Ikaw ba ay laging nahihilo, inaantok, at naninibago sa iyong nararamdaman? Para mas mapalagay ang iyong loob, alamin kung bahagi ito ng mga sintomas ng buntis.
Kahit ang pinakapasensyosang babaeng kilala mo ay naiinip malaman kung buntis ba siya o hindi. Kadalasan kasi, kailangan mo pang maghintay ng ilang linggo bago makumpirma ang pagbubuntis.
Sa panahong iyon, napakaraming bagay ang maaaring pumasok sa iyong isipan gaya ng buntis na ba ako o baka paparating lang ang aking period?
Kailan dapat magtake ng Pregnancy Test?
Isa sa mga pinakamadaling paraan para malaman kung buntis ka ay ang paggamit ng home pregnancy kit o pregnancy test.
Sa pregnancy test, sinusuri ang ihi kung may hormone na tinatawag na human chorionic gonadotropin (HCG). Ang hormone na ito ay natural na lumalabas sa katawan kapag may implantation na ng fertilized egg sa matres.
Ayon sa Healthline, mas maigi pa ring maghintay ng isang linggo pagkatapos hindi datnan ng regla bago ka mag-test, para mas tiyak ang resulta.
Para sa ilan, napakahirap maghintay ng isa o dalawang linggo para malaman ang kasagutan. Buti na lang, nagbibigay ng senyales ang ating katawan bilang paghahanda sa pagbubuntis.
Sintomas ng Buntis: 10 Maagang Palatandaan
Narito ang mga karaniwang sintomas ng buntis na maaari mong maranasan, bago pa man makumpirma ng pregnancy test:
1. Pagiging Mas Sensitibo ng Nipples
Sintomas ng Buntis: Maagang Palatandaan at Tips
Maraming babae ang nakakaranas ng pagiging mas sensitibo ng kanilang utong o nipples sa simula ng pagbubuntis. Ito ay dulot ng pagtaas ng hormones tulad ng estrogen at progesterone.
Sa mga unang linggo, nagsisimulang lumaki ang suso dahil sa pagdami ng fat at milk ducts bilang paghahanda sa pagpapasuso. Kaya naman, mas nagiging sensitibo ito. Mapapansin mo ring nangingitim ang areolas kumpara sa dating kulay.
Ayon sa isang ina, ang pakiramdam ay parang “razor blades against the nipples.” Kung ganyan din ang nararanasan mo, maaaring buntis ka.
2. Implantation Bleeding
Kapag ang fertilized egg o blastocyst ay dumapo na sa uterus, maaaring magkaroon ng kaunting pagdurugo na tinatawag na implantation bleeding o spotting.
Karaniwan itong napagkakamalang simula ng regla, pero mas kaunti at mas maikli ang daloy nito kumpara sa normal na period. Ayon sa The Royal Women’s Hospital sa Melbourne, “One in four women will bleed in early pregnancy, many of whom go on to have a healthy baby.”
Kung ikaw ay nakakaranas ng spotting, mainam pa ring magpatingin sa OB-Gyne para makumpirma ang kalagayan.
3. Pananakit ng Puson
Kadalasan, bahagi ng period ang pananakit ng puson. Pero kung ito ay nangyayari kahit wala kang regla, posible rin itong senyales ng pagbubuntis.
Sa unang linggo, maaaring dulot ito ng implantation, paglaki ng uterus, o corpus luteum cyst, isang pansamantalang gland na naglalabas ng progesterone hanggang sa palitan ito ng placenta sa ika-12 linggo.
Babala ng Royal Women’s Hospital: magtungo agad sa ospital kung nakakaranas ng matinding pagdurugo o kung nakakabasa ng 2 pad sa loob ng 2 oras, pamumuo ng dugo (singlaki ng golf ball), matinding pananakit ng tiyan o balikat, lagnat, pagkahilo, pagkawala ng malay, o kakaibang amoy sa ari.
4. Labis na Pagod at Antok
Maraming babae ang nagsasabing napansin nilang buntis sila dahil palagi silang inaantok, kahit sapat ang pahinga. Madalas din silang makatulog sa kalagitnaan ng araw.
Kung dati ay sanay kang magpuyat pero ngayon ay madaling mapagod, baka ito ay dahil sa hormonal changes ng maagang pagbubuntis.
Payo ng NSW Health, matulog sa posisyong nakatagilid para maiwasan ang stillbirth.
5. Nausea
Ang morning sickness ay isa sa pinakakilalang sintomas ng pagbubuntis. Maaaring makaramdam ng pangangasim ng tiyan, pagsusuka, o panghihina, lalo na sa umaga kapag walang laman ang tiyan.
Para mabawasan ito, subukang kumain ng kaunti sa umaga bago bumangon sa kama.
6. Madalas na Pag-ihi sa Gabi
Bagama’t karaniwan ito sa huling bahagi ng pagbubuntis, ang madalas na pag-ihi ay maaari ring maranasan sa mga unang linggo.
Dahil sa pagtaas ng blood flow at hormone levels, mas napupuno ang pantog kaya kailangan mong umihi nang mas madalas.
7. Constipation
Sintomas ng Buntis: Maagang Palatandaan at Tips
Nahihirapan ka bang dumumi? Isa rin itong maaaring palatandaan ng pagbubuntis.
