Mga importanteng kaalaman tungkol sa Tandem Breastfeeding

Share this article with other moms

Paano kung dumating na si baby #2, habang dumedede pa si baby #1? Paano kung kambal ang iyong mga supling?

Binansagang tandem breastfeeding o tandem nursing ang pagpapasuso ng dalawa (o higit pang) anak, kambal man o magkaiba ng edad. Minsan, sabay na sumususo ang mga anak, minsan naman ay pinipili ng ina na magpalitan sila sa buong maghapon o magdamag. Parang kakaiba ito, at sadya ding nakakakaba para sa mga bagong ina, pero karaniwan na ito ngayon.

Kailangan ba talagang sabay sila?

“Hindi ba dapat tumigil na sumuso ang panganay, kung dumating na ang bagong baby?”

Wala pang isang taong gulang ang pangalawa kong anak nang nalaman kong buntis ako sa pangatlo. Eksklusibong gatas ng ina ang iniinom noon ng aking pangalawa dahil may allergy siya sa formula milk. Inisip ko na marahil ay hudyat itong itigil ko na ang pagapapasuso sa kaniya dahil malaki na naman siya, at mas kailangan ng nasa sinapupunan ko ang lahat ng bitamina at lakas ko.

Ito ang nararanasan at iniisip ng maraming inang nasa ganitong sitwasyon. Ngunit bakit kailangang itigil ang isa at isakripisyo ang kalusugan niya? Ang sagot: hindi dapat, at hindi kailangan. Hangga’t gusto at kailangan ni baby, hindi dapat tumigil, dahil maaari namang pagsabayin sila. Hindi masama sa kalusugan ng ina ang magpasuso habang buntis o magpasuso ng dalawa o tatlong bata.

Tandaan na ang breastfeeding ay nagbibigay ng nutrisyon, maayos na pagtibay ng immune system, at higit sa lahat, mapagmahal na relasyon ng ina at anak. Ang isang napatunayan ko sa eksklusibong pagpapasuso ng aking dalawang mas batang anak ay lumaki silang hindi mapili sa pagkain, at hindi takot tumikim ng pagkaing bago sa panlasa o paningin.

4 Common Breastfeeding Concerns You Shouldn't Be Stressing Over

Ano nga ba ang kabutihang dulot tandem breastfeeding?

Napakalaking pagbabago sa pamilya ang pagdating ng isa pang supling. Maaaring nakaka-stress lalo sa umpisa, ngunit hindi kailangang manatiling ganitong pakiramdam. Maraming positibong naidudulot ang pagpapasuso ng sabay, para sa mga anak at para na rin kay Nanay.

Pinapatibay ang koneksiyon ng ina sa mga anak

Marami nang pagsasaliksik ang nagpatunay ng positibo at kakaibang emosiyonal at pisikal na kabutihan ng breastfeeding para sa relasyon ng ina at supling. Kung alam ng isang ina na hindi kailangang itigil ang pagpapadede sa isang anak, para sa isa pang sanggol, maaalis ang negatibong pakiramdam nito. Nakaka-guilty naman kasi talaga kung alam mong ititigil mo ang isang bagay na alam mong nakakabuti sa iyong anak.

Huwag matakot na mauubos o hindi sapat ang gatas para sa dalawa o tatlong sanggol. Hangga’t sapat din ang nutrisyon ng ina habang nagbubuntis o nagpapasuso, hindi ito mauubusan. Ang gatas ng ina ay mabuti para sa mga bata, kahit anong gulang pa ito.

Nakakatulong sa breast engorgement

Kung minsan ay sobrang dami o lakas ng produksiyon ng gatas, makakatulong ang pagpapasuso ng dalawang anak dito.

Mabilis na transisyon para sa anak

Hindi maiiwasan ang magselos ang nakatatandang anak sa bagong supling. Kung makikita niyang patuloy pa rin ang nakagisnan na niyang “ritwal” ninyong mag-ina, kahit nandiyan na ang baong kapatid, makakatulong ito sa kaniyang nararamdaman.

Rewarding, ika nga.

