Mister hindi na kinakausap ang sariling ina dahil sa pang-aaway nito sa kaniyang misis

Isang mister ang naglabas ng sama ng loob sa social media. Aniya, pinutol niya ang ugnayan sa kaniyang ina dahil ayaw niyang lumaki ang anak na may toxic na kamag-anak.

Isang daddy ang nagkwento ng kaniyang karanasan sa kaniyang sariling ina. Na umano’y walang ibang ginawa kundi siraan ang kaniyang asawa. Hindi na raw niya ito kinakausap dahil sa pagiging toxic mother in law nito sa kaniyang misis.

Mister blinock ang sariling ina dahil inaaway si misis!

Isang confession mula sa isang mister ang ibinahagi ng netizen na may TikTok handle na reddikent. Ang confession na ito ay mula umano sa Reddit.

Kwento ng mister, taong 2020, bago mag-pandemic ay umuwi siya ng Pilipinas makalipas ang 7 taon na pamamalagi sa London.

Sa panahong iyon ay nabuntis niya ang kaniyang kaibigan at ito’y kaniyang pinanagutan. Nagkagustuhan din naman daw sila nang maglaon at nagpasyang magpakasal noong 2022.

mother in law Larawan mula sa Shutterstock

At dito na nga nagsimula ang stress niya sa buhay. Pero hindi dahil sa kaniyang asawa at anak, kundi dahil sa kaniyang sariling ina.

"Galit na galit mama ko sa'kin kasi nasa London na raw ako, nagpakasal pa ako sa Pilipino."

Noong una raw ay iniintindi niya pa ang kaniyang ina pero umiiwas din siya na ma-stress ang kaniyang asawa.

May mga pagkakataon pa raw na nirereto siya ng kaniyang ina sa mga anak ng mga kaibigan nito na taga-London din. Kahit na may asawa na siya.  Pinagsabihan na raw niya ito pero ayaw pa ring tumigil.

"Nagpapadala pa rin naman ako sa mama ko pero mas malaki sa asawa ko kasi syempre may anak kami na binubuhay."

"Akala ko okay na kasi nakabukod naman asawa ko, nakatira sa nanay nya kasi malapit din don work nya. Pero nagulat na lang ako kasi minessage ako ng mother in law ko."

Nagsumbong daw ito sa pinaggagagawa ng kaniyang ina sa kaniyang asawa.

mother in law Larawan mula sa Shutterstock

Mother-in-law tinawag na gastadora asawa ng anak

Sumama raw ang loob ni mister dahil nalaman niyang sinusumbatan ng mama niya ang asawa niya tungkol sa pera. Tinawag pa umanong gastadora.

Kilala naman daw niya ang kaniyang asawa na hindi ito gumagastos nang malaki maliban na lang kung kinakailangan talaga.

"Ang sama ng loob ko kasi kung makapagsalita ang mama ko akala mo parang hindi nya apo yung pinaggagastusan ng asawa ko, sobra siyang sulsol na pineperahan ako ng asawa ko eh malaki rin naman sahod non."

Hindi raw nagsusumbong sa kaniya ang kaniyang asawa dahil hindi marunong makipag-away.

Kinausap na lang daw niya ang mama niya na sa kanya lumapit kapag kailangan ng pera at huwag nang awayin ang kaniyang misis. Tumahimik naman daw ito ng ilang buwan.

Kaya lamang, napag-alaman ni mister na galit na galit ang kaniyang ina at mga tiyahin nang lumipad patungong London ang anak at asawa niya para magbakasyon.

mother in law Larawan mula sa Shutterstock

Hindi naman daw siya ang gumastos ng plane ticket ng mga ito kundi ang kaniyang misis. Birthday gift daw kasi ito sa kanilang anak.

Pero dahil nga akala ng nanay ni mister na siya ang gumastos ng ticket ay nagalit ito. Sumbat nito ay wala umano siyang utang na loob at mas inuna pang papuntahin sa London ang asawa at anak kaysa sa kanya na ina nito.

Paratang pa ng ina na bine-brainwash daw siya ng kaniyang asawa at pinag-aaway silang mag-ina. Pero ang totoo ay hindi naman daw umiimik ang misis laban sa mother-in-law niya.

"Sobrang nakakasama ng loob kasi mahal ko yung asawa at anak ko. Pero mama ko pa 'yung gumaganyan sa kanila."

Kaya nag-decide daw siya na i-block na lang ang kaniyang mama nang sabihin nito na hindi niya anak 'yong anak nila.

"First time ko makita na umiyak ng sobra yung asawa ko sa frustration. Alam ko na anak ko yon at kahit ipa-DNA namin yan, anak ko yan at ayokong lumaki yung anak ko na may toxic na kamag-anak."

Nagpapadala pa rin naman daw siya sa mga ito ng pera para sa bills at tuition ng mga kapatid. Pero hindi na niya kinakausap ang kaniyang ina.

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!