Ang progesterone ay nagpapabagal ng bowel movement. Bukod pa rito, ang iron supplements na madalas inireseta sa buntis ay nakakapagpalala rin ng constipation.
Para maiwasan ito, uminom ng maraming tubig at kumain ng pagkaing mayaman sa fiber. Kung hindi pa rin gumaan ang pakiramdam, kumonsulta sa iyong doktor para sa ligtas na gamot.
8. Pagbabago ng Panlasa
Napansin mo bang bigla mong ayaw ang dati mong paboritong pagkain?
Maraming buntis ang nakakaranas ng pagbabago ng panlasa tulad ng metal na lasa sa bibig o mas maraming laway. Maaari ring dumugo ang gilagid habang nagsisipilyo.
Kung dati ay mahilig ka sa tsokolate at ngayon ay ayaw mo na ito o hindi mo na matiis ang amoy ng kape, baka may magandang balita ka!
9. Pagkahilo
Kahit hindi ka nasusuka, pero madalas kang mahilo, maaaring ito ay sintomas ng pagbubuntis.
Ito ay maaaring dulot ng mas maraming blood flow, pagbabago sa blood pressure, o pagbaba ng blood sugar.
Para mabawasan ang pagkahilo, kumain nang paunti-unti ngunit madalas. Iwasan din ang masisikip na damit, at magpahinga kapag kinakailangan. Kung nahihilo, humiga o umupo at ilagay ang ulo sa pagitan ng mga tuhod.
10. Mood Swings
Ang biglaang pag-iyak, pagkairita, o pagiging mas emosyonal kaysa dati ay normal lang sa pagbubuntis.
Ito ay dahil sa hormonal changes sa katawan. Kaya kung ramdam mong parang rollercoaster ang iyong damdamin, baka isa na naman itong clue na ikaw ay buntis.
Bakit nga ba nagiging emosyonal ang babae kapag buntis?
Normal lamang ang maging emosyonal habang buntis, lalo na sa unang bahagi ng pagbubuntis. Narito ang ilang mga dahilan kung bakit:
- Pagbabago sa hormones
Kapag buntis, tumataas ang produksyon ng estrogen at progesterone sa katawan.
- Ang estrogen ay may epekto sa nervous system na nagdudulot ng pagiging iritable, mabilis maiyak, at pabagu-bagong emosyon.
- Ang progesterone naman ay maaaring magdulot ng pakiramdam ng pagod, lungkot, at kawalan ng gana. Ang kombinasyong ito ay maaaring magdulot ng tinatawag na mood swings.
- Kakulangan sa tulog o pahinga
Dahil sa mga pisikal na pagbabagong dala ng pagbubuntis tulad ng morning sickness, mas nagiging mahirap ang pagtulog at pagpapahinga. Ito ay nakakadagdag sa pagiging emosyonal o madaling mairita.
- Pag-aalala at stress bilang magiging ina
Para sa mga unang beses na magiging ina, normal ang makaramdam ng kaba, pag-aalinlangan, o takot, lalo na kapag iniisip ang tungkol sa panganganak at sa responsibilidad ng pag-aalaga sa sanggol.
Tips Para sa mga Posibleng Buntis
Sintomas ng Buntis: Maagang Palatandaan at Tips
Kung nararanasan mo ang ilan sa mga sintomas ng pagbubuntis, narito ang ilang mga simpleng tips para mapangalagaan ang iyong sarili habang naghihintay ng kumpirmasyon:
1. Magpahinga ng Sapat
Ang katawan mo ay posibleng nagsisimula nang gumawa ng mga pagbabago para sa sanggol. Ugaliing matulog ng maaga at magpahinga tuwing kinakailangan.
2. Kumain ng Masustansyang Pagkain
Umpisahan na ang pagkain ng mas maraming prutas, gulay, whole grains, at pagkaing may folic acid para makatulong sa maagang pagbuo ng baby.
3. Iwasan ang Stress
Hindi mo pa man sigurado kung buntis ka, mahalaga pa ring alagaan ang iyong mental health. Subukan ang deep breathing, light stretching, o pakikipag-usap sa mga pinagkakatiwalaang tao.
4. Umiwas Muna sa Alkohol at Paninigarilyo
Kung may posibilidad na buntis ka, iwasan muna ang bisyo at exposure sa mga kemikal para maprotektahan ang sanggol sa sinapupunan.
5. Gumamit ng Pregnancy App o Journal
Makatutulong ang pagsulat ng nararamdaman o sintomas sa bawat araw para masubaybayan ang pagbabago sa iyong katawan. Maaari rin itong pagbasehan ng doktor kung magpapakonsulta ka na.
6. Kumunsulta agad sa OB-GYN kung kinakailangan
Huwag mahiyang magtanong o humingi ng gabay. Mas mabuting malaman agad kung buntis ka upang makapagsimula ng prenatal care.
Reminder
Hindi lahat ng buntis ay makakaranas ng lahat ng sintomas na ito. Ang ilan ay walang nararamdaman sa simula, habang ang iba ay agad-agad may sintomas kahit ilang araw pa lang matapos ang conception.
Kung sa tingin mo ay buntis ka, pinakamainam pa rin na kumonsulta sa OB-GYN para sa tamang gabay at prenatal care.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!