Trangkaso o sipon lang: Alamin ang pagkakaiba ng dalawa

lead image

Ang sintomas ng trangkaso at sipon ay may pagkakatulad ngunit isa sa mga ito ay maaring magdulot na life-threatening na sakit na pneumonia kung hindi agad magagamot at maagapan.

Ang trangkaso at sipon ay may pagkakatulad ng sintomas tulad ng ubo, congestion, sneezing at sore throat liban nalang sa pagkakaroon ng lagnat at pangangatog sa lamig na malinaw na sintomas ng trangkaso na.

Napakaimportanteng malaman kung sipon lang ba o trangkaso na ang nararanasan, Dahil ang trangkaso o influenza kapag hindi nabigyan ng maagang lunas ay maaring makapagdulot ng kapahamakan sa iyong buhay at maaring maging dahilan ng pagkamatay kung mapabayaan.

Ang trangkaso at sipon ay parehong virus na tumatama sa ating respiratory system. Ang sipon ay maaring magpasama ng iyong pakiramdam sa loob lang ng ilang araw. Samantalang ang influenza naman ay maaring tumagal ng ilang linggo na maari ring maging dahilan ng pneumonia na isang delikadong sakit at kondisyon.

Ayon kay Dr Brian Secemsky, isang internist ng One Medical sa San Francisco, madalas sa una ay napakahirap tukuyin ang pagkakaiba kung trangkaso o sipon lang ba ang nararanasan ng isang tao. Dahil ito sa pagkakatulad ng kanilang sintomas tulad ng sneezing, sore throat, pag-ubo at panghihina.

Ngunit paano nga matutukoy ang pagkakaiba ng dalawang ito?

Sintomas ng sipon

Ang sipon o common colds ay kadalasang nagsisimula sa isang sore throat na kadalasang nawawala matapos ang isa o dalawang araw. Ilan sa sintomas nito ay ang pagkakaroon ng runny nose at hirap sa paghinga na susundan ng ubo sa ikaapat at ikalimang araw.

Bagamat ang pagkakaroon ng lagnat habang may sipon ay hindi pangkaraniwan sa mga matatanda, ngunit para sa mga bata maari silang lagnatin habang sinisipon.

Kasabay ng mga nasabing sintomas ay makakaranas rin ng nasal secretions (mucus o plema) sa unang mga araw ng sipon na mas dumadami at kumakapal sa pagdaan ng mga araw.

Ang sipon ay madalas tumatagal ng hanggang isang linggo at ang unang tatlong araw nito ay nakakahawa. At kung tumagal ang sintomas ng sipon matapos ang isang linggo, maaring ito ay senyales na ng pagkakaroon ng bacterial infection na nangangailangan na ng pag-inom ng antibiotics.

Sintomas ng trangkaso o influenza (flu)

Samantala ang mga sintomas ng influenza na kilala rin sa tawag na flu ay mas malala kumpara sa sintomas ng sipon. Ang mga sintomas ng influenza ay pagkakaroon ng sore throat, lagnat, sakit ng ulo, pananakit ng katawan, congestion at ubo.

Ang isang uri naman ng flu na kung tawagin ay swine flu ay maaring makapagdulot ng pagsusuka at diarrhea.

Katulad ng cold viruses, ang flu viruses ay pumapasok sa katawan ng tao sa pamamagitan ng ilong, mata at bibig. At ang mga sintomas nito ay maaring mawala ng dalawa o hanggang limang araw bagamat normal din sa sakit na ito na magtagal ng isang linggo o higit pa.

Isa nga sa nakakatakot na kumplikasyong maaring idulot nito ay ang pneumonia na maaring tumama sa mga matatanda at bata lalo na sa mga may heart at lung problems. Isa sa mga sintomas ng pneumonia ay ang hirap sa paghinga at ang pabalik-balik na lagnat.

paano gumaling sa sipon

Trangkaso vs sipon

Isa nga sa pagkakaiba ng sintomas ng common colds at trangkaso, ay ang pagkakaroon ng high-grade fever o mataas na lagnat, ayon iyan jay Dr. Gail Van Diepen, isang Florida-based internist.

