Development at paglaki ng bata sa ika-25 buwan

Sumpungin at palaban, mamaya naman ay tumatawa at naglalambing sa ‘yo – ano nga ba ang mga pagbabago sa anak mong 25 na buwang gulang? Alamin natin.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Meron ka nang dalawang taon at isang buwang paslit! Parang kailan lang, napakarami nang nangyari sa iyong anak sa napakaikling panahon. Noong nakaraang dalawang taon, isa lamang siyang walang kamalay-malay na sanggol. Ngayon, siya ay tumatakbo at tumatalon na, at maaaring nagsasalita na nga! Ano nga bang dapat isipin tungkol sa 25 buwan development ng isang bata? Alamin natin.

*Tandaan na ang paglaki ng bata ay hindi pa pinal dahil ang bawat bata ay hindi pare-pareho ang panahon at bilis ng paglaki. Gayunpaman, kung nag-aalala ka na sa paglaki ng iyong anak, dapat mo na itong ikonsulta sa pediatrician.

25 Buwan Development at Paglaki ng Bata: Nakakasabay ba ang anak mo?

Pisikal na Paglaki

Sa 25 buwan, ang anak mo ay dapat natututo nang tumakbo nang maayos, at mas madali nang nakakaliko. Siya rin ay maaari nang nakakaakyat at nakakababa ng hagdan, at nakakatalon mula rito. Bukod sa pakikipaghabulan sa mga malilikot na bata, dapat ding bantayan ng mga magulang ang paglakad ng mga ito ng paurong, isang kakayahang nalilinang na rin sa ganitong edad.

Kaya na rin nilang magbukas ng mga drawers at kabinet sa kusina ngayon! Ang mga batang nasa ganitong edad ay natututo nang maging mapamaraan at walang konsepto ng panganib. Kaya huwag mo nang hintayin ang 25 buwan development ng iyong anak bago mo siguraduhing ligtas ang kanyang kapaligiran (childproofed).

Magkaroon lagi ng listahan upang masiguradong ligtas na nakakakilos sa inyong tahanan ang iyong anak. Ang mga drawers at bookshelf ay dapat laging nakakabit sa dingding upang maiwasang madaganan ang iyong anak kung sakaling maisipan niya itong akyatin.

Maaaring napansin mong sa 25 buwan development, ang lebel at pagkakumplikado ng kanyang paglalaro ay nagbago na rin. Sa isang iglap, kaya na niyang maglaan ng mas mahabang oras sa isang laro.

Gayunpaman, mula edad na 25 hanggang 27 buwan, ang iyong anak ay susubukan pa ring matuto sa pamamagitan ng “trial and error”. Maaari mong maramdaman na kailangan niya ng tulong mo, ngunit ang mga batang nasa ganitong edad ay tatanggi dahil gusto nilang ipahayag ang kanilang kakayahang maging malaya.  Huwag kang mag-alala dahil ang makulit mong paslit ay nagsasanay lang ng paulit-ulit upang matuto hanggang magamay niya ang kanyang laro.

Mga Tips:

  • Ipasyal ang iyong anak sa labas upang maiunat ang kanyang mga kalamnan at upang makalanghap ng sariwang hangin. Bigyan siya ng kalayaang magsaliksik, ngunit maging mapagmatyag upang masiguro ang kanyang kaligtasan.
  • Bigyan ang iyong anak ng mga simple at iba’t ibang puzzles na makakatulong sa maayos na koordinasyon ng kanyang mga mata at mga kamay.
  • Ang mga laruang bloke, tumutunog, at mga laruang sinasakyan o itinutulak ay mahalaga para sa mahusay na paghawak at iba pang fine motor skills. Ang mga laruang nagpapakita ng “cause and effect” ay maganda para sa pagdevelop ng kanyang utak.
  • Ang mga simpleng proyektong sining ay hindi lang magandang paraan upang sila ay maging abala, napapalawak din nito ang kanilang pagiging malikhain at pagtuklas ng mga bagong bagay.
Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Ang mga puzzle at iba pang educational na laruan ay makakapagpanatili sa kanilang abala at nag-iisip. | Image source: File photo

Kailan Dapat Komunsulta sa Doktor

  • Natatangi ang bawat bata at magkakaiba ang bilis at panahon ng kanilang paglaki. Ngunit sa 25 buwan development, ang iyong anak ay dapat na nakakapaglakad na ng tuwid, na hindi mga daliri sa paa lang ang gamit.
  • Kung nahihirapan sa pagdampot o paghawak ng mga bagay ang iyong anak, kumonsulta na sa doktor.

