SSS maternity benefits: Mga hakbang para makakuha ang mga unemployed
Narito ang mahahalagang impormasyong dapat ninyong malaman kaugnay ng SSS maternity benefits for unemployed.
Wala na yatang mas sasaya pa sa balitang pagbubuntis ng isang ina. Sa pamamagitan nito, nagkakaroon ng kaganapan ang kaniyang pagkababae, at nakakikita siya ng puwang sa lipunan maski ano pa man ang kaniyang estado. Ngunit siyempre, hindi biro ang magdalang-tao sa loob ng siyam na buwan, at bumuhay ng bata matapos ang panganganak. Dahil ang lahat ng ito ay may kaakibat na pangangailangang dapat matugunan ng ina sa kaniyang anak—emosyonal, mental, sikolohikal, at pinansiyal.
Sa ganitong mga pagkakataon pinakamainam na masamantala ng kababaihan ang mga benepisyong gaya na lamang SSS maternity benefits. Para pa sa kaalaman ng lahat, hindi lamang ang mga nagtatrabaho at self-employed (propesyunal o may negosyo) ang maaaring makakuha nito kundi maging ang mga unemployed na tuloy-tuloy pa rin namang naghuhulog sa kanilang SSS account. Paano nga ba maaaring mapakinabangan ang SSS maternity benefits for unemployed? Ano-ano ang mga benepisyong napapaloob dito na maaaring samantalahin ng mga kasapi ng SSS? Alamin.
SSS maternity benefits: Saklaw ng benepisyo
Ang SSS maternity benefit ay isang anyo ng daily cash allowance na ipinagkakaloob sa lahat ng mga babaeng aktibong kasapi ng SSS na nanganak, nakaranas ng ectopic pregnancy, o kaya ay nakunan.
Bukas ito para sa unang apat na kumpletong panganganak o miscarriage ng isang kasapi. Samantala, ang ikalima o susunod pang panganganak ay hindi na nababayaran bilang bahagi ng polisiya ng ahensiya.
Sa ilalim ng bagong pasang batas na Expanded Maternity Leave Act noong Marso 11, 2019, mayroong 105 araw na babayaran, sa pamamagitan ng SSS maternity benefits, para sa mga inang bagong panganak— anuman ang kanilang estadong panghanapbuhay. Kalakip din nito ang dagdag na 15 pang araw, o kabuoang 120 araw, para sa mga inang solong naghahanapbuhay (single mothers) para sa bagong silang na anak.
Upang masaklaw ang babaeng kasapi, kailangang pasok siya sa dalawang pangunahing kwalipikasyon ng pakikinabang sa benepisyo.
- Kailangang nakapaghulog nang hindi bababa sa tatalong (3) buwanang kontribusyon sa loob ng 12 buwan bago ang semester ng kaniyang panganganak o miscarriage.
Halimbawa, kung nakatakda ang pangangnak nang Nobyempre ng kasalukuyang taon, kailangang nakapaghulog ng kontribusyon ang kasapi ng kahit tatlong buwan lamang mula Mayo ng nakaraang taon hanggang Mayo ng kasalukuyang taon para makapakinabang ng naturang benepisyo mula sa SSS.
- Naipaalam na sa ahensiya ang kaniyang pagbubuntis sa pamamagitan ng kaniyang employer (kung nagtatrabaho) o direktang pagtungo sa SSS kung boluntaryo ang estado ng paghuhulog.
Sa totoong buhay, mas madali ang mag-apply ng SSS maternity benefits para sa mga kasaping nasa ilalim ng kompanya dahil mayroon itong HR na mag-aayos para sa kanila. Ngunit paano nga ba inaasikaso ang SSS maternity benefits for unemployed, o iyong mga boluntaryong naghuhulog ng kanilang kontribusyon kahit walang trabaho?
