Solo parents, bibigyan ng 20% discount sa mga restaurants
Alinsunod sa Solo Parents Welfare Act of 2000, magbibigay ng karagdagang benepisyo ang Quezon City Government para sa kanilang mga solo parent constituents sa mga restaurant sa lungsod.
Bilang karagdagan sa solo parents benefits sa Quezon City constituents, ipatutupad na ang 20% discount sa mga restaurant sa lungsod tuwing una at huling linggo ng buwan.
Solo parents benefits sa Quezon City
Ito ay sang-ayon sa Republic Act 8972 o mas kilala bilang Solo Parents Welfare Act of 2000 na nagbibigay ng dagdag na tulong sa mga solong magulang na nasa mahirap na sektor ng lipunan. Binibigyang karapatan ng batas na ito ang mga solong magulang na magkaroon ng diskwento sa pabahay, edukasyon ng mga anak, medikal na pangangailangan at dagdag na parental leave sa trabaho.
“To strike a balance between profitability and social responsibility, establishments that are frequented by families, solo parents included, are hereby ordered to grant a 20 percent discount on the total bill of the solo parent and his/her children in establishments,” saad sa Quezon City ordinance 2766-2018.
Gayunman, ang diskwento ay magagamit lamang sa total bill na hindi hihigit sa P2,000 para sa isa o higit pang resibo ng serbisyo sa iisang establisyemento sa parehong araw.
Ang solo parents benefits sa Quezon City ay magagamit lamang ng mga solo parents na nakatira sa lungsod at may Solo Parents ID galing sa Department of Social Welfare and Development.
Paano magkaroon ng solo parents benefits sa Quezon City
Kung ikaw ay isang solong magulang na nakatira sa Quezon City at nagnanais na makakuha ng Solo Parents ID, maaari kang mag-apply sa kanilang City Social Welfare Development (CSWD) office.
Narito ang mga dokumentong kailangan mong isumite sa kanilang tanggapan:
1. Barangay Certificate – bilang katunayan ng iyong pagiging residente sa inyong lugar sa nakalipas na anim na buwan
2. Mga dokumentong magpapatunay na ikaw ay isang solo parent gaya ng:
- Birth certificate ng iyong anak
- Death certificate ng iyong asawa kung ikaw ay isang balo
- Declaration of Nullity of Marriage kung ikaw ay annulled sa iyong asawa
- Medical certificate ng iyong asawa kung siya ay wala ng kakayahan na sumuporta sa pamilya dahil sa karamdaman
3. Certificate mula sa Kapitan ng iyong barangay na nagpapatunay ng sirkumstansiya na matagal na kayong hindi nagsasama ng iyong asawa na tinatawag na de facto separation
4. Income Tax Return (ITR) o sertipikasyon mula sa iyong barangay/municipal treasurer upang mapagtibay ang lebel ng iyong kita
Ikaw ay isasailalim sa kanilang assessment at pupuntahan sa iyong tahanan upang alamin ang iyong sitwasyon. Ang Solo Parents ID ay ibibigay sa loob ng 30 araw pagkatapos ng iyong aplikasyon. Isang taon ang bisa ng ID at maaaring i-renew pagkatapos.
Para sa karagdagang impormasyon ukol dito, basahin ang artikulong ito: Solo parent ID: Kwalipikasyon, application, at benepisyo
Sources: Manila Bulletin
Basahin: Solo parent ID: Kwalipikasyon, application, at benepisyo
- 8 na benipisyo mula sa Extended Solo Parents Welfare Act kapag naipasa na bilang batas
- Solo parent ID: Kwalipikasyon, application, at benepisyo
- 10 parenting mistakes kung bakit lumalaking hindi close ang bata sa magulang
- Ogie Diaz on his daughter Erin: "Pagdating ng araw na iwan kayo ng asawa niyo, 'di kayo pwede pagmalakihan dahil may natapos kayo."