Alamin ang sintomas ng sepsis, at kung paano ito maiiwasan

lead image

Mayroon tayong kasabihan na ang kalusugan ay kayamanan. At para sa mga magulang, tunay na kayamanan ang pagiging malusog at malakas ng kanilang mga anak.

Kaya importanteng alamin ng mga magulang kung anu-ano ang mga sintomas ng iba't-ibang karamdaman, lalo na ang sintomas ng sepsis, upang masiguradong ligtas ang kanilang mga anak. 

Ngunit bago ang lahat, ano nga ba ang sepsis?

Ano ang sepsis? 

Ang sepsis ay isang kundisyon na nangyayari dahil sa pag-respond ng katawan sa isang infection. Madalas, kapag nagkakaroon ng sakit ang isang tao ay naglalabas ng mga kemikal ang katawan upang labanan ang sakit.

Ngunit sa sepsis, sumosobra ang mga kemikal na ito. At sa halip na makatulong, ay ang mga kemikal pa na ito ang nakakasira sa katawan, at nagdudulot ng mas matinding sakit.

Kapag napabayaan, posible itong makamatay dahil sa pinsala na tinatamo ng katawan. Ang sepsis ay posibleng mangyari kahit kanino, ngunit madalas itong nangyayari sa mga sumusunod:

  • Mga matatanda
  • Mga buntis
  • Batang edad 1 pababa
  • Mga mayroong mahinang immune system
  • Taong may diabetes, sakit sa kidney o baga, at cancer

Importanteng malaman agad ang sintomas nito, upang agad na maagapan at mapigilan bago pa lumala.

Anu-ano ang mga sintomas ng sepsis?

Sa maagang stage ng sepsis, ay madalas hindi agad kapansin-pansin ang mga sintomas nito. Kaya nga mas nakababahala ang sakit na ito, dahil madaling mapagkamalan na sintomas lang ito ng ibang karamdaman.

Ang sepsis ay madalas na nangyayari matapos gumaling sa sakit ang isang tao, kaya importanteng bantayan pa rin ang kalusugan ng iyong anak, lalo na kung kagagaling lang sa sakit.

Heto ang ilang mga sintomas na dapat tandaan:

  • Pagbabago ng ugali na hindi maipaliwanag
  • Pagbagsak ng blood pressure
  • Mabilis na paghinga
  • Pagiging drowsy o kaya inaantok
  • Nahihirapang kumain o uminom
  • Pagkakaroon ng lagnat
  • Kaunti lang ang ihi
  • Pag-iiba ng kulay ng balat

Kung mayroong ganitong sintomas ang iyong anak, ay mabuting pumunta na agad sa doktor upang magamot at malaman kung mayroon nga siyang sepsis. Mabuti na ang maaga pa lang ay maagapan ang sakit, bago pa ito lumala.

May long-term effects ba ito? 

Sa kabutihang palad, nagagamot naman ang mga batang mayroong sepsis. Ngunit mayroong mga pagkakataon kung saan nagkakaroon ng long-term effects ang sakit na ito.

Heto ang ilan sa mga ito:

  • Nahihirapan sa pagtulog
  • Pagkakaroon ng PTSD o post-traumatic stress disorder
  • Panghihina
  • Nahihirapang kumain

Mahalagang pumunta sa mga espesiyalista kung nagkaroon ng sepsis ang iyong anak. Ito ay upang matutukan ang kanilang kalusugan, at matulungan kung mayroon man silang nakuhang long-term effects sa sakit na ito.

Hindi dapat mag-alala ang mga magulang, basta't maaga itong maagapan, at mabantayan ang kalusugan ng kanilang anak matapos maka-recover sa sakit na ito.

Source: MDMag

Basahin: Halak ng 11-buwan baby, sintomas na pala ng nakamamatay na sepsis

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!