Mahirap, napakahirap, ngunit wala nang sasarap pa sa pakiramdam na kaya mong gawin ito. Kakaibang ligaya at closeness ang dulot ng sabay na pagpapasuso sa mga anak. Makikita niya na hindi siya basta-basta pinabayaan o “inabandona” ni Nanay.

Nagiging mas malapit ang magkapatid, at ang mag-iina

Bonding time nila ito, at kasama na rin ang ina. Tahimik ang lahat, busog, at mararamdaman ang pagmamahal sa isa’t isa. Nakaka-relaks pa ito para kay Nanay dahil masaya at nabibigay niya ang kailangan ng kaniyang sanggol at toddler, o anak na kambal, nang sabay at hindi nag-aala sa isa sa kanila.

Paano nga ba ito gawin?

1. Timing lang din

Gumawa ng schedule para sa pagpapasuso sa bawat supling. Ang bagong panganak na sanggol ay kakailanganin ang colostrum na lumalabas sa gatas ng ina, kaya’t maaari mo siyang unahin upang makuha niya ito.

Mahalaga ito sa unang ilang araw ng pagkapanganak. Dahil din marahil ay kumakain na ng solid food ang mas matandang anak, hindi ganoon kadami o hindi kasindalas ang kailangang pagpapasuso sa kaniya.

2. Posisyon

Subukang magpasuso nang sabay upang mahikayat ang nakatatandang anak na patuloy na dumede. Nakakabuti din ito sa bonding ninyong tatlo, lalo’t may posibilidad na magselos ang panganay sa pagdating ng bagong kapatid. Unahin ang pagposisyon sa sanggol, saka iposisyon ang nakatatanda.

3. Produksiyon ng gatas

Kailangang alisto sa gutom ng anak upang maging regular at maganda ang produksiyon ng gatas. Tandaan na ang alam ng iyong katawan ang dami ng kailangan mong gatas, at habang regular ang oras ng pagpapasuso, regular din ang produksiyon ng gatas. Hangga’t nasa oras ang paghingi niya ng gatas (nasa 8-12 beses sa loob ng 24 oras), regular ang pagdumi, at nadadagdagan ang timbang, alam mong nakakakuha siya ng sapat na gatas at nutrisyon.

4. Suporta mula sa pamilya at kapwa magulang, lalo na ng iyong asawa o partner

Malaki ang maitutulong ng pakikipag-usap, kahit kuwentuhan lamang, sa mga kapwa ina na gumagawa o gumawa na tandem breastfeeding. Iba din kasi ang malaman ang karanasan ng ibang nagdaan dito. Lalo na sa mga panahon na nagdududa ka sa naging desisyon mo.

Kausapin ang iyong asawa o partner tungkol sa desisyong ito at ipaalam din sa kaniya ang lahat ng dapat malaman tungkol sa tandem breastfeeding. Makakatulong kung naiintindihan niya ang lahat, at alam niya kung ano ang nararamdaman mo sa lahat ng oras, lalo na ang lahat ng maaari niyang maitulong.

5. Alagaan ang sarili

Ikaw ang susi sa lahat ng ito, kaya’t kailangang alagaan mo ang iyong pisikal at emosiyonal na kalagayan. Umidlip, kumain ng masustansiyang pagkain, uminom ng tubig at iba pang fluids, mag-ehersisyo at maglibang. Magpahinga nang madalas para ma-renew ang energy mo.

Kung sa palagay mo na ang sabay na pagpapasuso ay hindi para sa iyo at sa iyong mga supling, huwag mag-dalawang isip na itigil ito. Maaari pa rin naman piliin ang unang opsiyon na pagpapasuso ng magkaibang oras. Marami pang ibang bonding activity na maaaring subukan maliban sa tandem breastfeeding.

Ang breastfeeding ay isa sa pinakamagandang bahagi ng pagiging ina, ngunit kailangan nito ng tahasang dedikasyon at suporta.

Ang tandem breasfteeding ay nangngailangan ng doble o triple pang dedikasyon at suporta. Ito na rin kasi ang isa sa pinakamahirap at pinakamahalagang desisyon na gagawin ng isang ina.

BASAHIN: Nagngingipin na ba si baby? Narito ang mga sintomas at hudyat nito

Breastfeeding Becoming a Mom Tandem Breastfeeding