Hand Foot and Mouth Disease (HFMD): Gabay para sa mga magulang

lead image

Isa ang HFMD (Hand Foot Mouth Disease) ang pinakamadaling kumalat na sakit sa mga bata. Alamin kung paano maproproteksyunan ang iyong anak laban dito.

Sa isang eskwelahan, palaging yanig ang mga guro kapag may isa man lang na insidente ng Hand, Foot & Mouth Disease (HFMD)—dahil ang ibig sabihin nito ay posible nang kumalat ito, at magkaro’n ng tinatawag na school-wide outbreak. May minsanang panahon ng paglabas ng sakit na ito, pero paniguradong hindi isa o lima lang ang maaapektuhan nito sa isang pagkakataon, kundi marami.

Paano ba malalaman kung HFMD ang nakaapekto sa iyong anak?

Bagamat ito ay karaniwang walang dalang panganib, may mga strain ng virus nito na maaaring maging sanhi ng komplikasyon. Isang uri ng virus na malubha ang maaaring maging komplikasyon ay ang EV71, ayon sa MayoClinic. Naaapektuhan nito ang puso at nervous system, at maaaring makamatay.

Ang HFMD ay iba sa kilala ring Foot-and-Mouth Disease na nakaka-apekto lang sa mga farm animals. Hindi nakakahawa ang FMD ng hayop sa tao, at hindi rin nakakahawa ang HFMD ng tao sa hayop.

Sintomas ng Hand, Foot and Mouth Disease (HFMD)

Ang HFMD ay isang nakakahawang viral infection sanhi ng coxsackievirus. Karaniwang nakakaapekto sa mga bata, lalo na sa mga batang 5 taong gulang pababa. Pangunahing sintomas nito ay ang mga sugat sa bibig, kamay at paa (kaya nga ito ang tawag sa sakit), paliwanag ni Apple Tagat, RN, school nurse sa isang nursery sa Dubai, UAE.

Mabilis itong makahawa kaya karaniwang may maliit na outbreak lalo na sa mga nurseries o early childhood centers, kung saan mahilig magsubo ng mga laruan ang mga bata.

Ilang sintomas ay ang sumusunod:

  • lagnat
  • sore throat
  • sugat sa lalamunan, bibig at dila
  • pananakit ng ulo
  • rashes sa palad ng kamay, talampakan at diaper area, puwit, braso at binti
  • walang ganang kumain
  • nanghihina at ayaw kumilos

May mga pasyenteng kakikitaan ng isa, ilan lang, o lahat ng sintomas na nabanggit, dagdag ni nurse Apple.

Nasa tatlo hanggang anim na araw ang tinatawag na incubation period kung saan makikita ang unang senyales ng impeksiyon hanggang sa paglabas ng mga sintomas. Karaniwang mataas na lagnat ang unang makikitang sintomas ng HFMD, kasunod ay sore throat at pagkawala ng ganang kumain.

Sa ikalawang araw ng lagnat, saka maglalabasan ang lesions o sugat sa bibig at lalamunan. Pagkalipas pa ng isa o dalawang araw, saka naman makikita ang mga lesions sa kamay at paa, pati sa puwit.

hfmd, hand foot mouth disease

Sugat sa bibig, dila, at lalamunan

Sanhi ng Hand, Foot and Mouth Disease

Impeksiyon mula sa coxsackievirus A16 ang sanhi ng HFMD, na kabilang sa grupo ng viruses na tinatawag na nonpolio enteroviruses.

Karaniwang kumakalat ito sa pamamagitan ng oral ingestion, nasal secretions o throat discharge. Sa madaling salita, nakakahawa ang laway, fluid mula sa sugat nito, stool o dumi, at kahit pa napakaliit na patak ng laway o sipon mula sa  pag-ubo o pagbahing.

Ayon kay nurse Apple, mas maraming kaso ng HFMD sa mga childcare settings tulad ng nursery schools at day care dahil na nga sa ang mga bata ay mahilig magsubo ng mga laruan pagkatapos ay ipasa ito sa iba, pati na ang pagsubo ng kamay. Dagdag pa ang madalas na pagpapalit ng diaper na maaaring simula ng pagkalat ng virus.

Pinakanakahahawa ang pasyente sa unang linggo ng sakit, bagamat maaaring manatili ang virus sa sistema niya hanggang ilang linggo, kahit wala nang sintomas. Maaari ding maging carrier ng virus ang mga matatanda, kahit walang nakikitang sintomas sa kanila.

Mas talamak ang pagkalat ng virus ng HFMD kapag mainit ang panahon, kaya’t mas karaniwan ito buong taon sa mga bansang tropikal tulad ng Pilipinas at mga maiinit na kontinente tulad ng Middle East sa kasagsagan ng tag-init.

Nagbabadyang komplikasyon ng Hand, Foot and Mouth Disease

Masakit ang mga sugat sa bibig dala ng HFMD, kaya nga hirap kumain o uminom ang   pasyente. Ito ang karaniwang sanhi ng dehydration, pagsusuka, at diarrhoea. Dehydration ang pangunahing komplikasyon ng HFMD na dapat maiwasan dahil maaaring mapunta sa mas malubhang sakit.

May mga ilang kaso ng brain, lung o heart infections, dala ng EV71 virus, bagamat bihira. Dapat maging maalam sa mga sintomas nito tulad ng labis na pananakit ng ulo, di mapakali, at paninigas ng leeg, ‘disorientation’, pagkahilo at pagka-iritable. Mayron ding nakakaranas ng hirap sa paghinga.

Posible din ang viral meningitis, o ang bihirang impeksiyon ng pamamaga ng membranes (meninges) at cerebrospinal fluid na nakapaligid sa utak at spinal cord. Delikado ring mapunta sa encephalitis, ang pambihira at malubhang sakit sanhi ng pamamaga ng utak, sanhi ng virus.

Pag-gamot para sa Hand, Foot and Mouth Disease

Walang direktang pag-gamot para sa impeksiyon ng HFMD, bagamat may mga gamot para malunasan ang mga sintomas. Mahalagang kumunsulta sa doktor para malaman ang narararapat na medikasyon para sa pasyente.

Para maibsan ang sakit na dulot ng mga sintomas ng HFMD, narito ang ilang payo ni nurse Apple, na maaaring gawin sa bahay at makatulong na makabawi ng lakas at kalusugan ang pasyente.

  • Painumin ng maraming tubig o fluids ang pasyente.
  • Kung hirap kumain dahil sa sugat sa bibig at lalamunan, pakainin ng malalambot na pagkain lamang tulad ng sabaw, porridge, o pureed na gulay at prutas.
  • Maging strikto sa pagbigay ng medikasyon sa tamang oras at tamang dosage na nireseta ng doktor.
  • Siguraduhing makapagpahinga ng sapat ang pasyente.

Mga dapat iwasan para hindi makahawa

Kung positibong may HFMD ang iyong anak, kailangang isipin ang pagpigil ng pagkalat ng virus at makaiwas sa pagkahawa ng ibang bata.

Ipagbigay-alam sa guro at administrasyon ng nursery school o day care ang kalagayan ng bata, para masagawa ang dapat na aksiyon. Kailangan nilang magsimula ng sanitasyon sa mga silid-aralan at palaruan, at buong paaralan para hindi kumalat ang virus. Dapat ding maipagbigay-alam sa ibang magulang para malaman kung may outbreak.

Pagmasdan kung nakikitaan ng sintomas ang ibang kapamilya o kasambahay para matugunan din kaagad ang sintomas nila.

Panatilihin sa bahay o ospital ang bata, para magamot at makapagpahinga ng lubusan. Huwag nang ipasyal o ilabas sa mga pampublikong lugar kahit pa walang lagnat.

Hugasan at banlian ang mga laruan, kumot, kobrekama, punda, damit, tuwalya at iba pang personal na gamit ng bata, at ihiwalay na ang mga gagamitin pa para hindi magamit ng iba.

hfmd, hand foot mouth disease

Rashes at blisters sa paa dulot ng HFMD

Prevention at proteksiyon para masupil ang virus

Masusing pag-iingat ang kinakailangan para maiwasan ang pagkalat ng virus ng HFMD, o anumang virus, lalo na sa mga bata.

  • Ugaliin ang paghuhugas ng kamay gamit ang tubig at sabon bago at pagkatapos kumain, at pagkagamit ng banyo; ituro din ito sa mga bata. Magdala ng hand wipes, alcohol, o alco-gel para sa mga pagkakataon na walang tubig o sabon na panghugas.
  • Ugaliin ang regular na paglilinis at pag-disinfect ng mga laruan at iba pang gamit ng bata. Epektibo ang suka at tubig para malabanan ang mikrobyo.
  • Turuan ang bata at lahat ng kapamilya at kasambahay na magtakip ng bibig at ilong kapag bumabahing o umuubo. 
  • Iwasan ang “sharing” pagdating sa inumin, pagkain, kubyertos, tuwalya, at iba pang personal na gamit.
  • Gumamit ng face mask kung masama na ang nararamdaman, o kung napapansin nang masama ang kalagayan ng bata.

Ang hand-foot-and-mouth disease ay karaniwang hind malalang karamdaman at madaling nalulunasan. Anumang senyales o sintomas ng mas malalang kondisyon ay dapat ikunsulta kaagad sa doktor para maagapan ang komplikasyon.

Ayon kay nurse Apple, ang mga batang nagkaron ng HFMD ay nagkakaron din ng immunity sa pagtanda nila, dahil na rin sa pagkakaron ng antibodies pagkatapos ma-expose sa virus, bagamat may mga adolescents na nagkakaron pa din nito.

Sources: Mayo Clinic, Apple Tagata, RN, Healthline

Basahin: Babala: May sakit na puwedeng makuha sa mall playground

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!