Development at paglaki ng bata na 26 buwan

Maghanda ka nang pagpawisan, mommy, dahil mayroon ka nang madaldal at malikot na 26 buwang anak na paikot-ikot sa buong bahay!

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Napakabilis nga naman ng panahon! Parang kailan lang nang una mo siyang mahawakan, ngayon ang iyong tahanan ay may madaldal nang bata na nasa 26 buwan development! Nakakabuo na rin siya ng maiikling pangungusap at may higit nang 50 salita sa kanyang bokabularyo. Kaya huwag ka nang magulat kung sa susunod ay marinig mo siyang magsabi ng “gatas pa”.

Sa puntong ito, ang iyong matabil na bulinggit ay nakakakilala na ng mga kaibigan sa pamamagitan ng pangalan at nakakakilala na rin ng mga gamit ayon sa kanilang hugis at kulay.

Mapapansin mo ring may kumpiyansa na siya sa kanyang paglalakad at pagsasalita. Ngayong nasa 26 buwan development na siya, mas tuwid na siyang maglakad at hindi na kailangan ng tulong upang makapaglakad nang maayos. Kaya ito na ang tamang panahon upang hayaan siyang tumakbo sa loob ng bahay.

Iiwasan na rin niya ang matulog, ang karaniwan na niyang tulog ngayon ay nasa 12 oras na lang. Nangangahulugan ito na makakaidlip ka na rin sa umaga dahil atrasado na siyang matulog sa gabi. Ang nabawas niyang tulog ay mula sa kanyang naka-iskedyul na tulog sa araw. Hayaan siya kung kailan niya gustong maidlip.

Dahil ang iyong anak na nasa 26 buwan development ay may sarili nang personalidad ngayon, nangangahulugan itong dapat ka nang maging handa sa mga araw na siya ay sinusumpong. Siya ay maaaring maging mainitin ang ulo at emosyonal sa ganitong edad at kailangan niya ng iyong pang-unawa at higit pang pag-aaruga.

26 Buwan Development at Paglaki: Nakakasubaybay ba ang Iyong Anak?

Pisikal na Paglaki

Sa 26 buwan development, mapapansin mong ang iyong munting paslit ay nagsisimula nang maintindihan ang kanyang kapaligiran sa pamamagitan ng paglalaro. Ibig din nitong sabihin, hindi niya namamalayan ang oras habang naglalaro at kahit ang pagkain ay hindi na niya napapansin. Karaniwan sa 26 buwan development, ang bata ay nagsisimula nang gumawa ng iba’t ibang pisikal na gawain.

  • Kaya na niyang bumuo ng tore gamit ang mga laruang bloke dahil mas maayos na ang kanyang paghawak o pagkapit.
  • Mapapansin mo ring mas nasasanay pa niya ang kanyang motor skills. Nakakatakbo na siya nang maayos at mas madali nang nakakaliko.
  • Nakakaakyat at nakakababa na siya ng hagdan, at nakakatalon na rin. Mas maayos pa niya itong magagawa sa mga susunod na buwan. Nagsisimula pa lang niyang maunawaan ang mga kayang gawin ng kanyang katawan.
  • Ang paghagis ng bola ay mas madali na para sa iyong anak na nasa 26 buwan development.
  • Gayundin, kaya na niyang sipain ang bola habang nakatayo.
  • Ngunit ang maayos na paggalaw ng kanyang mga kamay at mga daliri ay nagsisimula pa lang. Kaya kapag itinuturo o sinusundot niya ang mga bagay, alalahaning ito ang kanyang paraan upang matutunan ang ganitong mga kilos.
  • Sa 26 buwan development, ang iyong anak ay mas susubukan na ring matutong gumamit ng banyo nang maayos. Ilang beses siyang sasablay ngunit ito ay bahagi lang ng kanyang pagkatuto.

Ang lahat ng pagbabagong ito ay nangangahulugan din ng paghahanda mo ng iyong sarili sa mahahabang araw ng pagtakbo at paglalaro. Kailangan ng higit mong pang-unawa upang mas magabayan mo nang maayos ang iyong lumalaking paslit. Siya ay magiging palatanong at magkakamali nang paulit-ulit. Ngunit ang iyong pasensya at pagtityaga ang makakatulong upang mabilis niyang maintindihan ang mga bagay at tao sa kanyang paligid.

Mga Tips:

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement
  • Tinutularan ka ng iyong anak, kaya kung pinag-aaralan niya ang larong football, ipakita mo sa kanya kung paano sumipa.
  • Himukin siya sa pamamagitan ng pagsasabi ng “Magaling!” o “Ang galing mong sumipa!”
  • Tila hindi siya nauubusan ng enerhiya at pagiging malikhain kapag naglalaro kaya ilagay siya sa silid o maging sa labas kung saan siya makakapag-iisip at magiging abala.
  • Hayaan siyang maglaro ng clay dough upang bumuti ang koordinasyon ng kanyang kamay at mga daliri.
  • Maari mo rin siyang bigyan ng mga magagaang na bagay gaya ng rolling pins upang mas marami pa siyang magawa o maisip habang naglalaro.
  • Pagdating sa paggamit niya ng banyo, maging mapagpasensya at huwag mag-alala sa mga aksidente. Himukin siyang ipagpatuloy ito at huwag mo siyang pagalitan kung siya ay sumasablay.

Kailan Dapat Komunsulta sa Doktor:

Bihira, ngunit may mga batang nasa 26 buwan development ang hindi gaanong aktibo sa gawaing pisikal. Maaring iwasan din niya ang regular na paglalaro. Ito ay maaaring senyales ng naantalang paglaki. Ngunit higit kumulang pagkatapos ng ikalawang taon, halos lahat ng mga bata ay nakakasabay na sa isa’t isa.

Gayunpaman, kung napapansin mo pa ring may kulang sa kanyang mga ginagawa, mas mabuting ikonsulta mo na sa doktor ang kanyang mga pisikal na gawain. Maaaring siya ay nakararanas ng developmental coordination disorder na kung tawagin ay Dyspraxia na nakakapagdulot ng problema sa pagkilos.

Pagsulong ng Kamalayan

Higit na naiintindihan ng iyong lumalaking anak ang kanyang kapaligiran sa pamamagitan ng paghawak, pakikinig, at pagmamasid ng mga tao at bagay. Mas binibigyan na rin niya ng pansin ang prosesong ito ngayon. Habang mas naiintindihan niya ang mga salita, gayundin ang kanyang abilidad na bumuo ng mga larawan sa kanyang isip at umintindi ng mga konsepto at utos.

  • Kaya na rin niyang gumawa ng solusyon sa pamamagitan ng trial-and-error. Kung mapapansin mo, hindi na niya sinisira ang kanyang mga laruan dahil kapag nakikita niya ito, alam na niya kung ano at para saan ito.
  • Sa paglago pa ng kanyang intelektwal na abilidad, mapapansin mong nauunawaan na rin niya ang konsepto ng oras. Halimbawa, kapag sinabi mong “Puwede mong laruin ang laruang ito pagkatapos mong kumain ng tanghalian” mauunawaan na niya ang ibig sabihin ng “pagkatapos” sa pangungusap na ito.
  • Sa 26 buwan development, ang iyong anak ay kaya na ring bumuo ng mga simpleng puzzles at maintindihan ang gamit ng mga numero, lalo na sa pagbibilang ng mga bagay.
  • Ang isa pang kapansin-pansing pagbabago ay ang kanyang abilidad na gumawa ng mas kumplikado, may pagkakasunod-sunod, o pinag-iisipang laro.  Halimbawa, pupulutin niya ang kanyang laruang kotse o manika at ilalagay ito sa ilalim ng kumot at magkukunyaring pinapatulog ito sa pamamagitan ng paghehele.

Habang lumilipas ang mga araw, ang pagkakasunod-sunod na ito ay nagiging mas makatotohanan, at ipagpapatuloy niya ang kanyang kunwa-kunwariang laro. Maaaring isama pa nga niya ang kanyang pang-araw araw na gawain tulad ng pagbangon, pagpunta sa paaralan at pakikipaglaro sa mga kaibigan sa ganitong klase ng laro. Napakasayang karanasan ito para sa sinumang magulang.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Mga Tips:

  • Ang pinakamabuting paraan upang maintindihan ang iyong anak ay ang tingnan siya habang naglalaro at obserbahan kung paano niya ginagamit ang mga bagay at kung paano siya nakikisalamuha sa mga tao.
  • Hayaan siyang maglaro hangga’t gusto niya dahil ito ang panahon na ang kanyang isip ay umuunlad mula sa pagkatuto sa kapaligiran hanggang sa mga ideya at konsepto.
  • Maaaring mapansin mong may mga bagay na madaling makapikon sa kanya, kaya kailangan ang lubos na pang-unawa dito.
  • Dahil normal lang ang pag-uulit sa 26 buwan development, maaari mo rin itong gawin kapag tinuturuan siya ng mga bagong bagay. Kahit na maayos na niyang nagagawa ang isang bagay, dapat mo siyang himuking ulit-ulitin ito upang lalo pa siyang gumaling. Dahil sa totoo lang, napakasayang makita ang iyong anak na mahusay nang nagagawa ang isang bagay, hindi ba?
  • Ang mga puzzles at pisikal na laro ay malaking tulong upang bumuti pa ang kanyang pagkilos, kaya siguraduhing pasalihin siya sa mga ganitong aktibidad.

