Tulo: Alamin ang sintomas at gamot para sa STI na ito

lead image

Mayron nang bagong strain ng gonorrhea o tulo na hindi nagagamot, ayon sa World Health Organization (WHO). Maging proactive, at siguraduhing ligtas laban sa nakahahawang sakit na ito.

Inilathala ng mga eksperto mula sa WHO ang bagong uri ng tulo na lumalaban na sa epekto ng mga antibiotic para dito. Kaya nga ito ang panahon para alamin kung ano nga ba ang sintomas ng tulo o gonorrhea, para maiwasan at malaman ang dapat gawin kung hinihinalang nahawa na.

Ano ang tulo o gonorrhea?

Kilala sa tawag na tulo sa mga Pilipino, at gonorrhea naman sa wikang Ingles, ito ay isang sakit na nakakalat sa pamamagitan ng pakikipagtalik, o sexually transmitted disease (STD) at sexually transmitted infection (STI). Sanhi ito ng impeksiyon galing sa bacterium na Neisseria gonorrhoeae, at nakakaapekto sa babae man o lalaki.

Namamahay ito sa mga mainit at basang bahagi ng katawan tulad ng urethra, mata, lalamunan, anus, vagina, at female reproductive tract (fallopian tubes, cervix, at uterus). Ayon sa WHO, pinakakaraniwang ito sa mga edad 15 hanggang 24 taong gulang.

Tinawag itong STD o STI dahil sa pakikipagtalik ito nakukuha at kumakalat—oral, anal o vaginal man. Kapag madalas ang pakikipagtalik, lalo’t hindi gumagamit ng sapat na proteksiyon, madaling naipapasa at kumakalat ang bacteria. Mas malaki ang panganib kapag marami ang katalik.

Gayunpaman, maaaring maipasa ang bacteria at impeksiyon sa isang sanggol mula sa kaniyang ina pagkapanganak.

Sintomas ng tulo o gonorrhea

Ang mga lalaking may impeksiyon na ay maaaring hindi pa makitaan ng sintomas hanggang ilang linggo pa. Ang iba pa nga ay lubusang hindi nagkakaro'n ng sintomas ng tulo.

Karaniwang lumalabas ang mga sintomas ng tulo isang linggo matapos mahawa.

Sa mga lalaki ang mahapdi at masakit na pag-ihi ang unang mararamdamang sintomas. Kasunod na nito ang mga sumusund:

  • madalas na pag-ihi, o pakiramdam na naiihi
  • namamaga o namumula ang bukana o dulo ng ari
  • namamaga o masakit ang testicles
  • hindi nawawalang sore throat (kung ang bacteria at impeksiyon ay nasa lalamunan, sanhi ng oral sex)
  • At higit sa lahat, may nana na tumutulo mula sa ari, na maaaring puti o greenish ang kulay, kaya ito tinawag na “tulo” ng mga Pilipino.

May mga kaso ng tulo na tuluyang sumisira ng sistema ang impeksiyon, lalo na sa urethra at testicles, at umaabot sa rectum ang labis na pananakit. Dito na makikita ang dugo sa anus, o kaya ay pamumula, pamamaga ng kasu-kasuan at skin rash, pangangati at nana sa mata, kung naimpeksiyon ang mata dahil nahawakan ng kamay na may bacteria.

Nananatili ang impeksiyon sa katawan hanggang hindi nagagamot. Sa loob lang ng 2 hanggang 14 na araw ay kumakalat na ang bacteria at makikita na ang mga sintomas, ayon sa Department of Health. May mga taong may impeksiyon na ngunit hindi pa nakikitaan ng sintomas ng tulo. Ito ang tinatawag na nonsymptomatic carrier, at paniguradong nakahahawa pa din.

Ang mga sintomas ng tulo sa babae ay:

  • Pain habang umiihi
  • Pagdurugo (na hindi regla)
  • Malapot na dilaw o berde na genital discharge (nana)

Ngunit maaari ring magkaroon nito kahit walang lumalabas na sintomas ng tulo.

