8 signs na maaaring may autism ang baby
Walang lunas ang autism, ngunit napakahalaga na maagang ma-detect ang kondisyon para matulungan ang isang bata na maibsan ang mga ipinapakitang sintomas nito.
Ugali ng batang may autism, anu-ano nga ba?
May napapansin bang kakaiba sa iyong sanggol? Alamin rito ang mga posibleng sintomas ng autism sa baby.
Mababasa sa artikulong ito:
- Ano ang autism at mga posibleng sanhi nito?
- Sintomas ng autism sa baby o ugali ng batang may autism.
- Treatments na maaring gawin sa mga batang may autism.
Ano ang autism?
Ayon sa Center for Disease Control and Prevention o CDC, ang autism spectrum disorder o ASD ay isang developmental ability na maaaring magdulot ng significant changes sa kung paano makitungo at makipag-usap ang isang tao sa kaniyang kapwa.
Para naman sa World Health Organization o WHO, ang mga palatandaan ng autism ay pwede mapansin sa mga bata kahit sa murang edad, bagama’t ito rin ay maaring lumabas kinalaunan sa pagdaan ng taon o habang siya ay lumalaki na.
Base nga sa estimated data, tinatayang isa sa 54 na bata sa mundo ay may autism. Mas madalas umano itong nararanasan ng mga batang lalaki kaysa sa mga babae.
Maraming posibleng dahilan kung bakit nagiging autistic ang isang bata. Ito ay maaaring dahil sa genetics, chromosomal conditions, medications at health condition ng ina habang ipinagbubuntis ang isang bata o birth complications noong ipinganganak niya na ito.
Pahayag ni Dr. Michiko Caruncho, isang developmental pediatrician mula sa Makati Medical Center, hindi madaling matukoy kung ano ang naging sanhi ng autism sa bata.
Pahayag niya,
“We still have a lot of things na hindi natin alam. Although alam natin na majority is genetics. It has something to do with how the brain develops. Iba ang naging development ng mga brain.
May mga ways ba para maprevent ito. Alam natin na ‘pag umiinom ‘yong mga mother ng anti-epileptic drugs, maaaring magkaroon ng autism ‘yung bata, pwedeng certain toxic sa environment. There is no definite way.”
Sintomas ng autism sa baby o ugali ng batang may autism
Ayon sa mga eksperto, ang sintomas ng autism ay maaaring makikita sa unang dalawang taon ng buhay ng isang bata.
Napakahalagang maobserbahan ang bata kung nagpapakita siya ng senyales. Sapagkat ang early detection ng kondisyong ito ay makakatulong para mabigyan ng early treatment ang isang batang nakakaranas nito. Upang sa kaniyang paglaki ay hindi labis na maapektuhan ng kondisyon ang buhay o kinabukasan niya.
Ayon kay Dr. Caruncho, hindi madaling matukoy ang autism sa mga baby at maliliit na bata dahil hindi pare-pareho ang mga sintomas na ipinapakita ng bawat isa. Pahayag niya,
“Ang autism mahirap talaga ma-diagnose. Hindi lahat ng children na may autism, same sign of symptoms, Iba-iba. Kaya spectrum disorder. Mahirap talaga i-diagnose.”
Dagdag pa niya, posibleng mayroong mapapansing mga senyales sa bata, subalit hindi naman nito makukumpirma kung siya ay may ASD.
“Mahirap alagaan, walang interaction, maybe these are the signs. But siyempre, hindi naman definitive signs. They will need extensive test.” sabi ng doktora.
Nirerekomenda ng American Academy of Pediatrics (AAP) na lahat ng sanggol ay dapat dumadaan sa developmental screening sa kanilang ika-9, 18 at 30 buwan lalo na kung sila ay nagpapakita ng mga sumusunod na sintomas ng autism sa baby o maliliit na bata.
Baby photo created by freepic.diller – www.freepik.com
1. Hirap mag-maintain ng eye contact.
“Mga baby na hindi masyado nag-eye contact, that’s an early communication na.” pahayag ni Dr. Caruncho.
Ang mga sanggol ay nagsisimulang matutong magkaroon ng eye contact o ma-locate ang mga mukha ng mga taong nakikita nila sa oras na sila ay magdalawang buwan na.
Kung ang isang sanggol ay hindi ito nagagawa o mas less ang eye contact, isa itong maagang indikasyon na maaaring siya ay may autism.
2. Hindi pagtuturo o pagsunod sa mga bagay na nakikita niya.
Isa pang sintomas ng autism sa baby ay ang hindi pagtuturo o pagsunod ng mata ng sanggol sa mga bagay o taong nakikita niya.
Sapagkat ayon sa mga eksperto, ito ang earliest form nila ng communication o pakikipag-usap na madalas na ipinapakita ng mga sanggol kapag sila ay 14 months old na.
Ayon kay Dr. Caruncho, kung ang bata ay hindi gumagawa ng “gestures” o hindi nagtuturo ng mga bagay bago siya umabot sa 18 months, maaring senyales ito ng autism.
3. Reduced emotion o hindi pagpapakita ng emosyon sa kanilang mukha.
Ayon sa mga pag-aaral, ang hindi pagpapakita ng facial expressions ay isa mga sintomas ng autism sa baby. Sapagkat isang uri ito ng non-verbal way ng pakikipag-communicate na isa sa mga skills na hirap ang isang batang may autism.