Ang mabilis na paglabas ng mga sintomas rin ay isang paraan upang matukoy kung sipon lang ba ito o trangkaso. Kadalasan kasi ang sipon ay mararanasan na ng ilang araw bago tuluyang lumabas ang iba pang sintomas. Hindi katulad ng trangkaso na maaring lumabas ang sintomas ng mabilis at sabay-sabay.

Ayon nga kay Dr.Van Diepen, masyado itong biglaan na sa mga nakaraang minuto ay ok na bigla nalang sasakit ang ulo mo at makakaranas ng cold sweats. Ito daw ay malinaw na palatandaan na may trangkaso ka na.

Samantala, ayon naman kay Dr Brian Secemsky, dapat daw ay magpunta na agad sa doktor ang sinumang tinatrangkaso na nakakaranas ng pagkahilo, hirap sa paghinga at pananakit ng dibdib. Maaring senyales na daw kasi ito na nagdevelop na ang trangkaso sa life-threatening na sakit na pneumonia.

Dagdag ni Dr.Van Diepen, dapat din daw ay madala agad sa ospital ang mga sanggol na may mataas na lagnat lalo na kung ito daw ay hindi bumaba sa loob ng 24 oras.

Trangkaso sa mga bata

Maliban sa mga nasabing sintomas, maari ring magpakita ng ibang sintomas ang mga bata na nakakaranas ng trangkaso o sipon na kailangan na ng maagap na medikal na atensyon. Ito ay ang sumusunod:

  • Hindi pag-inom ng sapat na tubig o iba pang fluids
  • Pag-iyak ng walang luha
  • Hindi paggising o hindi paglalaro
  • Hindi pagkain
  • May lagnat na may kasamang rashes
  • Hirap sa pag-ihi

sintomas ng pulmonya sa baby

Paano gamutin at iwasan ang trangkaso

1. Magpa-inject ng flu shot.

Ayon sa Centers for Disease Control and Prevention (CDC) isang paraan para para malabanan ang virus na dulot ng trangkaso at mapababa ang intensity nito ay ang pagpapabakuna ng flu shot. Ito rin ay maaring ipabakuna kahit walang trangkaso bilang panlaban parin sa virus upang ito ay hindi dumapo sa iyo.

2. Sapat na oras ng pagtulog at pag-inom ng maraming tubig.

Para masuportahan ang immune system, kailangan ng sapat na oras ng pagtulog at pagpapahinga ng isang taong may trangkaso. Ang pag-inom rin ng maraming tubig ay makakapagpabawas ng lala ng mga sintomas ng trangkaso.

3. Manatiling malinis at magpahinga.

Ang trangkaso ay nakakahawa kaya naman para hindi na makahawa ay kailangang magpahinga at huwag na munang pumasok sa trabaho o eskwelahan. Ito din ay para mabigyan ang iyong katawan ng dagdag lakas para malabanan ang virus na dulot ng trangkaso.

Upang hindi mahawa sa trangkaso, ugaliing maghugas ng kamay o umiwas sa mga taong nakakaranas nito. Siguraduhin ding laging malinis ang iyong paligid upang hindi pamahayan ng mga iba pang virus na nakakapagdala ng sakit gaya ng trangkaso

4. Uminom ng mga over-the-counter medicines.

Ang pag-inom ng mga over-the-counter medicines ay makakatulong upang maibsan ang ilang sintomas ng trangkaso. Ngunit kung hindi parin nawawala ang mga sintomas, dalawang araw matapos uminom ng gamot ay dapat ka ng magpunta sa doktor para matingnan at mabigyan ng kaukulang medikal na payo,

Samantala ang mga matatanda lalo na ang may mga pre-existing condition gaya ng diabetes at lung disease ay dapat agad madala sa ospital kung nakitaan ng sintomas ng trangkaso. Dahil ang mga ito ay mas prone sa pagkakaroon ng pneumonia na malaking banta sa buhay nila. Ganun din sa mga naninigarilyo na mas mahina ang panglaban sa life-threatening na sakit na ito.

Kung ang trangkaso ay may kasamang pagsusuka, isa na rin itong palatandaan na kailangan na ang atensyon ng isang doktor dahil ito ay maaring mauwi sa dehydration na maaring magdulot din ng iba pang nakakatakot na kumplikasyon.

 

Sources: Daily Mail, WebMD, HealthLine

Basahin: 7 tips para gumaling ang sipon

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!

app info
get app banner