Post-partum depression, mas malaki ang chance na magkaroon nito kung lalaki ang baby mo

lead image

Ayon sa isang pag-aaral, mas lumalabas ang sintomas ng post-partum depression sa mga nanay ng baby boys kaysa sa mga nagkaka-anak ng babae.

Ayon sa isang pag-aaral, mas malaki ang tiyansang makaranas at magpakita ng sintomas ng depression ang mga babaeng nanganak ng lalaking sanggol.

Ang depression o depresyon ay isang sakit na pangkaisipan na lubhang nakakaapekto sa nararamdaman ng isang tao, kung paano siya mag-isip at paano siya kumilos. Ito din ay nakakapagdulot ng iba’t-ibang emosyonal o pisikal na problema na nakakaapekto sa pakikitungo ng taong nakakaranas nito sa kaniyang kapwa, pamilya at sa trabaho.

Ang depression ay nararanasan ng halos 300 million na tao sa buong mundo. Isa na nga sa pangkaraniwang nakakaranas nito ay ang mga babaeng kapapanganak pa lamang.

Ang pag-aaral

Kadalasan, sa unang dalawang linggo matapos manganak nakakaramdam ng kalungkutan at pagkabahala ang isang babae na tinatawag na "baby blues" na normal lamang lalo na sa mga first-time parent o unang beses pa lamang nag-kaanak. Sinasabayan din ito ng iba pang sintomas tulad ng hirap sa pagtulog, walang gana sa pagkain at mood swings. Ngunit, kung ang mga sintomas na ito ay nagsimula pagtapos ng unang dalawang linggo ng panganganak at mas tumatagal pa maaring  ito ay sintomas ng depression—na isang seryosong karamdaman na kung tawagin ay post-partum o post-natal depression.

Ang Post-Natal Depression o PND ay uri ng depresyon na nararanasan ng mga kababaihan ilang linggo o buwan pagtapos manganak. Sinasabing ang post-natal depression ay may kaugnayan sa chemical, social at psychological changes na nararanasan ng isang ina dahil sa pagkakaroon ng bagong sanggol na dapat niyang pag-ukulan ng pansin at alagaan.

Ang post-natal depression ay hindi maiiwasan ngunit ang pagtulong at pagbibigay suporta sa isang babaeng kapapanganak pa lamang ay maaring magpababa ng tiyansang maranasan ito. Ayon ito kay Dr. Sarah John, isa sa mga mananaliksik tungkol sa post-natal depression mula sa University of Kent.

Matapos pag-aralan ang reproductive history ng 296 na babae mula sa mga populasyong may mababang fertility rate, napag-alamang malaki ang tiyansang makaranas ng post-natal depression ang mga babaeng nanganak ng lalaking sanggol na umaabot sa 79% na posibilidad kumpara sa nanganak ng mga babaeng sanggol. Samantalang, umaabot naman ng 174% ang tiyansang magkaroon ng ganitong uri ng depresyon ang mga babaeng nagkaroon ng kumplikasyon sa panganganak.

Iniuugnay naman ng mga scientific evidence, ang pamamaga o inflammation ng mga tissues na nararanasan ng mga babaeng nanganak ng lalaking sanggol at mga babaeng nanganak na may kumplikasyon sa mga sintomas ng depression. Dahil daw ito sa epektong naidudulot ng pamamaga sa chemical balance ng utak na isa sa mga tinuturong dahilan kung bakit nakakaranas ng depresyon ang isang tao.

Sintomas ng depression

Ang Post-Natal Depression ay nararanasan ng isa sa sampung babae pagkatapos manganak. Ilan nga sa sintomas ng depression na ito ay ang sumusunod:

  • Matinding kalungkutan na hindi nawawala o mas lumalala habang tumatagal
  • Kawalan ng gana sa mga dating kinatutuwaang gawin
  • Pagkapagod
  • Hirap sa pakikibonding sa kanyang baby
  • Labis na pag-aalala na baka masaktan niya ito
  • Hirap makatulog
  • Umiiwas makisalamuha sa iba
  • Hirap magconcentrate o gumawa ng isang desisyon

Ang post-natal depression ay hindi lamang nakakaapekto sa babaeng kapapanganak pa lamang. Dahil sa pagbabago at depresyon na pinagdadaaanan ng kaniyang katuwang at sa bagong responsibilidad maari ring makaranas ng depresyon ang asawa o partner ng babaeng nakakaranas nito. Ito ay tinatawag na paternal postpartum depression. Ang epekto ng depresyon na ito ay nakakabahala na maaring magsimula sa pagkasira ng pagsasama ng mag-asawa hanggang sa maling pagpapalaki sa kanilang sanggol.

Kaya kung sinumang nakakaranas ng mga sintomas ng post-natal depression ay pinapayong makipagusap na agad sa doktor upang mabigyan na maagap na atensyong medikal. Maari silang resetahan ng anti-depressant na ligtas at hindi makakaapekto sa kanilang sanggol kung sakaling sila ay nagpapasuso. Ang pakikipagusap sa mga minamahal, pagpapahinga at paggawa ng mga bagay na ikakasiya ng taong nakakaranas nito ay isa sa mga paraan para maibsan o mawala ang epekto ng depresyon na nakakasama sa katawang pisikal at mental na kalusugan ng isang tao.

Ang depresyon ay hindi maiiwasan ngunit mas mabuti paring panatilihin ang maganda at positibong outlook sa buhay hindi lamang para sa malusog ng katawan kundi pati narin sa malusog na kaisipan. Malaking bagay rin ang suporta at pagmamahal ng mga taong nakapaligid sa mga taong nakakaranas ng depresyon para sa mas mabilis at lubusang paggaling nila mula sa karamdamang ito.

Sources: Psychiatry.Org, WebMD, WebMD, WHO, Mayo Clinic, WebMD, Daily Mail

Basahin: Mental Health Law: Mga benepisyo para sa may postpartum depression

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!