SSS maternity benefits for unemployed: Mga hakbang kung paano ito mapakikinabangan
Para sa mga kasaping unemployed pero saklaw ng benepisyo batay sa mga nabanggit sa itaas na kuwalipikasyon, gawin lamang ang sumusunod na hakbang upang maasikaso ang pakikinabang ng SSS maternity benefits.
- Ipagbigay-alam ang pagbubuntis sa pamamagitan ng pag-fill out ng SSS Maternity Notification Form. Maaari itong mai-download o maaari rin namang humingi ng aktuwal na form sa opisina ng ahensiya saka sagutin.
- Ipasa ang form sa opisina ng ahensiya, kalakip ang patunay ng inyong pagbubuntis.
Alinman sa sumusunod ay maaaring gamiting pruweba:
- pregnancy test stickl;
- report ng ultrasound; at
- medical certificate galing sa inyong doktor o ob-gyne.
- Kasama rin sa mga ipapasa ninyong dokumento ang kopya ng sumusunod:
- UMID (Unified Multi-Purpose ID) card o SSS biometrics ID card
- dalawang iba pang valid ID na naglalaman ng inyong pirma, litrato, at araw ng kapanganakan
Kung wala pa kayong UMID o SSS ID, kailangan muna ninyong kumuha ng mga ito.
Tandaang kailangang maasikaso ang mga ito nang hindi lalagpas sa 60 araw mula sa petsa ng inyong pagdadalang-tao. Sakaling hindi ito maipasa sa ahensiya sa lalong madaling panahon, maaaring hindi maaprubahan ang pagkakaloob sa inyo ng benepisyo.
Buong makukuha ng kasaping babae ang kaniyang maternity benefits, datapuwa’t kung kailan ay nakabatay sa kakagyatan ng kaniyang pagpapaapruba.
Iba pang mahahalagang impormasyong dapat malaman kaugnay ng SSS maternity benefits for unemployed
Para sa mga karagdagang dokumentong kailangang isumite ng kasaping nanganak o nakunan, ihanda ang sumusunod nang makumpleto ang inyong record sa SSS.
Isinusumite lamang ito kung lumagpas na ang inyong application sa 60 araw na nakalaan ng ahensiya para sa pakikinabang ng benepisyo.
Maaari itong i-download sa website ng ahensiya, o maaari ring humingi ng kopya sa mismong opisina ng ahensiya saka sagutin. Ipasa ito kalakip ng mga nauna nang nabanggit na requirements.
- Authenticated o Certified True Copy (CTC) of Duly Registered Birth Certificate para sa mga nanganak nang normal.
- Authenticated o Certified True Copy (CTC) of Duly Registered Death o Fetal Death Certificate para sa mga normal delivery ngunit namatayan ng anak.
- Authenticated o Certified True Copy (CTC) of Duly Registered Birth Certificate at CTC ng Operating Room Record/Surgical Memorandum para sa mga nanganak nang Caesarean.
- Certified Obstetrical History na nagsasaad ng bilang ng pagbubuntis mula sa inyong doktor, Dilation and Curettage (D&C) Report for Incomplete Abortion, at pregnancy test bago at matapos ang pagkalaglag ng bata na nagsasaad ng Gestation and Hystopath Report for Complete Abortion para sa mga kaso ng nakunan o pagkalaglag ng bata.
Tandaang mahalaga ang pagsunod sa proseso ng aplikasyon para sa pakikinabang ng SSS maternity benefits for unemployed, lalo pa’t sa ganitong kalagayan ay walang ibang maaaring mag-asikaso nito kundi ang inyong mga sarili.
Huwag ipagsawalang-bahala ang paghahanda ng mga kinakailangang dokumento para makumpleto ang aplikasyon ng benepisyo. Sa hirap ng buhay ngayon, anumang benepisyong maaaring i-maximize at makuha lalo na’t inyo namang pinaghirapan at pinag-ipunan ay mainam nang mapakinabangan.
Also read:
SSS Maternity Benefits: Paano Ka Makakakuha Nito?
How to compute and claim your SSS maternity benefits
Sources: