Tubig sa baga: Sanhi, sintomas, at gamot para sa pulmonary edema

lead image

Maraming posibleng maging komplikasyon ang pagkakaron ng tubig sa baga, kaya naman dapat na malaman ang mga sintomas para magamot agad at hindi na lumala.

Napansin na namin na parang hindi nawawala ang ubo ni bunso, bagama’t hindi naman malala ang pag-ubo niya. Nang idaing niya na hindi siya makahinga, at hinang hina na siya, isinugod na namin siya kaagad sa ospital.

Tubig sa baga ang kondisyon niya. Sa medical term, ito ang tinatawag na pulmonary edema, kung saan ang baga ay napupuno ng tubig kaya’t nahihirapang gawin ang dapat nitong gawin para sa katawan—una na dito ang makahinga nang maayos.

Maraming maaaring maging sanhi ng tubig sa baga: sakit sa puso, pulmoniya, exposure sa ilang toxins at medikasyon, at minsan, pati pag-akyat sa matataas na lugar tulad ng bundok. Ito ay nangangailangan ng agarang lunas. Kapag hindi naagapan, maaaring maging acute pulmonary edema ito, at posibleng maging sanhi ng pagkamatay.

Mga sintomas ng tubig sa baga

Dapat na malaman ang mga senyales at sintomas na may tubig na sa baga, para maagapan ang anumang komplikasyon.

  • hirap sa paghinga (dyspnea) na lumalala kapag gumagalaw, at kahit pa nakatigil o nakahiga lang
  • pakiramdam ay nalulunod o naninikip ang dibdib, at parang naghahabol ng hininga
  • minsan ay may pag-aagahas (o wheezing sound)
  • nanlalamig at nagpapawis ang mga palad, at maaaring magpawis din ang buong katawan
  • nanghihina, hindi mapakali, balisa
  • umuubo, mula bahagya hanggang may kasama nang kaunting dugo
  • nangingitim na ang mga labi
  • mabilis at hindi regular ang tibok ng puso (palpitations)
  • walang ganang kumain
  • low blood oxygen level (hypoxia)

Kapag may nakitang anumang sintomas ng tubig sa baga, mahalagang isugod kaagad sa ospital ang pasyente para mabigyan ng lunas, bago maging huli ang lahat.

Bakit nga ba nagkakaro'n ng tubig sa baga?

Ang baga natin ay may mga maliliit na elastic air sacs na tinatawag na alveoli. Sa bawat hinga, ang mga air sacs na ito ay pinapasukan ng oxygen at naglalabas naman ng carbon dioxide.

Kapag may problema sa sistema, napupuno ang alveoli ng tubig, sa halip na hangin, kaya’t nahaharang ang pagpasok ng oxygen sa bloodstream. Pulmonary edema ang tawag kapag napupuno ng fluid at pressure ang baga, paliwanag ni Dr. Regent Andre Piedad, MD. Maraming posibleng sanhi nito.

Dagdag ni Dr. Piedad, karaniwang sanhi ng tubig sa baga ay congestive heart failure, o kapag hindi nakapag-pump nang maayos ang puso. Kapag nangyari ito, ang dugo na dapat mapunta sa puso ay bumabalik papunta sa baga. Dahil sa pressure sa blood vessels, natatangay ang fluids papunta sa baga at kapag hindi naagapan, napupuno ito.

Ang pinakakaraniwan sanhi ng pagkakaron ng labis na tubig sa baga o cardiogenic pulmonary edema ay valvular diseases (mitral valve stenosis), myocardial infarction o atake sa puso, hypertrophic cardiomyopathy o cardiac arrest, kaya’t nagkakaron ng fluid overload o labis na tubig sa baga.

May mga noncardiogenic pulmonary edema din, at sanhi ito ng:

  • acute respiratory distress syndrome (ARDS) na dahil naman sa malalang trauma, systemic infection (sepsis), pulmonya at labis napagdurugo;
  • high altitude na nararanasan ng mga mountain climbers at mga taong palaging nasa mataas na Lugar o altitude (high-altitude pulmonary edema o HAPE);
  • paglanghap ng labis na usok katulad ng labis na usok dahil sa sunog;
  • pulmonary embolism o ang kondisyon kung saan may bara o blood clot na dumaloy papunta sa baga;
  • malubhang reaksiyon mula sa drugs, aspirin man o ilegal na gamot tulad ng heroin at cocaine;
  • viral infection tulad ng hantavirus at dengue virus;
  • pagkalunod o pagpasok ng tubig sa sistema dahil sa pagkalubog sa tubig.

Kapag hindi naagapan ang pagpasok ng tubig sa baga, maaaring magkaron ng pressure sa pulmonary artery o pulmonary hypertension. Ito ang magiging dahilan ng panghihina ng puso. Kapag nangyari ito, mamamaga ang tiyan at lower extremity, tubig sa paligid pa ng baga (pleural effusion), at pamamaga ng atay.

hindi makatulog dahil sa ubo

Paano maiiwasan ang pagkakaron ng tubig sa baga?

Ang mga causes o factors na puwedeng maging dahilan ng tubig sa baga ay dapat na mapigilan bago magkaron ng komplikasyon, pagdidiin ni Dr. Piedad. Dapat na gawin ang lahat para maiwasan ang mga kondisyon tulad ng cardiac arrest, hypertension, rheumatic heart fever o valvular dysfunctions.

“Para sa mga may pre-existing heart conditions o hypertension, mahalagang regular ang pag-inom ng mga prescribed medications para dito,” payo ni Dr. Piedad, “para mapababa ang risk ng cardiac incidents tulad ng congestive heart failure o myocardial infarction.”

Dagdag ni Dr. Piedad, "Tamang medikasyon na sunod sa payo ng doktor, kasama ng healthy at active lifestyle, low salt intake, at low saturated fats diet ang ilan sa pangunahing hakbang para mapangalagaan ang puso, kasama ang baga, at overall health."

Mag-ehersisyo at itigil (o unti-unting bawasan) ang paninigarilyo para maging ligtas sa anumang problema sa kalusugan.

Treatment para sa tubig sa baga

Nang madala ang bunso kong anak sa ospital, nakitang puno ng tubig ang baga niya. Kinailangang alisin ito sa pamamagitan ng Thoracentesis, o ang procedure ng pagtanggal ng tubig sa baga. Sa dami ng tubig, kinailangan ng dalawang procedures para ma-drain ang lahat ng tubig at maiwasan ang komplikasyon. Binigyan din siya ng sapat na oxygen para makahinga ng maayos at maibsan ang iba pang sintomas.

Inoobserbahan ang blood pressure at paghinga ng pasyente pagkatapos maalis ang lahat ng labis na tubig sa baga. Ang lahat ng tinaggal na fluid o tubig ay sisiyasatin sa laboratory para malaman kung ano ang sanhi ng edema.

“Kailangang malaman ng doktor kung ano ang sanhi ng tubig sa baga bago makapag-desisyon kung ano ang nararapat na treatment,” paliwanag ni Dr. Piedad. Kung ito ay structural, tulad ng valvular diseases, surgery ang sagot dito.

“Kung iba pang cardiac conditions [ang sanhi] tulad ng congestive heart failure at myocardial infractions, may mga gamot para dito tulad ng diuretic medicines, o di kaya ay invasive procedure sa ER o intensive care unit,” dagdag ni Dr. Piedad.

Posibleng cardiac catheterization (procedure para sa heart conditions) ang kailangan, kasama ng mechanical ventilatory support para mapagpahinga ang baga at respiratory muscles at para makapagbigay ng sapat na oxygenation sa katawan at sistema.

Sumailalim sa tests ang tubig na nakuha sa baga ng anak ko, para malaman kung may tuberculosis ito o iba pang malubhang problema. Laking pasalamat namin na walang iba pang komplikasyon at health risk, ayon sa tests. Kinailangan lang niya ng sapat na pahinga at masustansiyang pagkain para maibalik ang dating lakas ng katawan.

Ito ay dahil naagapan at naisugod kaagad siya sa ospital. Kaya naman mahalagang malaman ang mga senyales at sintomas ng tubig sa baga.

PAALALA: Ang lahat ng nakasaad sa artikulong ito ay para lamang sa pagbibigay ng impormasyon sa mga mambabasa. Hindi ito dapat gamitin bilang opisyal na medical advice o basehan para sa paggamot ng pasyente. Nararapat na kumunsulta sa lisensyadong doktor o magsadya sa ospital kung nangangailangan ng medical attention o medical emergency.

SOURCES: Regent Andre Piedad, MD; MayoClinic, Healthline, MedinePlus

Basahin: Bakit mas matindi ang ubo kapag gabi?

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!

app info
get app banner