Hyperemesis Gravidarum: Mga sintomas at paggamot dito

Share this article with other moms

Kapag sobra ang pagsusuka ng isang buntis, maaaring ito ay hyperemesis gravidarum. Alamin ang mga sintomas at kung paano ito gagamutin, dito.

Laman ng balita ngayon ang kalagayan ng Dukesa ng Cambridge, United Kingdom, sa kaniyang ikatlong pagbubuntis. Ibinalita ni Princess Kate, asawa ng magiging hari na so Prince William, ang pagkakaroon ng Hyperemesis Gravidarum. Ano nga ba ito? Pang royalty ba ang sakit na ito, o karaniwan ba ito sa mga nagbubuntis?

Lahat halos ng nagbubuntis ay nakakaranas ng morning sickness, o pagkahilo at pagsusuka sa umaga. Mayroong mas malala sa pagkahilo ang nararamdaman. Ayon sa WebMD Medical Reference, halos 3% ng mga nagbubuntis ang may kalagayang tinatawag na hyperemesis gravidarum. Walang gamot dito, ngunit ito ay pansamantala lang naman at maraming paraan para mapagaan ang pakiramdam ng mga may ganitong karamdaman.

Ano ito?

Pagsusuka maya’t maya ang isang pangunahing sintomas nito. Halos bawat kainin mo ay inilalabas sa pagsusuka, kahit anong oras pa—gabi man o umaga. Kaya naman kapag hindi naagapan, maaaring maging sanhi ng dehydration at pagbaba ng timbang.

Kung ang morning sickness ay sa umaga lang at nawawala na paglagpas ng unang trimester, mas matagal nararamdaman ang hyperemesis gravidarum. Minsan nagsisimula ito sa ika-apat na linggo ng pagbubuntis at maaaring tumigil ang paglala sa ika-20 linggo, ngunit hindi tuluyang nawawala.

Ang pagkahilo, pagsusuka, pagbaba ng timbang habang buntis ay ang mga pangunahing sintomas ng hyperemesis gravidarum. Nariyan na rin ang pakiramdam na palaging sobrang pagod, hindi makaihi, madalas na pagsakit ng ulo, nahihimatay, jaundice, mababang blood pressure, mabilis na heart rate, at secondary anxiety o depresiyon.

Ano ang sanhi?

Ayon sa libro ni Elizabeth Kaledin na “The Morning Sickness Companion”, wala pang lubusang nakakaalam ng sanhi nito. Hinuha ng mga doktor, ang isang maaaring dahilan ay ang pagtaas ng hormone levels ng isang buntis.

Sinasabing kung ang isang babae ay nagkaroon na ng HG sa unang pagbubuntis, mas malaki ang posibilidad na magkakaron siya ulit nito sa mga susunod na pagbubuntis, katulad nga ng nangyari kay Princess Kate. Ito ay nakakaapekto sa mga kababaihan na mas sensitibo sa tumataas na level ng hormones kapag nagbubuntis.

Ano ang mga posibleng komplikasyon nito, lalo sa sanggol?

Alam mo bang maaaring maapektuhan ang iyong timbang, kidneys o baga, mineral balance, at may posibilidad na maipanganak ng maaaga sa due date o premature ang bata o di kaya’y mababa ang timbang nito pagkapanganak kung hindi maaagapan.

Kung ang timbang na nababawas sa iyo ay nasa 5% lamang ng iyong nakaraang timbang, normal lang ito. Pero kung mas malaki dito at patuloy ang pagbaba ng timbang, kailangang ikunsulta agad sa doktor.

Mga paggamot sa HG

Una na rito ay ang ilang pagbabago sa kinakain. Kailangan ding maging maigting ang pagpapahinga. May mga mas malalang kalagayan ng HG ang nangangailangan ng pagpapaospital upang matugunan ang mga nutrisyonal na pangangailangan ng nagbubuntis.

HUWAG basta basta uminom ng gamot na hindi ibinigay ng doktor. Ang bawat paggamot sa HG ay maaaring maging iba sa bawat sitwasyon at bawat tao.

Sabi ng iba, ang pag-inom ng multi-vitamins bago pa man magbuntis o kung nagpaplano nang mabuntis ay makakatulong. Kumpletong pagpapahinga o bed rest ay maaaring makatulong sa stress at sakit na nararamdaman. Siguraduhin lang na may oras ding bumangon at maglakad-lakad kahit sa loob ng bahay para ma-ehersisyo ang mga muscles. May mga naniniwala sa acupressure, na hindi naman din masama.

Tandaan lang na kahit anong iniinom o ginagawa mo sa iyong katawan ay may direktang epekto sa dindadalang sanggol. Ikunsulta palagi sa doktor ang mga planong gawin o inumin para sigurado.

Ano nga ba ang pwede kong gawin?

Subukan ang mga sumusunod:

  • Kumain ng pakonti-konti, ngunit mas madalas sa loob ng isang araw para hindi lalong lumala ang pagsusuka.
  • Uminom ng fluids, pero iwasan ang pag-inom ng masyadong marami sa isang inuman lamang. Gumamit ng straw.
  • Iwasan ang mainit na pagkain dahil nakaka-trigger ito ng pagkahilo.
  • Subukan ang mga mas malalamig na pagkain.
  • Maaaring ipayo ng doktor ang pag-inom ng inuming mayaman sa electrolytes tulad ng inuming sports at nutritional supplements.
  • Matulog ng nasa oras ng sapat na oras.
  • Mag-relax at iwasan ang stress.
  • Ang luya daw ay nakakatulong. Maaring gawing tsaa o ilaga ang luya at inumin ang pinaglagaan.
  • Itanong sa doktor kung maaaring uminom ng antacids.

Ibinalita sa CNN na ang Dukesa ng Cambridge ay kinakalinga sa kasalukuyan sa Kensington Palace, kung saan sila nakatira. Sa unang dalawang pagbubuntis, maaalalang naospital na siya dahil sa HG. Walang dapat ipag-alala kung mayroong ganitong kalagayan, basta kumunsulta agad sa espesyalista at huwag pababayaan ang sarili.

sources: “The Morning Sickness Companion” ni Elizabeth Kaledin, WebMD, CNNMedscape

BASAHIN: LINEA NIGRA: Mga mahalagang kaalaman tungkol sa linya sa tiyan ng buntis

Sign up for the

Your weekly Pregnancy guide

Receive weekly personalized updates on your pregnancy! More details on the Plus One here

Pregnancy Becoming a Mom Pregnancy signs & symptoms