Baby nalamang may cancer dahil sa white spots na nakita sa mata

Baby nalamang may cancer dahil sa white spots na nakita sa mata

Ayon sa isang ina, naging sintomas ng kanser sa mata ng kaniyang anak ang pagkakaroon nito ng mga puting spots sa kaniyang mga larawan.

Sino nga ba ang mag-aakala na dahil lamang sa isang letrato ay malalaman pala na mayroong sakit na kanser ang isang bata? Ngunit ayun na nga ang nangyari nang mapansin ng isang ina na tila kakaiba ang mata ng anak niya sa mga letrato. Yun pala ay ito ay sintomas ng kanser sa mata, na sa kabutihang palad ay naagapan agad ng mga doktor.

Sintomas ng kanser sa mata, nakita raw sa larawan

Ayon sa inang si Emily Smith, nagtataka raw siya nang makitang parang may puting blur sa mata ang kaniyang anak na si Jaxson. 

Dahil dito, naisipan niyang ipatingin sa doktor ang kaniyang anak. At buti na lang ginawa niya ito, dahil nalaman na mayroon palang kanser sa mata si Jaxson.

Naisip raw niya itong gawin dahil nagtataka siya bakit maputi ang mata ng kaniyang anak sa mga picture. Kaya't sinubukan niyang hanapin ang sagot sa Google, at nalaman niyang posibleng kanser raw ito.

Ang natural na reflection ng mga mata sa camera kapag tinamaan ng flash ay dapat mapula. Kapag puti raw ito ay posibleng may problema ang mata ng isang tao. Ito ay dahil nagre-reflect sa likod ng mata ang ilaw, at dito makikita ang tumor na dahil sa kanser.

Bihira ang ganitong klase ng cancer

Ayon sa doktor na tumingin kay Jaxson, pambihira raw ang kaso ng bata. Ito ay dahil isa sa pinaka-rare na form ng cancer ang retinoblastoma, o eye cancer, at ito raw ang unang beses niyang makakita nito.

Agad-agad na nagsagawa ng mga tests ang mga doktor, at mabilis na nasimulan ang therapy para sa bata. Sa kabutihang palad, matapos ang operasyon at chemotherapy kay Jaxson, ay stable na ang kaniyang kalagayan.

Bagama't nakakatakot raw ang nangyari sa anak, masaya raw ang mga magulang ni Jaxson na ligtas na ang kanilang anak. Ngunit dahil sa mabilis na aksyon ng kaniyang ina, at sa kaniyang pag-research ng kondisyon ng anak, ay naiwasan itong lumala at maaga pa lamang ay nagamot na ang kanser sa mata ni Jaxson.

Sintomas ng kanser sa bata, anu-ano nga ba?

Dahil sa mabilis na pag-iisip ni Emily, ay nasagip niya ang buhay ng kaniyang anak. Ngunit, ito lang nga ba ang sintomas ng sintomas ng kanser sa mata? Paano naman ang ibang mga uri ng kanser? Ating alamin kung anu-ano ang mga sintomas nito.

  • Pagdurugo, o kaya hindi paggaling ng mga sugat.
  • Biglaang panghihina, o kaya kawalan ng ganang kumain.
  • Kakaibang mga bukol sa katawan na lumalaki.
  • Pananakit ng ulo na hindi maipaliwanag. 
  • Nahihirapang lumunok o kumain.
  • Pagkakaroon ng dugo sa ihi.
  • Biglang pagkakaroon ng lagnat, o kaya pinapawisan sa gabi.
  • Mabilis na pagbaba ng timbang.
  • Pagkakaroon ng mga pasa na matagal gumaling.
  • Pagsusuka at pagkahilo.
  • Pagbabago ng paningin, o kaya paglabo ng mata.

Kung mayroong mga ganitong sintomas ang iyong anak ay mahalagang ipatingin sila agad sa doktor upang malaman kung ano ang kanilang karamdaman. Tandaan, ang maagang pag-detect sa cancer ay nakakatulong upang makaiwas sa malalang komplikasyon nito.

 

Sources: Reader's DigestDaily Mail

Basahin: 5-anyos nalamang may cancer dahil sa mga umuugang ngipin

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!

app info
get app banner