Dapat nga bang pasalamatan ang mga mister kapag tumutulong sila sa gawaing bahay?

lead image

Alamin kung bakit hindi dapat pasalamatan ni misis si mister sa paggawa ng gawaing-bahay, ayon sa isang psychologist.

Tungkulin ng ama sa tahanan, alamin kung bakit hindi dapat pasalamatan ng mga kababaihan, ayon sa mga eksperto.

Tungkulin ng ama at ina sa tahanan

Mula pa noong una ay nakasanayan na nating ang mga gawaing bahay ay dapat ginagawa ng mga kababaihan. Samantalang, ang paghahanap-buhay naman ay tungkulin ng ama at responsibilidad niya sa kaniyang pamilya.

Kaya naman ang tagpo na kung saan makikitang ang isang lalaki ay gumagawa ng gawaing-bahay ay itinuturing ng kakaiba at kapuri-puri na.

Ginagawa narin itong batayan ng ilang kababaihan para isiping sila ay suwerte sa kanilang asawa. At maging dahilan para makaramdam ng labis na pagpapasalamat kumpara sa ibang lalaking hindi ito ginagawa.

Tulad nalang ng kuwento ni Andrea na malaki na ang pasasalamat sa kaniyang asawang tinutulungan siya sa pagpapatulog ng kanilang anak. Dahil hindi daw ito ginagawa ng mga mister ng kaibigan niya sa paniniwalang ito daw ay dapat ginagawa lang ng mga ina.

Ngunit, ayon kay Darcy Lockman, isang psychologist hindi daw dapat pasalamatan ng mga babae ang pagtulong ni mister sa gawaing-bahay. Dahil tulad ng mga ina, tungkulin ng ama rin ito sa kaniyang mga anak at pamilya.

Ito rin daw ay maituturing na misplaced gratitude na mas nagpapahirap pa para makuha ang gender equality sa loob ng tahanan o pagkakaroon ng pantay na karapatan ng mga kababaihan at kalalakihan.

Tungkulin ng ama sa loob ng tahanan

Image from Freepik

Gender inequality sa loob ng tahanan

Ang gender inequality ay isa sa mga isyung kinahaharap ng ating lipunan na kung saan hindi nabibigyan ng pantay na karapatan at oportunidad ang mga kababaihan sa kalalakihan. Madalas itong nangyayari sa trabaho na nagsisimula sa loob ng tahanan, na makikita sa paggawa ng mga gawaing-bahay.

Isang magandang halimbawa nito ay ang pag-aaral na ginawa ng Bureau of Labor Statistics na kung saan sa loob ng 20 years ay pare-pareho ang naging resulta.

Ayon sa kanilang pag-aaral, maski na ba nagtratrabaho ang isang ina ay halos siya parin ang gumagawa ng 65% ng child-care responsibilities para sa kaniyang anak. Samantalang 35% naman ang ginagawa lang ng kaniyang asawa.

May ilang pag-aaral rin ang nagpatunay na kahit na tumutulong sa gawaing-bahay si mister ay hindi parin sapat ito para masasabing nakakakuha na ng pantay na oportunidad ang mag-asawa sa loob ng tahanan.

Tulad ng isang pag-aaral na nagsabing habang ang mga ama ay nagtratrabaho ng mas mahabang oras ay mas mahabang oras ang iginugulgol ng kaniyang misis sa pag-aalaga ng kanilang mga anak.

Ngunit kabaliktaran naman ito para sa mga babaeng nagtratrabaho ng mas mahabang oras na kung saan mas maraming oras naman ang iginugugol ng kaniyang asawa sa panonood ng TV at pagpapahinga.

May isang pag-aaral rin ang nagsabing ang mga inang may preschool-age na anak ay 2 and half times ang posibilidad na mas gumising sa gitna ng gabi para maibigay ang pangangailangan ng kanilang anak kumpara sa kanilang lalaking asawa.

Doble naman ang pagkakataon ng mga lalaking may anak na ma-enjoy ang kanilang weekend kumpara sa kanilang misis na dapat paring alagaan ang kanilang anak, ayon sa isang pag-aaral.

Habang may ilang inang nagtratrabaho naman ang mas pipiliing umabsent para maalagaan ang anak nilang may sakit na bibihirang ginagawa ng mga ama.

Ang mga resulta ng pag-aaral na nabanggit ang nagsisilbing patunay ng gender inequality sa loob ng tahanan na hindi nakakabuti sa isang pagsasama. Na sa kinalaunan ay hindi rin makakabuti sa isang pamilya.

Pantay na tungkulin ng ama at ina sa loob ng bahay

Bagamat dapat ikatuwa ng mga misis ang pagtulong ng kanilang mister sa paggawa ng gawaing-bahay ay hindi daw dapat nila itong pasalamatan. Dahil ito daw ay responsibilidad at tungkulin ng ama sa kaniyang pamilya na dapat ay regular niyang ginagawa. Na hindi lang mas magpapatibay ng pagsasama ng buong pamilya kundi pati narin nilang mag-asawa.

Ang kahalagahan ng pantay na paggawa ng tungkulin na ito ay sinasabing isa sa mga dahilan para mai-save ang isang relasyon mula sa paghihiwalay.

Ayon nga isang report, lumabas na 45% less happy ang mga misis na mas gumagawa ng gawaing-bahay kumpara sa mga misis na tinutulungan o nakikibahagi ang mister sa gawaing-bahay.

Sinuportahan ito ng isa pang pag-aaral na isinagawa sa UK, Sweden at US na kung saan natuklasan na ang hindi pagpaparticipate ng mga ama sa gawaing bahay ang isa sa mga dahilan kung bakit naghihiwalay ang mga mag-asawa sa nakaraang sampung taon.

Ang pagpapakita rin ng pantay na tungkulin ng ama at ina sa isang bahay ay makakabuti sa kanilang mga anak. Dahil ito ang kanilang magiging batayan at modelo sa paghubog sa kung magiging ano at sino sila sa lipunan. Ito ang simula para maintindihan nila na ang mga babae at lalaki ay may pantay na karapatan na kanilang nakikita sa kanilang mga magulang.

Bagamat sinasabing may ilang gawaing-bahay na babae lang ang nakakagawa ng mabuti gaya ng pag-aalaga ng anak. Dapat ay maging pantay parin ang responsibilidad at tungkulin ng ama at mga ina. Dahil ang pagwawalang bahala sa isyu na ito ay maaring makasira ng pamilya na akala natin ay napapatakbo natin ng maayos at walang problema.

 

Source: The Atlantic, Plan International

Basahin: Sikreto sa masayang pagsasama? Paghugasin ng pinggan si mister!

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!