Tatay pinatay ang anak dahil sa labis na kalasingan. Ito ang lumabas sa imbestigasyon na ginagawa ng mga pulis sa kaso ng 41-anyos na pilotong ama na si Mohamed Barakat. Pero ayon kay Barakat, ang paratang na ito ay hindi totoo. Pahayag na sinuportahan ng misis niya na sinabing aksidente ang nangyari sa kanilang anak.
Dahil sa labis na galit at kalasingan, tatay pinatay ang anak
Nililitis ngayon ang kaso ng pilotong si Mohamed Barakat na inaakusahang pumatay sa nag-iisa niyang anak na si Baby Sophia na isang taong gulang pa lamang.
Base sa report ng mga pulis, nangyari ang insidente noong Nobyembre ng nakaraang taon sa kuwarto na tinutuluyan ni Barakat at kaniyang pamilya sa isang five-star Intercontinental Hotel sa Almaty, Kazakhstan. Kasama noon ni Barakat ang 22-anyos niyang misis na si Madina at ang baby nilang si Sophia.
Ayon parin sa ginawang imbestigasyon ng mga pulis, umaga noong araw ng masawi si Baby Sophia ay nagtatakbo umano sa lobby ng hotel ang asawa ni Barakat na si Madina at humihingi ng tulong. Ito umano ay sinaktan at binugbog ng piloto dahil sa labis na galit at kalasingan. Nag-ugat ito matapos tumawag ang misis niyang si Madina sa Hongkong Airlines na pinagtratrabahuan ni Barakat at sabihing ito umano ay may sakit. Labis itong ikinagalit ng piloto na lasing rin mula sa magdamag na pag-iinom.
Sanggol basag ang ulo at nadurog ang utak sa labis na galit ng kaniyang ama
Mohamed Barakat with wife Madina./Image from Mirror UK
Sa labis niyang galit ay pinagsusuntok niya sa ulo ang misis na si Madina. Ito ay nakatakbo palabas sa kanilang kuwarto at nagsisigaw ng tulong sa lobby ng hotel. Dahil rito ang sunod na pinagbalingan ng galit ni Barakat ay ang baby nilang si Sophia na nagising at nag-iiyak sa ingay ng nag-aaway niyang mga magulang.
Base pa rin sa imbestigasyon ng mga pulis, hinawakan umano ng galit na piloto ang mga binti ni Baby Sophia at saka ito pinaghahampas sa pinto at dingding ng kuwartong tinutuluyan. Dahilan upang mabasag ang bungo ng sanggol at madurog ang utak nito. Ang malalang head injury na natamo ng sanggol ang naging dahilan ng agaran niyang pagkamatay.
Ngunit ayon kay Barakat at sa misis nitong si Madina, ang mga pahayag na ito ay hindi totoo. Ang nangyari umano sa kanilang anak ay pawang aksidente. Dahil si Barakat ay inaatake at nahihimatay sa tuwing naiistress. Nang umagang iyon ay inatake ito, nahimatay at bumagsak sa kanilang baby na si Sophia.
Dagdag pa ng misis ni Barakat na si Madina ay gawa-gawa lang ng mga pulis ang mga pahayag na ito. At siya ay pinilit umano ng mga ito na mag-testify laban sa kaniyang mabait na asawa.
Magkaganoon man ay patuloy parin ang isinasagawang imbestigasyon at paglilitis ng mga pulis sa kasong ito ng tatay pinatay ang anak dahil sa labis na galit at kalasingan. Kung sakaling mapatunayan na ito ay guilty sa krimen, ito ay maaaring makulong ng hanggang sa 20 taon.
Paano makokontrol na maibaling ang galit sa iyong anak?
Ayon sa psychologist at parenting coach na si Laura Markham, normal sa mga magulang na minsan ay maibuntong ang galit natin sa ating mga anak. Ngunit hangga’t maaari’y dapat itong iwasan. Dahil ang pagpapakita ng madalas na pagkagalit sa ating anak ay maaaring makaapekto sa kaniyang attitude at personality habang lumalaki. Lalo pa’t sa bata nilang edad ay tayo ang tinitingnan nilang modelo at ang nagpapatakbo ng kanilang mundo.
Ang pahayag na ito ni Markham ay sinuportahan ng isa pang psychologist na si Matthew McKay. Ayon kay McKay, ang mga batang may magulang na laging nagpapakita ng galit sa kanila ay lumalaking mas aggressive at depress.
“Studies have shown that parents who express a lot of anger in front of their kids end up with less empathetic children. These kids are more aggressive and more depressed than peers from calmer families, and they perform worse in school. Anger has a way of undermining a kid’s ability to adapt to the world.”
Ito ang pahayag ni McKay.
Ganito rin ang pananaw ng isa pang psychologist na si Robert Puff na author rin ng librong “Anger Work: How to Express Your Anger and Still Be Kind”. Ayon sa kaniya, para sa maliliit na mga bata, tayong mga magulang ang mundo nila. Kaya naman mahalagang manatili tayong maging mabait at iwasang maibuntong sa kanila ang ating galit.
“When children are little, you’re their universe. When you get angry, their world is shaken.”
Ito ang pahayag ni Puff.
Tips para makontrol ang iyong galit
Para maiwasan na maibuntong ang galit sa iyong anak, kailangang matuto kang kontrolin ito. Magagawa ito sa tulong ng mga sumusunod na tips:
1. Magbilang ka.
Para dahang-dahang humupa ang galit mo at bumagal ang tibok ng iyong puso ay makakatulong ang pagbibilang ng isa hanggang sampu. Kung talagang galit na galit naman ay maaaring paabutin ito ng 100 para tuluyang mapakalma ang sarili mo.