Kailan Dapat Komunsulta sa Doktor

Kung papansinin ang paglaki ng iyong anak, laging tandaan na ang bawat bata ay iba-iba. Walang dalawang bata ang pareho ang paglaki at ang pagkakaiba ay maaring sa pagitan lamang ng mga buwan. Ngunit sa bihirang pagkakataon, kung hindi man naabot ng iyong anak ang mga pagbabagong nabanggit sa taas, dapat mo na itong ikonsulta sa doktor.

Kakayahang Sosyal at Emosyonal

Masayahin man siya sa lahat ng oras, maging handa sa mga sumpong at pagmamaktol. Madalas, mararanasan mong mag-alaga ng nag-aalborotong bata. Asahan ang mga sumusunod sa 26 buwan development:

  • Siya ay maaaring maging madamot sa kanyang mga laruan ngayon at dahil dito, ayaw niya itong ipahiram.
  • Maaari rin siyang magalit at maging agresibo kapag hindi niya natatapos ang isang gawain, tulad ng pagbuo gamit ang mga bloke. Ito ay dahil sa ganitong edad, hindi pa niya nauunawaan ang konsepto na may mga pakiramdam din ang ibang tao. Ang kanyang pag-intindi ay nagde-develop pa lamang.
  • Ilan sa karaniwang nagdudulot ng pagiging sumpungin ay gutom, pagod, pagkabagot, sobrang istimulasyon, kulang sa pansin o pagkakasakit. Wala mang lunas dito, maaaring mabawasan ang haba at atake ng kanyang sumpong sa pamamagitan ng pagbibigay ng higit na pagmamahal at pang-unawa.

Mga Tips:

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement
  • Kung siya ay naiirita, maaari kang mag-isip ng mga gawain o laro upang dito matuon ang kanyang enerhiya. Kung siya ay nagmamaktol nang higit sa kinaugalian niya, kausapin mo siya at pakinggan ang kanyang mga sasabihin.
  • Ang isa pang maaaring ikagalit ng magulang ng batang nasa 26 buwan development ay ang palagi niyang paghingi ng kung anu-anong mga bagay. Dapat ka mang makinig sa iyong anak, huwag mong ibigay ang lahat ng gusto niya.
  • Sa halip, yakapin mo siya at bigyan ng buong atensyon dahil mas mahalaga ito kaysa sa materyal na bagay na hindi na niya papansinin pagkalipas ng ilang minuto. Mas makikinig ang iyong anak sa pagbibigay mo ng atensyon higit sa disiplina o rason.
  • Sa 26 buwan development, ang iyong atensyon at higit na pag-aalaga ay makakatulong upang siya ay magkaroon ng payapang personalidad. Ang kanyang pagmamaktol o pagiging sumpungin ay maaaring ikairita mo, ngunit ang iyong abilidad na pakinggan siya nang may pang-unawa ay hindi lang makakapagpakalma sa kanya kundi magdudulot din ng mas malalim ninyong ugnayan sa isa’t-isa.

Kailan Dapat Komunsulta sa Doktor

Ang tanging limitasyon para sa batang nasa 26 buwan development ay ang pag-intindi sa mga kumplikadong konsepto ng emosyon. Hindi niya maiintindihan na naghihiwalay ang mga magulang o maysakit ang isang miyembro ng pamilya. Kaya dapat maging maunawain at laging pakalmahin ang kanyang kalooban sa lahat ng pagkakataon.

Kung patuloy pa rin ang kanyang pagiging magagalitin o mapanggulo, maaaring mayroon na siyang kondisyong medikal o mental tulad ng bipolar disorder o oppositional disorder. Kapag ganito, kailangan mo nang kumonsulta sa doktor.

Sa anumang pagkakamali, maaaring isipin ng iyong anak na nasa 26 buwan development na kasalanan niya ito, at ang pagpapaliwanag sa batang nasa ganitong edad ay karaniwang napakahirap. Gayundin, ang pagbibiro na hindi siya makakapaglaro kapag hindi niya inubos ang kanyang pagkain ay maaaring hindi niya maintindihan.  Muli, ang pang-unawa ang susi dito.

