Noong Martes, ika-28 ng Agosto, ay inaprubahan sa kongreso ang House Bill No. 4113, o ang batas na magbibigay ng 100-day maternity leave sa mga ina.
100-day maternity leave, matagal nang hinihintay
Mabuting balita ang 100-day maternity leave para sa mga ina, dahil ito ay halos doble ng kasalukuyang 60-day maternity leave. Mahalaga ito sa mga ina na nais alagaan ang kanilang mga anak, ngunit planong bumalik sa trabaho matapos nilang manganak.
Makakatulong rin ang batas na ito para lubos na maalagaan ang mga bata na bagong panganak. Dahil sa pagkakaroon ng 100-day maternity leave, mas may panahon ang mga ina na alagaan ang kanilang mga anak. Nakakababa rin ito ng infant mortality dahil mas makapagpapasuso ang mga ina.
Ang maternity leave na ito ay bayad, kaya’t walang dapat ipag-alala ang mga ina. Bukod dito, kasama rin sa batas ang probisyon na pwedeng kumuha ng maternity leave ang isang ina, kahit na hindi ito ang una niyang panganganak.
Nakasaad rin sa batas na kahit sinong ina na miyembro ng SSS, at nakapagbigay ng tatlong kontribusyon sa nakaraang taon ang pwedeng makakuha ng benefit na ito. Ibibigay sa kaniya ang sahod na katumbas sa kikitain niya sa 100 araw habang siya ay naka maternity leave.
Ang maganda pa rito, ay kahit hindi kasal ang isang ina, covered siya ng bagong batas na ito.
Umaasa ang mga gumawa ng batas na malapit na itong makapasa sa 3rd reading, at pagkatapos ay ito ay maisasabatas na rin.
Source: Manila Bulletin
Basahin: Ways to bond at home with your newborn during your maternity leave