayan nito ng mga isyung pangkalusugan sa pag-iisip.
Saan dapat tumawag kapag nakaranas ng domestic violence sa ibang bansa
Patuloy namang nananawagan ang CFO sa mga overseas Filipinos na nakararanas ng karahasan o pang-aabuso na humingi ng tulong. “”Overseas-based Filipinos married to other nationalities or with foreign partners, who experienced any acts of trafficking, domestic violence, and abuse, may contact the CFO, 1343 Actionline against Human Trafficking, or the nearest Philippine Embassy or Consulate for assistance,” paalala ng ahensya.
Ang trahedya ay muling nagbigay-diin sa pangangailangan ng suporta para sa mga kababayan nating nakikipagsapalaran sa ibang bansa, lalo na sa mga nasa sitwasyong maaaring magdulot ng panganib sa kanilang buhay.
Sa ngayon, umaasa ang pamilya ni Marvil, gayundin ang Filipino community, na makakamtan ang hustisya para sa kanyang maagang pagpanaw.