May kinalaman ba ang vaginal discharge sa pagkakaroon ng cervical cancer?

Narito ang mga kahulugan ng iba’t-ibang kulay ng vaginal discharge.

Vaginal discharge, magagamit na palatandaan ng mga babae sa pagkakaroon ng sakit na cervical cancer.

mga uri ng vaginal discharge

Image from Freepik

Vaginal Discharge at Cervical Cancer

Ayon kay Dr. Raul Quillamor isang OB-Gynecologist, ang pagkakaroon ng vaginal discharge ay normal para sa mga babae lalo na kapag siya ay nag-oovulate. Ngunit ang pagbabago kung ang kulay ng vaginal discharge ay nagbabago-bago lalo na kung ito ay nagiging yellow-ish o green-ish, ito ay maaring senyales na ng impeksyon. At kung ito ay nagkulay brown o pula na ay maaring dahil na ito sa sakit na mas nakakabahala.

“Kapag may change in color, doon na dapat mababahala ang isang babae kasi ‘eto ay puwedeng sign ng infection. Kapag nagiging brown-ish ‘yan or reddish brown or yellowish, na may tinge of blood, puwede rin siyang maging sign ng cervical cancer or cancer ng vagina.”

Ito ang dagdag na pahayag ni Dr. Quillamor.

Pero maliban sa pag-iiba ng kulay ng vaginal discharge, ano pa nga ba ang sintomas ng cervical cancer? At ano pa ang ilang palatandaan sa vaginal discharge ng mga babae na dapat niyang ikabahala.

Mga uri ng vaginal discharge

Ang mga babae ay maaring makaranas ng iba’t-ibang uri ng vaginal discharge. At ang kaibahan ng mga ito ay nakadepende sa kulay ng vaginal discharge na nagpapahiwatig ng kasalukuyang kondisyon ng kaniyang katawan.

Klaro, malabnaw o medyo maputing kulay ng vaginal discharge

Ang pagkakaroon ng klaro o puting kulay ng vaginal discharge na tinatawag na white mens ay normal lamang at nangangahulugan ng ovulation.

Buo-buo, Makati at maputing kulay ng vaginal discharge

Ang buo-buo at parang kesong puting kulay ng vaginal discharge ay karaniwan sa mga buntis o umiinom ng mga gamot tulad ng antibiotic. Ngunit nangangahulugan rin ito ng impeksyon lalo na’t kung ito ay nagdudulot rin ng pangangati sa pwerta o mas kilala sa medical term na, “yeast infection.”

May amoy at kulay dilaw na vaginal discharge

Kung ang vaginal discharge mo naman ay kulay dilaw, malapot at may kakaibang amoy, ito ay maaring sanhi ng gonorrhea o chlamydia. Ito ay uri ng sexually transmitted disease (STD) o uri ng sakit na nakukuha sa pakikipagtalik o mas kilala sa tawag na “tulo” sa tagalog. Makakaranas rin ng hapdi sa pag-ihi at pananakit sa pwerta lalo na sa pakikipagtalik ang mga babaeng may ganitong uri ng sakit.

Mabaho at kulay berde na vaginal discharge

Samantala ang kulay berde naman na vaginal discharge na may mabahong amoy, kasabay ang pangangati sa pwerta ay nangangahulugan ng pagkakaroon ng Trichomoniasis, isang uri ng parasite. Hindi lamang ito nakukuha sa pakikipagtalik ngunit pati narin sa mga bagay na ginagamit ng mga babae sa kanyang vaginal area tulad ng tuwalya, vibrators at sex toys na maaring pamahayan nito.

Malansa at kulay grey o off-white na vaginal discharge

Kung ang vaginal discharge mo naman ay malansa o mabaho na may pagka-grey ang kulay, ito naman ay sintomas ng pagkakaroon ng Bacterial vaginosis. Ang Bacterial vaginosis o BV ay isa sa mga karaniwang vaginal infection sa mga babae mula ika-15 to 44 na taong gulang. Dulot ito ng pagdami ng bacteria sa ating vagina na nakakasira naman sa natural na balance nito.

Mapula o kulay brown na vaginal discharge

Ang mapula at kulay brown na vaginal discharge naman ay kadalasang sanhi ng irregular na regla o breakthrough bleeding. Ang breakthrough bleeding ay ang pagdudugo ilang buwan matapos gumamit ng birth control pills ang isang babae na masasabing normal lamang dahil sa hormonal changes. Ngunit, ang patuloy na pagkakaroon ng spotting o paglalabas ng kulay brown na vaginal discharge ay maari ring dahilan na mas seryosong sakit. Ito ay maaring dahilan ng bukol, polyps, tumor sa matris o cervical cancer.

Samantala, maliban sa pagkakaroon ng mapula o brown na vaginal discharge. Narito ang ilan pang sintomas ng cervical cancer na mararanasan ng isang babaeng may taglay ng sakit na ito.

Sintomas ng cervical cancer

Sa early stages, ang cervical cancer ay hindi nagdudulot ng sakit o iba pang sintomas. Kaya ipinapaala ng mga doktor na mahalaga ang regular pelvic exam o Pap smear test para ma-detect agad ang sakit at malunasan.

Ang ilan sa mapapansing sintomas ng cervical cancer maliban sa kulay brown, mapula o mabahong vaginal discharge ay ang sumusunod:

  • Abnormal vaginal bleeding o pagdurugo ng vagina matapos ang pakikipagtalik, sa kalagitnaan ng menstrual period o pagkatapos ng menopausal stage. Madalas ang mga babaeng may cervical cancer ay mas malakas at mas mahaba ang araw ng pagkakaroon ng regla kumpara sa normal.
  • Pananakit kapag nakikipagtalik
  • Pelvic pain

Kung ang cervical cancer naman ay kumalat na ibang kalapit na parte ng katawan, mararanasan rin ang mga sumusunod na sintomas:

  • Hirap o pananakit kapag umiihi o kaya naman ay pagkakaroon ng dugo sa ihi
  • Pananakit ng likod o pamamaga ng hita
  • Pagtatae o pananakit o pagdurugo sa puwet kapag dumudumi
  • Labis na pagkapagod, kawalan ng gana kumain at patuloy na pagbawas ng timbang
  • Namamagang tiyan na sinasabayan ng pagduduwal, pagsusuka o constipation

Kung makaranas ng mga sumusunod na sintomas ay mabuting magpunta na agad sa doktor para magpakonsulta. Ito ay para agad na malaman at malunasan kung anumang sakit ang iyong nararanasan.

Source:

Mayo Clinic, WebMD, GMA News

 

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!