7 tips para mas maging mabisa ang withdrawal method

lead image

Narito ang sagot kung safe ba ang withdrawal method dagdag pa ang ilang tips para mas maging ligtas ito sa mga ayaw pang magdalang-tao.

Safe ba ang withdrawal method sa mga wala pang planong mag-buntis? Ang sagot ay hindi.

Bagamat isa ito sa mga kinukonsiderang uri ng birth control method, isa rin ito sa itinuturing na least reliable at pangatlo sa hindi pinakaepektibong paraan para hindi mabuntis na may 78% na effectiveness.

Ayon iyan sa pag-aaral ng Planned Parenthood, na kung saan ang nangunguna sa least effective na uri ng birth control ay ang paggamit ng spermicide na 71% effective na sinundan ng ovulation tracking o calendar method na 76% effective.

Samantala ang paggamit naman ng hormonal birth control methods gaya ng IUD at injectibles ay mahigit 90% ang effectivity at 85% effective naman ang paggamit ng condom.

Ngunit kahit mataas ang tiyansang mabuntis gamit ang birth control method na ito, maraming mag-karelasyon ang gumagamit sa withdrawal method dahil ito ay walang side effects at puwedeng gawin kahit walang preskripsyon mula sa doktor.

Safe ba ang withdrawal method? Alamin kung bakit hindi.

Photo: Pixabay

Ano nga ba ang withdrawal method?

Ang withdrawal method o kilala rin sa tawag na pull-out method ay isang paraan upang maiwasan ang pagdadalang-tao ng isang babae. Isinasagawa ito sa pamamagitan ng paghugot o pagtanggal sa ari ng lalaki sa loob ng puwerta ng babae bago pa man ito labasan o mag-ejaculate habang nagtatalik.

Ang maling timing o maling pagkokontrol ng isang lalaki habang ginagawa ang method na ito ay mas nagpapataas ng tiyansa sa isang babae ng magdalang-tao.

Ang withdrawal method ay isa rin sa commonly used na uri ng traditional contraceptive sa Pilipinas na kung saan 4.5% ng married women ang gumagamit nito—mas mataas sa calendar method na 2.0% ng kababaihan lang ang gumagamit. Ayon ito sa tala ng PSA o Philippine Statistics Authority noong 2017. Ito ay dahil sa natural na paraan ito ng birth control at walang side effects sa katawan ng isang babae hindi tulad ng mga modern methods gaya ng pills at iba pa.

Safe ba ang withdrawal method para hindi mabuntis?

Ang sagot sa kung safe ba ang withdrawal method sa pag-pigil na makabuo ay malaking HINDI.

Ito ay dahil ang method na ito ay malaki ang tiyansang hindi maging effective lalo na kung mali ang paraan ng pagsasagawa nito o dahil sa human error. Ayon ito kay Dr. Mary Jane Minkin, isang clinical professor sa Yale School of Medicine.

Dagdag pa ni Dr. Minkin, ang hindi pag-withdraw agad o ang maling timing sa paghugot sa ari ng lalaki sa puwerta ng babae bago ito labasan ay isa sa pagkakamali sa pagsasagawa ng method na ito kaya’t isang malaking NO ang sagot sa kung safe ba ang withdrawal method.

Ayon din sa kaniya, ang mga unang drops ng semen na galing sa penis ng lalaki ay mas loaded daw ng sperm na mas nagpapataas ng tiyansa ng pagbubuntis lalo pa’t isang sperm lang ang kailangan upang makapagfertilize ng egg cell ng isang babae.

Safe ba ang withdrawal method laban sa STD?

Ang withdrawal method ay hindi rin safe bilang proteksyon sa pagkakaroon ng sexually transmitted disease o STD.

Kahit na tama ang pagsasagawa sa withdrawal method hindi naman ito nagbibigay ng sapat na proteksyon sa isang babae upang hindi magkaroon ng sexually transmitted disease gaya ng genital warts at herpes na maaring makuha sa skin-on-skin contact.

Samantalang ang mga iba pang uri ng STD na chlamydia, syphilis at gonorrhea ay maaring madala sa pre-cum o sa fluid na lumalabas sa penis ng lalaki bago ang ejaculation na maaring malipat sa isang babae habang nakikipagtalik.

Tips para mas maging mabisa ang withdrawal method

Ngunit para mas madagdagan ang effectivity o mas maging mabisa ang withdrawal method upang maiwasan ang hindi planadong pagbubuntis ng isang babae ay may mga paraan at tips na maaring gawin ang isang mag-karelasyon.

  1. Gumamit ng spermicides. Ang spermicide ay isang substance na pumapatay sa sperm. Ito ay maaring isang film, gel, cream o suppository na mabibili over-the-counter sa mga drugstores, pharmacy o groceries.
  2. Huwag gamitin ang withdrawal method sa mga araw na fertile ang isang babae na mas mataas ang tiyansa ng pagbubuntis.
  3. Para makaiwas sa STD ay maaring gumamit ng condom habang gumagamit ng withdrawal method. Isang alternatibong paraan din ito upang safe na makipagtalik sa mga araw na fertile ang isang babae.
  4. Paihiin muna ang partner na lalaki bago makipagtalik upang matanggal ang mga sperm na maaring lumabas bago pa man ang aktwal na pagtatalik.
  5. Kapag nag-ejaculate o nilabasan ang partner na lalaki sa labas ng puwerta ng babae, siguraduhing walang sperm ang maiiwan sa itaas na parte ng hita o sa singit ng babae. Ito ay dahil ang sperm sa balat ay maaring gtumulo papunta sa vagina.
  6. Ngunit upang higit na mas maging mabisa ang withdrawal method sa isang mag-karelasyon ay dapat mayroong tiwala ang isang babae sa kaniyang partner na lalaki para maisagawa ng maayos at tama ang method na ito.
  7. Sa mga lalaki, kailangan namang maging honest sa kanilang pagseself-control at maging responsable upang maiwasan ang pagkakamali sa paggawa ng withdrawal method.

Tandaan, na kahit na gawin ang tips na ito, hindi pa rin 100% na epektibo ang withdrawal method sa pagpipigil na mabuntis. Kumonsulta sa OB para sa mga iba pang options na puwedeng gamitin.

Sources: Women’s Health, WebMD, PSA.gov, Planned Parenthood

Basahin: Anu-ano ang iba’t ibang klase ng contraceptives?

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!