Kapag hindi naipagamot ang tulo, maaaring magdulot ito ng iba pang kumplikasyon katulad ng pelvic inflammation o di kaya'y pagkabaog. Maaari rin na maipasa ang impeksiyon na ito sa baby kung ikaw ay buntis.

Gamot sa tulo

Sa unang makitang sintomas ng tulo pa lang, magpatingin na agad sa doktor para masiguro kung tulo nga ito, at mabigyan ng karampatang lunas at gamot sa tulo. Nalalaman ito sa pamamagitan ng urine sample o swab test sa apektadong bahagi ng katawan.

Tulad ng anumang impeksiyon, antibiotics ang unang lunas dito. Kung maaga pa lang ay natukoy na ang sakit, madaling nagagamot ito ng antibiotic. Mas maaga ang paggamot, mas madaling nalalabanan ang impeksiyon.

Kapag hindi kaagad nagamot, maaaring kumalat sa sistema at magkaro'n ng mas seryosong sakit, lalo na sa reproductive tract.

Nuong 2017, naglathala ng babala ang WHO na may bagong strain na ng gonorrhea na hindi tinatablan ng mga gamot sa tulo, sa mga bansang Japan, Spain at France.

Ayon kay DOH Assistant Sec. Eric Tayag, sa panayam ng RadyoManila, bagamat hindi na tumatalab ang ilang gamot na pangontra sa tulo, mayro'n pa rin namang mga uri ng gamot na epektibo sa Pilipinas. Wala pang naitatalang kaso ng hindi nagagamot na gonorrhea, dito sa atin.

Dagdag ni Sec Tayag, kapag kasi tuluyang “natuto” ang mga bacteria o 'superbug' na labanan ang mga antibiotic, mahihirapan nang mapagaling ang impeksiyon, at baka magtuluy-tuloy na itong magkaro'n ng komplikasyon.

Safe sex at iba pang preventive measures

1. Sa unang makitang sintomas pa lang ng tulo o gonorrhea, tumigil na sa pakikipagtalik para maiwasan ang panganib ng pagkahawa ng iba. Hintayin munang maeksamin ng doktor, at matapos ang lahat ng paggamot. Ang doktor o healthcare provider lamang ang makakapagbigay sa pasyente ng “clearance” na wala nang impeksiyon at hindi na nakakahawa, sa pamamagitan ng mga panibagong tests.

Karaniwang pinaghihintay ng 7 araw pagkatapos ng clearance, saka pa lang puwedeng makipagtalik muli. Tandaan na nauulit ang pagkakaro'n ng tulo, kaya’t dapat maging mas maingat.

2. Kung mayrong kasalukuyang sexual partner, mahalagang ipaalam sa kaniya ang naging diagnosis, at hikayatin siyang magpatingin din sa doktor at magamot kung nahawa na siya.

3. Ang paggamit ng condom ang isa sa pinakaepektibong paraan para mapigil ang pagkalat ng bacteria.

Sinumang sexually active ay bukas sa pagkakaro'n ng gonorrhea at anumang STI, kaya’t dapat na maalam sa mga sintomas ng sakit na ito. Lalo na kung marami ang nagiging katalik, at hindi iisang partner lang.

Ang DOH, sa pamumuno ni Dr. Jose Gerard B. Belimac, program manager ng Department of Health-National Center for Disease Prevention and Control (DOH-NCDPC), ay may HIV/STI Prevention Program na naglalayong mapababa ang bilang ng transmission ng HIV at STI sa ating populasyon. May mga free voluntary HIV /STI Counseling at Testing Service, “100% Condom Use Program (CUP)” sa mga entertainment establishments, peer education at outreach, pagsuporta sa mga Hygiene Clinics at pag-didistribute ng male condoms bilang education materials sa mga outreach programs.

 

Basahin: STD na nakukuha sa oral sex, hindi basta-basta nagagamot

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!