2. Mag-inhale at exhale.
Kapag tayo ay galit ay bumabaw at bumibilis ang ating hininga. Kaya ang pag-iinhale at exhale kapag galit ay makakatulong para maibalik sa ayos ang iyong paghinga at pati ang galit mo ay humupa.
3. Maglakad-lakad ka o mag-exercise.
Ang pag-eexercise ay kayang pakalmahin ang iyong mga nerve na nakakapagbawas ng iyong galit. Maaaring gawin ito sa pamamagitan nang paglalakad-lakad, pagbibike o pagtakbo. O kaya naman kahit anong activity na magdudulot ng paggalaw ng iyong katawan at isipan.
4. Mag-ulit-ulit ng isang mantra.
Maghanap ng salita o kataga na makakatulong sayong kumalma at mag-refocus tulad ng “Relax”, “Kalma” o “Okay lang ‘yan”. Ulitin ang salitang ito ng paulit-ulit kapag ikaw ay galit.
5. Mag-stretch
Ang pag-stretch ng katawan ay makakatulong para makontrol ang iyong katawan at emosyon. Ilan sa simpleng stretching exercise na puwede mong gawin ay neck at shoulder rolls.
6. Pumunta sa tahimik na lugar.
Kapag nakakaramdam ng galit, mabuting umalis sa lugar na nakakagalit sa ‘yo. Magpunta sa isang lugar na tahimik. Saka ipikit ang iyong mata at mag-imagine ng lugar o eksena na makakapagrelax o makakapagpasaya sayo.
7. Makinig ng music.
Para maitaboy ang iyong galit ay maaari ring magpapatugtog ng music. Mas mabuti kung ito ay club music na ikaw ay mapapasayaw o kaya naman ay pop music na maaari mong sabayan.
8. Manahimik ka muna at huwag magsalita.
Para maiwasang mas lumala ang galit na nararamdaman, mas mabuting manahimik ka muna at huwag magsalita. Sa ganitong paraan ay makakahinga ka ng maayos at marerelax mo ang iyong katawan at isipan.
9. Think before you speak.
Kapag tayo ay galit, madalas ay nakakapagsabi tayo ng mga salita o kaya naman ay nakakagawa ng bagay na kalaunan ay pagsisihan natin. Kaya naman hangga’t maaari ay mas mabuting isipin muna natin ang ating gagawin o sasabihin. Magagawa ito sa pamamagitan ng pagbibigay ng ilang minuto sa sarili na kumalma bago sabihin ang gustong nating sabihin o gawin ang gustong gawin.
10. Kapag kalmado ka na saka i-express ang iyong galit.
Kapag tayo ay kalmado mas masasabi natin ng maayos at maliwanag ang ating punto. Ito rin ang pinakamagandang pagkakataon na sabihin ang frustration o galit sa paraan na hindi makakasakit sa ating kapwa.
11. Magisip ng posibleng solusyon sa mga bagay na nakakagalit sayo.
Kaysa ubusin ang iyong lakas at oras sa pagkagalit, mas mabuting mag-isip nalang ng paraan para masolusyonan ang mga bagay na nagpapagalit sa ‘yo. Kung naiinis ka sa kalat na ginawa ng mga anak mo sa kanilang kuwarto, isarado mo ang pinto. Kung lagi namang late umuwi ang asawa mo, i-urong ng kaunti ang schedule ninyo ng hapunan. O kaya naman sanayin ang iyong sarili na kumain mag-isa minsan sa isang linggo. Laging ipaalala sa sarili na hindi nalulutas ng init ng ulo ang kahit anong problema.
12. Ugaliing gumamit ng “I” o “Ako” statements imbis na “You” o “Ikaw”.
Para maiwasang masisi o kaya naman ay ma-criticize ang iba ay iwasan ang mga “you” statement o mga pahayag na tumutukoy sa ibang tao. Mas mabuting laging magsimula sa “Ako” o “I” para mas mabawasan ang tensyon na nagpapalala ng sitwasyon. Maging magalang rin sa pagsasalita at maging deretso sa gusto mong sabihin.
13. Gumamit ng humor para mabawasan ang tensyon.
Ang paggamit ng humor o pag-iisip ng nakakatawa sa isang pangyayari ay nakakatulong para mapababa ang tensyon na nararamdaman. Ngunit iwasan ang sarcasm o pagiging sarcastic sa isang usapan na mas nagpalala ng isang problema o hindi pagkakaunawaan.
14. Huwag mag-ipon ng galit.
Ang pagpapatawad ay nakapagpapagaan ng pakiramdam. Kung hahayaan ang iyong sarili na mapuno ng galit at iba pang negative feelings ay kakainin ka ng bitterness na mas magpapasama ng iyong pakiramdam at mas magpapatindi ng iyong galit. Samantalang, ang pagpapatawad naman ay nagbibigay sayo ng oportunidad na matuto at mapatibay ang relasyon mo sa isang tao.
15. Humingi ng tulong sa iba kung kinakailangan.
Ang pagkokontrol ng galit, minsan ay hindi madali para sa ilan sa atin. Sa ganitong pagkakataon ay mga taong maari tayong tulungan o puwede nating makausap para gumaan ang ating pakiramdam. Maaring ito ay isang kaibigan o isang professional na may kaalaman sa mga epektibong paraan para makontrol mo ang iyong megatibong nararamdaman tulad ng galit o kalungkutan.
Source:
DailyMail UK, GoodHousekeeping, Psychology Today
BASAHIN:
Huwag na huwag mong sasabihin ito sa iyong asawa kahit na galit ka
12 mabisang paraan para pakalmahin ang galit na bata
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!