DepEd: Senior high school lang ang may graduation ceremony ngayong 2019

undefined

Hindi kasali ang Grade 6 students sa mga magkakaroon ng graduation ceremonies sa mga pribado at pampublikong paaralan ngayong taon ayon sa DepEd.

Inanunsyo kamakailan ng Department of Education (DepEd) na tanging senior high school graduation lang ang gaganaping seremonya sa mga pribado at pampublikong paaralan ngayong taon. Hindi kasama sa mga magkakaroon ng graduation ceremony ang mga Grade 6 students.

senior high school graduation

Senior high school graduation at moving up ceremonies

Alisunod sa inilabas na DepEd Order 002 series of 2019, ang mga pribado at pampublikong paaralang may permit to operate ng K-12 program simula 2019 at mga international schools na may k-12 program lamang ang pinapayagan ng DepEd na magsagawa ng senior high school graduation ceremonies.

Samantala, ang mga kindergarten, grade 6 at grade 10 ay sasailalim naman sa “moving up ceremony” o completion exercises ayon kay DepEd Secretary Leonor Briones. Makakatanggap ang mga ito ng certificates sa kanilang mga seremonya habang diploma naman ang para sa mga senior high school.

Ito ang kauna-unahang pagkakataon na senior high school graduation lang ang magkakaroon sa mga paaralan at hindi na kasama ang mga grade 6.

Ang mga pribado at pampublikong paaralan sa buong bansa ay inaasahang magsasagawa ng kani-kanilang mga graduation at moving up rites ng hindi maaga sa Abril 1 at hindi lalagpas ng Abril 5 base sa DepEd Order 25 series of 2018 o ang School Calendar for School Year 2018-2019.

Nagpaalala naman si Secretary Briones ukol sa pagsasagawa ng simpleng programa sa mga graduation at moving up ceremonies sa lahat ng paaralan sa buong bansa.

“Graduation rites should be simple, but meaningful which encourage civil rights, a sense of community and personal responsibility,” aniya.

Para sa mga pampublikong paaralan, mahigpit pa rin na ipinatutupad ang “no collection policy” at ipinagbabawal ang lahat ng kawani ng DepEd na mangolekta ng kahit anong contribution fee para sa senior high school graduation at moving up ceremonies.

Gayunpaman, hinahayaan naman ng DepEd ang paggamit ng anumang uri ng donasyon mula sa Parents and Teachers Association (PTA) ng mga paaralan para sa naturang okasyon. Bukod dito, ang kontribusyon para sa paggawa ng yearbook ay voluntary basis lamang.

“As we usher in more innovations in our educational system, I enjoin everyone to contribute in making our basic education services geared towards the benefit of all Filipino children,” sabi ni Secretary Briones.

 

Source: Manila Bulletin

Images: ADB, Xinhua

BASAHIN: How I took the first step to prepare for my child’s college education

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!