Primary Complex: Lahat ng kailangan mong malaman tungkol dito

lead image

Lahat ng dapat malaman tungkol sa kondisyong ito ng mga bata.

Hindi biro ang sakit sa baga, lalo na sa bata. Ang primary complex ay isa sa mga kundisyon na nakakaapekto sa baga ng mga bata sanhi ng impeksiyong dala Tuberculosis bacteria. Nagagamot ito at tuluyang nawawala, pero may mga pagkakataon din na bumabalik ito lalo na kung hindi lubusang nababantayan ang kalusugan.

Ano ang Primary Complex?

Ang Primary Complex ay isang uri ng Tuberculosis na mga bata ang naaapektuhan. Nakukuha ito sa mga adult o mas matatanda sa pamamagitan ng pag-ubo o paghatsing. Pagdating ng 1 taong gulang, isa ito sa karaniwang nagiging problema sa kalusugan ng bata.

May bacteria na tinatawag na Mycobacterium tuberculosis na nagiging tuberculosis  (TB) infection—na mas kilala bilang Primary Complex. Mabilis na nakahahawa ang sakit na ito, lalo kapag umubo ang isang taong mayro'n nang TB at nalalanghap ng isang bata ang bacteria na galing sa kaniya, saka napupunta sa baga ng bata.

Kumakalat din ito sa pamamagitan ng pagsasalita, pagbahing at paghinga din. Madalas na hindi ito nalalaman ng mga magulang dahil walang sintomas na nakikita sa bata dahil  protektado ng immune system ang katawan at nakukulong tuloy ang mga “germs” sa mga lymph nodes. Mananatiling walang nakikitang sintomas sa bata hanggang humina ang immune system niya at maging mas aktibo ang kundisyon, paliwanag ni Dr. Carlos Palarca, MD.

Kapag nalanghap, ang tuberculosis bacilli ay nananatili sa baga nang matagal na panahon, at maaaring maging tuberculosis. Ayon pa din sa WHO, nasa 10% ng kaso ng primary complex ang nagiging tuberculosis.

Hangga’t hindi nagiging TB ang kundisyon at kaunti pa lang ang bacteria sa baga ng bata, hindi pa ito nakakahawa, paliwanag ni Dr. Palarca. Hindi napapasa ang primary complex nang bata sa bata, kundi mula sa mga adults papunta sa bata.

Nawawalan ng ganang kumain, iritable, hindi interesadong makihalubilo o makipaglaro sa mga magulang, pagbaba ng timbang at pabalik-balik na sinat—ito ang ilang nagpapakita ng pagkakaro'n ng Primary Complex sa isang bata. Ayon sa World Health Organization (WHO), nasa humigit kumulang 100,000 bata ang nagkakaro'n at namamatay dahil sa tuberculosis kada taon, at isa ito sa pangunahing sanhi ng child deaths sa mga bansa sa Southeast Asia.

Paano nalalaman na Primary Complex ang sakit?

Mayrong tuberculin skin test para malaman kung may primary complex ang isang bata kung saan ang kaunting dose ng purified protein derivative ng TB germ ay iniiniksiyon sa braso ng bata. Kapag namaga at nangati ang balat, positibong may primary complex ang bata.

Kailangan din ng X-RAY para makita ang baga ng pasyente at makompirma ang kondisyon.

Dapat gamutin kaagad ang kondisyong ito, para hindi na lumala pa.

Paano kung lumala na ito?

Sa unang stage ng tuberculosis sa bata, inaatake ng bacteria ang baga. Wala pang makikitang sintomas, hanggang 4 o 5 buwan. Maaaring may pulmoniya, tubig sa baga, at pag-collapse ng baga. Dito na magsisimulang pumayat ang pasyente at umubo nang malala. Maaari ding kumalat ang impeksiyon at maging sanhi ng iba pang impeksiyon.

Paano maiiwasan ang pagkalat o paglala ng sakit?

Dapat iwasan ang mga taong nagpapakita ng mga sintomas tulad ng pag-ubo, dahil  maaaring TB na ito. Sa ilang pagsasaliksik, may mga bakuna din para sa TB na pinaniniwalaang maaaring makapagpalala pa ng kondisyon.

Nagagamot ba ito?

May gamot para sa primary complex, kaya’t hindi dapat mabahala. Karaniwang inaabot ang paggamot ng hanggang 6 na buwan, basta’t sinisiguradong naiinom ang gamot sa tamang oras at dosage.

Sa unang 4 na buwan ng treatment, may 3 klase ng gamot na karaniwang nirereseta sa pasyente. Sa ika-5 at ika-6 na buwan, maaaring bawasan ng hanggang 2 klaseng gamot, sa payo ng pedia. Ang dosage ay depende sa timbang ng bata, kaya’t siguraduhing kumunsulta sa pedia buwan-buwan, lalo kung mabilis ang pagbigat ng timbang ng bata.

May katagalan ang paggamot sa primary complex at TB, at mahalagang masimulan agad ang treatment para hindi lumala. Mga gamot tulad ng ethambutol, isoniazid, pyrazinamide, rifampicin at streptomycin. Nasa 90% ng bacteria ang napapatay sa unang 2 linggo pa lang ng paggamot, pero dapat patuloy ito hanggang 6 na buwan para siguradong mapuksa ang natitirang 10% ng bacteria. Kapag hindi itinuloy ang treatment, maaaring magkaron ng impeksiyon ulit.

Paano maiiwasan ang pagkakaron ng Primary Complex?

Ang pinakamabisang paraan para maiwasan ang impeksiyon ng baga o pagkakaron ng primary complex ay ang ang early diagnosis at treatment ng mga adults na may TB. Sila kasi ang nagdadala ng sakit na ito at nakahahawa sa mga bata, kaya sila ang dapat na bigyan muna ng pansin. Dapat ding siguraduhin na ang lahat ng nag-aalaga o kasama sa bahay ng bata ay walang nakahahawang sakit tulad ng TB.

Sa United Arab Emirates, halimbawa, ang lahat ng taong nagtatrabaho sa isang lugar na may bata, tulad ng Nursery Schools at Day Care Centers, at lahat ng mga babysitters at nanny, ay sumasailalim sa 2 beses pang medical exams na may XRAY at blood tests BCG, para masegurong walang TB at HEPATITIS. Kapag may nakitang “spot” ay hindi ka mabibigyan ng visa para mag-trabaho.

Nirerekumenda din ng WHO na mabigyan ang mga sanggol ng isang dose ng BCG vaccine, lalo na sa mga bansang may mataas na bilang ng insidente ng tuberculosis, maliban sa mga sanggol na positibong may HIV.

Basahin:

Pilipinas, pangatlo sa pinakamaraming kaso ng TB sa mundo!

Tuberculosis: Do you know enough about this fatal disease?