4. Hindi pag-respond o pag-react sa tuwing tinatawag ang pangalan nila.
Kadaalasan, sa oras na mag-6 na buwan ang isang sanggol, marunong na itong mag-react o mag-respond sa tuwing tinatawag ang pangalan niya. Maaaring ito ay sa pamamagitan ng pagngiti o pag-iiba ng kaniyang facial expression.
Pahayag ni Dr. Caruncho, kung ang iyong anak ay hindi nagrerespond o walang tugon kapag tinawag mo ang pangalan niya pagdating ng 9 months, posibleng ito ay maagang indikasyon na mayroon siyang autism.
BASAHIN:
Can the MMR vaccine cause autism in kids? Here’s the real truth
Ang mga dapat mong malaman at asahan sa development ng iyong anak
STUDY: Pagiging masyadong matakaw ng bata, maagang senyales ng autism
5. Hindi paggaya sa mga tunog na naririnig o facial expresions na nakikita niya.
Sa edad na anim na buwan ay dapat ding may mga naggagaya ng tunog sa kaniyang paligid ang isang sanggol. Ganoon din ang paggaya ng mga facial expressions ng mga tao sa paligid niya. Kung hindi ito ay palantaan na maaaring may autism siya.
6. Language o speech delay.
Ang mga sanggol ay normal ng nakakapagsabi ng ilang salita kapag sila ay nag-isang taong gulang na. Ayon kay Dr. Caruncho,
“Kahit before 1-year-old pa lang, your baby is trying to communicate with you. Bago pa magsalita, they are communicating to you, staring, gestures, facial expression.
Babbling is an important milestone. Finally, by 1 year old doon mo maririnig ‘yong first word ni baby. Again it is a range. ”
Kailan dapat mag-alala kung hindi pa nagsasalita si baby?
“Children develop sentences around 3 years old. Short phrases around 2 years old. ‘Pag hindi pa nakaka form, sa ganyang age, you can be concerned na hindi nila narereach ang milestone para sa language.” ani ng doktora.
Kung ang isang sanggol ay lagpas 16 months na o kaya naman hirap pa ring magbanggit ng two-word phrases kahit sila ay 2-taong gulang na, mabuting ipakonsulta na siya sa isang doktor. Sapagkat ang autism madalas na natutukoy kung may language o speech delay ang isang bata.
7. Regression o biglang pagkawala ng skill na minsan ng ipinakita ng sanggol.
Isa pang sintomas ng autism sa baby ay ang biglang pagkawala ng skills na minsan niya ng natutunan o ipinakita. Tulad na lamang ng biglaang kawalan niya ng pagkakaroon ng eye contact, pag-bababble o pagbabanggit ng mga salita, o kaya naman ay pagtuturo sa mga bagay sa paligid niya. Ayon kay Dr. Caruncho,
“May mga iba 1 to 18 months normal, pero for some reason, nagre-regress, doon na nakikipag kita ng signs and symptoms (ng autism).”
Kung ang mga ito ay biglang napansin sa iyong baby, mabuti ring dalhin siya sa doktor para maipakonsulta.
Baby photo created by asier_relampagoestudio – www.freepik.com
8. Hindi paglalaro ng “make-believe” o imaginative game.
Ang isang bata sa edad na 18 buwan o 1 ½ year old ay mahilig ng maglaro ng mga imaginative games o play. Tulad ng sila ay ang isang adult na nakikipag-usap sa telepono o kaya naman ay pagsusuot ng sapatos. Kung ang skill na ito ay na-delay sa isang bata, may tendency na siya ay may ASD o autism spectrum disorder.
May lunas ba ang autism?
Sa kasamaang palad, walang lunas o cure ang autism. Bagama’t may mga treatments na maaaring gawin para matulungan silang kumilos o mabuhay pa rin ng normal tulad ng ibang bata.
Ani Dr. Caruncho, kung napapansin ang mga sintomas ng autism sa iyong baby, mabuting kumonsulta na agad sa iyong doktor.
“If you find any of these symptoms, huwag kang mag-atubili to ask for help. The doctor will always take your concerns seriously.”
Napakahalaga rito ang early detection. Sapagkat kung agad na matutukoy na may autism ang isang sanggol ay maaari na siyang magsimulang sumailalim sa treatment o therapy.
Sa ganitong paraan ay matuturuan siya ng mga skills na hindi niya nagagawa na napakahalaga sa pabago-bagong mundong ginagalawan niya.
Narito ang ilang treatment options na maaaring makatulong sa batang may autism, depende sa sintomas na ipinapakita niya:
- cognitive behavioral therapy
- joint attention therapy
- behavior management therapies
- social skills training
- speech therapy
- physical therapy
- occupational therapy
- medication
- educational interventions
- nutrition therapy
Baby photo created by rawpixel.com – www.freepik.com
May paraan ba kung paano maiiwasan ang autism?
Wala ring paraan kung paano maiiwasan ang autism. Bagama’t malaking bagay kung magiging malusog o healthy ang isang babae habang nagbubuntis.
Kung mayroong anak na may autism ay hindi mo dapat sisihin ang iyong sarili. Bagkus ay dapat mong palakasin ang iyong loob para matulungan siya.
Magagawa mo ito sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa ibang magulang na may parehong nararanasan. Pagbabasa ng mga resources tungkol sa autism para mas magkaroon ng kaalaman sa kondisyon.
Makakatulong din kung magbabasa ka o matututo ng mga stress management techniques. Ito ay para manatili kang healthy dahil sa kailangan ka ng iyong anak. Ang iyong pagmamahal at suporta ay napakahalaga para sa kaniya.
Sources: