DoH, nagdeklara ng polio epidemic sa Pilipinas
Nagdeklara ang Department of Health (DOH) ng polio epidemic sa bansa matapos makumpirma ang isang kaso ng polio sa Lanao del Sur.
Mahigit isang buwan na ang nakalipas nang magbabala ang Department of Health (DOH) na maaaring manumbalik ang polio epidemic. Ito ay matapos may mga maitalang kaso nito sa mga karatig na bansa. Ikinabahala din ang kalinisan ng kapaligiran na maaaring pamahayan ng polio virus na magdudulot ng sakit.
Ganunpaman, nagdeklara na ang DOH nitong ika-19 ng Setyembre taong 2019 na may polio epidemic na muli sa Pilipinas. Ito ay matapos ang 19 taon ng pagiging polio-free nuong Oktubre taong 2000. Ang huling naitalang kaso ng polio ay noon pang 1993.
Polio epidemic
Nakumpirma ng DOH na ang isang 3 taong gulang na babae mula Lanao del Sur ay may polio. Sa pagsusuri sa dumi ng bata, nakitaan ito ng vaccine-derive poliovirus (VDPV). Ayon pa sa Epidemiology Bureau Director ng DOH na si Ferchito Avelino, ang bata ay hindi nabakunahan laban sa polio.
Nuong simula pa lamang ng buwan ng Setyembre, dalawang sewage samples na mula sa Maynila ang nagpositibo sa VDPV. Kalaunan ay may mga samples din mula Davao ang nagpositibo para dito.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, ang VDPV ay nagmumula sa dumi ng mga batang nabakunahan na laban sa polio. Ngunit, ito parin ay mag-mutate at kapag hindi nabantayan, maaari itong maging tulad ng wild poliovirus. Ito ang maaaring magdulot ng mabilis na pagkalat sa mga bata.
Idinagdag din ni Sec. Duque III na idineklara ng DOH ang epidemic matapos ang mga natuklasan at nakumpirma dahil sapat na ito para sa isang bansang polio-free.
May isang kaso pa ng polio ang hindi pa nakukumpirma at kasalukuyang binabantayan ng DOH. Ayon sa kanila, sila ay mag-uulat matapos makakuha ng kumpirmasyon ukol dito.
Bakit nagbabalik ang sakit na ito?
Ayon sa DOH, ang pangunahing nakikitang dahilan sa muling pagkakaroon ng polio sa bansa ay ang kakulangan ng bakuna. Subalit, nuong taong 2018, 66% lamang mula sa target na 95% ng mga batang wala pang 5 taong gulang ang nabigyan ng bakuna.
Ang karaniwang dahilan sa pagbaba ng mga nakakatanggap ng bakuna ay abala ang mga magulang para dalhin ang anak. Isa pa sa mga rason ay ang pagkakaroon ng sakit ng bata sa araw ng bakuna.
Ngunit, ang pinaka nakakabahala ay ang kawalan ng tiwala ng mga magulang sa mga bakuna mula mahigit 80% patungong 32% na lamang. Ito ay dahil sa mga kontrobersiya tungkol sa mga side-effects na dulot ng mga bakuna.
Pag-iingat sa polio epidemic
Nuong ika-19 ng Agusto taong 2019, sinimulan ng DOH ang programang “Sabayang Patak Kontra Polio” sa Maynila. Sisimulan naman ng Rotary International ngayong ika-20 ng Setyembre taong 2019 ang pamimigay ng bakuna kontra polio sa buong NCR.
Ayon sa World Health Organization (WHO), 3 doses ng oral polio vaccine (OPV) at 1 dose ng inactive polio vaccine (IPV) ang kailangan ng mga bata. Sinisigurado rin ng WHO na makikipagtulungan sila sa DOH upang masugpo ang pagkalat ng sakit.
Patuloy na isinusulong ng DOH ang zero open defecation program sa mga lokal na pamahalaan. Ani nila, makakabuting panatilihin ang kalinisan ng mga kapaligiran upang maiwasan ang patuloy na pagkalat ng sakit.
Paalala ni Sec. Duque, “Aside from immunization, we remind the public to practice good personal hygiene, wash their hands regularly, use toilets, drink safe water, and cook food thoroughly.”
Basahin din: Babala ng DoH: Polio maaaring maging mapanganib muli
Source: Department of Health, Rappler, WHO