Pagsulong ng Kamalayan

Malaking pagbabago na ang naganap sa kamalayan ng iyong anak, ngunit ang pinakamalaking pagbabago ay ang kanyang abilidad na pagtuunan ng pansin ang isang bagay sa mas matagal na panahon. Nangangahulugan din ito na sa 25 buwan development ng bata, may mga panahong hindi na nila namamalayan ang oras dahil masyado silang tutok sa laro.

Masaya ngunit puno rin ng hamon ang panahong ito para sa ‘yo at sa iyong anak. Huwag masyadong mag-alala at easy ka lang, mommy! Habaan ang pasensya dahil napakarami mo pang matutuklasan at matutunan kasama ang iyong anak.

Mga Tips:

  • Patnubayan ang iyong anak upang matulungan siya sa kanyang paglipat sa mga bagong natututunang gawain.
  • Sa 25 buwan development, ang iyong anak ay magsisimula nang makapagbukod ng mga bagay ayon sa hugis at kulay. Himukin siyang maglaro ng mga larong makakapag-develop ng kakayahang ito.
  • Gustung-gusto tumulong sa mga gawaing bahay ng iyong anak! Bigyan siya ng mga simpleng utos gaya ng, “Pulutin at itabi mo ang iyong mga laruan.”
Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Para sa patuloy na development ng iyong 25 buwan na anak, siguruhing nabibigyan siya ng masusustansyang pagkain. | Image source: File photo

Kailan Dapat Komunsulta sa Doktor

  • Sa 25 buwan development, ang iyong anak ay dapat marunong nang gumamit ng mga bagay mula sa pang-araw araw na gawain tulad ng kutsara o mula sa mga naoobserbahan sa iyo tulad ng paggamit ng telepono. Kung hindi pa rin niya alam kung paano gamitin ang mga pang-araw araw na bagay na ito, dapat mo na itong ikonsulta sa pediatrician.
  • Dapat ay kaya na niyang kilalanin ang mga pamilyar na bagay o mukha mula sa larawan.
  • Kung hindi niya kayang kilalanin ang mga larawan, dapat ka nang mabahala.

Kakayahang Sosyal at Emosyonal

Susubukin ng iyong anak ang iyong pasensya – lalo na kapag ipinipilit niya ang kanyang kalayaan sa mga mahihirap na sitwasyon.

Mukha mang intensyunal o sinasadya ang mga ito, tandaang sa 25 buwan development, madalas na ito ay dulot ng kanyang likas na pagkamausisa. Gaano man kakulit, manatiling pasensyosa.

Kahit na mukhang gusto na niyang gawin ang lahat nang mag-isa, may mga pagkakataong siya ay humahabol pa rin sa ‘yo, mommy. Pagkatapos mo siyang yakapin, kausapin o lambingin, aalis ulit ang iyong anak upang maglaro.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Huwag kang mabibigla kung madalas ay nagiging makasarili siya sa kanyang 25 buwan. Sinusubukan pa niyang intindihin ang konsepto ng pagiging mapagbigay at nagde-develop pa ang kanyang kakayahang makisalamuha at makibagay sa paglalaro.

Gayunpaman, sa kanyang 25 buwan development, kaabang-abang na marinig ang nakakatuwa at hindi mapipigilang tawa niya ngayong mas naiintindihan na niya ang konsepto ng “pagiging nakakatawa”.

Bahagi ng 25 buwan development ang pagkakaroon niya ng malapit na ugnayan sa kanyang mga paboritong gamit. Sa dahilang ito, maaaring siya ay maging mapag-angkin sa kanyang mga paboritong laruan at hindi niya ito ipapagamit sa iba.

Mga Tips:

  • Karaniwan na sa iyong anak ang magpakita ng pagkabigo o pagkairita kapag hindi niya matagumpay na nabubuo ang mga laruan o natatapos ang laro kasama ang iba. Ito ay dahil hindi pa niya nade-develop ang kakayahang intindihin ang nararamdaman o kailangan ng iba.
  • Ang pagsunod sa pang-araw araw na gawain ay makakatulong sa pagbawas ng kanyang pag-aalboroto. Kung gagawin niya ito sa pampublikong lugar, laging tandaan ang pagiging kalmado bago siya kausapin. May mga batang sadyang matigas, kaya dapat kang umangkop sa bawat sitwasyon.
  • Alalahaning lahat ng ginagawa niya sa kanyang 25 buwan development ay udyok ng pagiging bata at likas na pagiging mausisa. Wala pa siya sa tamang katwiran kaya dapat mong maging  mapagpasensya.
  • Kahit na hindi pa niya lubos na maunawaan ang nararamdaman ng mga tao sa mga susunod pang buwan, mahalaga pa ring turuan siya na ang pisikal na pananakit ay hindi katanggap-tanggap.
  • Makabubuting magtakda ng hangganan, ngunit minsan, ang iyong anak ay mas tutugon sa katatawanan at distraksyon kaysa sa disiplina at katwiran.
  • Upang maturuan ang mga anak na magbahagi, sila ay dapat na manguna sa pamamagitan ng pagpapakita ng halimbawa. Sa pagbabahagi ng kung anong meron ka habang pinapangalagaan ang mga gamit ng iyong anak, tinuturuan mo siya upang hindi maging madamot sa kanyang mga gamit. Ang pagsasabuhay ay magandang paraan upang masanay siya sa pagbabahagi. Ipakita mo sa kanya na kahit na may ipahiram siyang bagay sa ibang tao, ito ay maibabalik sa kanya ng buo.

Kailan Dapat Komunsulta sa Doktor

  • Kung ang iyong anak ay hindi nanggagaya ng mga kilos o salita, ito ay maaari mong ikabahala.
  • May mga batang mas mahilig makisalamuha sa iba, ngunit sa 25 buwan development, dapat ay marunong na siyang makihalubilo – nagpapakita, nagbibigay, at naghahanap ng mga reaksyon mula sa mga tao. Kung hindi tumutugon o responsive sa iba ang iyong anak habang naglalaro, ikonsulta mo na ito sa doctor.
  • Ikonsulta mo rin sa doctor kung ang iyong anak ay hindi nag-iimbento ng kunwa-kunwariang laro.

Development sa Pagsasalita

Sa 25 buwan development, ang iyong anak ay nakakaintindi na ng lahat ng sinasabi mo. Nakakasunod na siya sa simpleng utos at nakakaintindi na ng mga simpleng tanong. Ngunit hindi ibig sabihin nito ay susundin niya ang lahat ng iyong sinasabi.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Hindi lahat ng 25 buwan na bata ay nakakapagpahayag ng kanilang naiisip o nararamdaman.  Ngunit walang nagagawang mabuti ang pagkumpara sa kanya sa ibang kababata, dahil ang kasanayan ng mga bata ay iba iba.

Gayunpaman, isang bagay ang malaking pagbabago sa development sa pagsasalita. May mga batang mahilig magbanggit ng mga paborito nilang salita. Kasunod nito, matututo na silang bumuo ng mga salita upang makabuo ng mga simpleng pangungusap.

Ang ganitong uri ng malapit na ugnayan ay hindi mapapalitan ng mga educational videos o flashcards. Higit sa lahat, gusto niyang ibahagi ang kanyang mga natutuklasan – maging ang pagkatuto ng mga salita – sa iyo.

Mga Tips:

  • Upang matulungan pa ang anak sa pagsasalita, maging masinsin sa pagbabasa araw-araw.
  • Hayaan siyang pumili ng aklat na babasahin. Pag-usapan kung anong nakikitang larawan sa bawat pahina.
  • Mahalaga sa mga magulang na panatilihin ang ganitong bonding sa 25 buwan na bata dahil hindi ito kayang punan ng telebisyon o teknolohiya. Malaking tulong na ang 5 hanggang 10 minutong pagbabasa sa iyong kandungan upang mahasa ng kanyang kasanayan sa pagsasalita at pag-unawa ng wika at maging sa kabuuang development ng kanyang utak.
  • Siya ay masyadong matanong! Marami siyang itatanong kaya dapat laging tandaan na maging mapagpasensya kahit pa hindi pa niya kayang ipahayag ang sarili nang mabuti.

Image source: Shutterstock

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Kailan Dapat Komunsulta sa Doktor

  • Kung maririnig na tila namamalat o galing sa ilong ang boses ng iyong anak.
  • Sa 25 buwan development, dapat ay kaya nang sumambit ng sariling salita at parilala ng iyong anak, at hindi sa pamamagitan lang ng paggaya sa iyo. Kung mukhang limitado pa siya sa panggagaya sa iyo, ikonsulta mo na ito sa pediatrician.
  • Kahit na maaaring mahirap pang intindihin ang kanyang pagsasalita ngayon, dapat ay naiintindihan mo na ang karamihan sa kanyang ipinararating. Komunsulta sa doctor kung hindi siya nagsasalita upang ipahatid kung ano ang kanyang mga pangangailangan.
  • Kung hindi niya kayang sumunod sa mga simpleng direksyon.
  • Kung hindi siya nakikinig sa mga kwentong may larawan.

Kalusugan at Nutrisyon

Saan na napunta ang mga taba niya noong siya ay sanggol pa lang? Wala na ang kanyang mapipintog na mga braso at binti! Bigla na lang siyang tumatangkad at mas nagmumukha nang preschooler (at kasingkulit pa ng preschooler). Karamihan sa mga batang nasa ganitong edad ay may taas na 83.1 cm hanggang 89 cm at may bigat na 10.5 kg hanggang 13.2 kg.

Pagdating sa pagkain, huwag masyadong mag-alala kung may mga araw na lalantakan niya lahat, at sa ibang araw naman ay inilalayo niya ang kanyang mga pagkain. Ang kanyang caloric needs ay mas mababa na ngayon, kaya huwag kang mag-alala. Magiging ayos lang siya kung patuloy mo siyang bibigyan ng mga masusustansyang pagkain.

Sa 25 buwan development, kailangan ng 1,000 hanggang 1,400 calories sa isang araw mula sa mga butil, gulay, prutas, gatas, karne at mga beans. Ang nararapat niyang makain sa isang araw ay 3 ounces ng butil araw-araw. Ang katumbas ng 1 ounce ay: 1 pirasong tinapay, 1 tasang ready-to-eat cereal, 1/2 tasang kanin, pasta, o cereal.

Ang iyong anak ay dapat nakakakain ng 1 tasang gulay araw-araw, gayundin ang prutas. Hiwain nang maliliit ang mga prutas at gulay upang hindi ito magbara sa kanyang lalamunan.

Pagdating sa gatas, ang iyong anak ay dapat na nakakainom ng 2 tasa sa isang araw, ngunit maaari mo itong palitan ng ibang dairy products katulad ng yoghurt at keso. Dapat na nakakakuha din ng protina ang iyong anak mula sa karne at mga beans  (2 ounces sa isang araw) upang tulungan siyang lumaki.

Kung ikaw ay nag-aalala sa kanyang kalusugan pagtanda, maari mong palitan ang kanyang diyeta ng low-fat na mga pagkain. Ngunit huwag masyadong limitahan dahil kailangan pa rin sa 25 buwan development ang mga “good fats” upang siya ay lumaking malusog. Ang iyong lumalaking anak ay matutulungan ng mga fiber-rich whole grains, legumes, prutas, at gulay, kasama na ng mga mabubuting uri ng protina tulad ng manok at isda.

Kung ang iyong anak ay pihikan, maari mong hiwain ng iba’t-ibang hugis ang mga pagkain na natural na makukulay gaya ng beetroot, carrots, at dragon fruit upang mas ganahang kumain ang iyong anak.

Dahil hindi pa masyadong malakas ang resistensya ng iyong anak, siya ay maaring sipunin nang maraming beses sa isang taon.  Gamutin ito sa pamamagitan ng pahinga at pag-inom ng maraming tubig. Ikonsulta sa pediatrician kung kailangang bigyan ng gamot ang iyong anak.  Siya ay dapat na gumaling sa sakit pagkalipas ng lima hanggang pitong araw.

Maliban sa mga taunang bakuna laban sa trangkaso, wala ng iba pang bakunang dapat ibigay sa anak mo hangga’t nasusunod naman ang iskedyul ng kanyang turok. Upang makasigurado, komunsulta sa doctor.

Kailan Dapat Komunsulta sa Doktor

  • Kung ang temperatura ng iyong anak ay mas mataas na sa 40ºC (104ºF), tumawag na agad sa doktor. Ito ay napaka-importante, lalo na kung ang iyong anak ay may ibang sintomas tulad ng pagsusuka, rashes, etc.
  • Kung tuloy-tuloy pa rin ang pagsusuka o pagtatae, komunsulta na agad sa doktor upang maiwasan ang pagkawala ng tubig sa kanyang katawan.
  • Kung nahihirapang huminga ang iyong anak.
  • Kung nawala ang kasanayan o mga kakayahang dating mayroon siya.

 

Isinalin mula sa wikang Ingles ni Yddette Civ Alonzo-Cruz

Previous month: 24 buwan

Next month: 26 buwan

Sinulat ni

Rosanna Chio