Ang iyong lumalaking anak ay kaya na ring pangalanan ang mga bagay at kaya na ring tukuyin ang nararamdamang sakit sa partikular na bahagi kanyang katawan. | Image courtesy: stock image

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Development sa Pananalita

Bilang bagong preschooler, ang iyong anak na nasa 26 buwan development ay kaya nang bumuo ng maiikling pangungusap ngayon. Ngunit mas marami ka pang dapat abangan sa ganitong edad pagdating sa pagsasalita.

  • Mayroon na siyang 50 salita sa bokabularyo niya ngayon, na nangangahulugang natututo na siyang bumuo ng mga salita at malapit nang magpahayag gamit ang buong pangungusap.
  • Gayunpaman, maraming salita pa rin ang mailap pa sa kanya sa 26 buwan development. Kaya huwag mag-alala kung hindi pa niya masasabi ang mga salitang nagsisimula o nagtatapos sa “sh,” “ch,” o “th.”
  • Karaniwan sa batang nasa 26 buwan development ang hindi pa maayos na nakakapagbigkas ng mga ganitong salita.
  • Ang iyong lumalaking anak ay kaya na ring pangalanan ang mga bagay at kaya na ring tukuyin ang nararamdamang sakit sa partikular na bahagi kanyang katawan.

Tandaan na may dalawang wika sa ganitong edad: Ang una ay ang expressive language kung saan kaya niyang sabihin ang gusto niyang sabihin at ang ikalawa ay ang receptive language na  ginagamit niya upang ipahiwatig na naiintindihan ka niya. Kaya isa-isip ito kapag nakikipag-usap sa iyong 26 na buwang anak.

Mga Tips:

  • Ang mahalaga sa iyong anak ay naiintindihan mo at ng mga malalapit sa kanya ang ibig niyang sabihin. Kaya intindihin ang kanyang expressive language.
  • Palaging makipag-usap o magbasa sa iyong anak upang makakuha o makarinig pa siya ng mas maraming salita at mga pangungusap. Ito ay makakatulong sa pagdevelop ng kanyang receptive at expressive language.
  • Mapapansin mong inuulit niya ang mga pangungusap at pantig kapag napansin niyang ito ang laging ginagamit sa kanyang paligid.
  • Sa ngayon, naiintindihan na ng iyong anak ang lahat ng iyong sinasabi pati ang mga utos mo at mga tanong.

Kailan Dapat Komunsulta sa Doktor 

Ang bawat bata ay magkakaiba. Hindi mo man maiwasang ikumpara sa ibang bata ang paglaki ng iyong anak, makatutulong kung hindi mo ito gagawin. Magbibigay ng pagkakataon ito sa iyong anak na lumaki sa kanyang sariling panahon.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Gayunpaman, kung napansin mong napakalaki ng pagkakaiba gaya ng hindi niya pagsunod sa kahit anong utos, hirap sa pagsagot ng mga tanong o pagsasalita, dapat mo nang komunsulta sa doktor.  Maaaring sanhi ito ng problema sa pagsasalita o kapansanan sa paglaki tulad ng autism spectrum disorders (ASDs) o cerebral palsy.

Kalusugan at Nutrisyon

Sa 26 buwan development, ang iyong anak ay doble na ang laki mula nang siya ay ipinanganak. Dahil sa paglaking ito, ang kanyang dibdib ay mas malapad na ng bahagya sa kanyang ulo ngayon. Ngunit mas marami pang nagaganap sa kanyang paglaki ngayon kaya ito ang mga dapat mong asahan.

  • Dapat ay mas mabigat na ng nasa apat na beses ang kanyang timbang mula nang siya ay ipinanganak, mga 11 na kilo hanggang 13 na kilo.
  • Ang mabuting balita ay bibigat siya ng isa hanggang tatlong kilo taon taon kasabay ng pagtangkad niya ng humigit kumulang 9 na sentimetro.
  • Mapapansin mo ring dahil angkop ang laki ng kanyang ulo sa kanyang katawan, ang dating mabilog mong anak ay unti-unti nang papayat o mas sisiksik. Lalaki ang kanyang torso at ang kanyang tindig ay mas magiging maayos na dahil kaya na niyang lumakad ng tuwid. Maaaring mayroon na rin siyang 15 na ngipin sa 26 buwan development.

Pagdating sa nutrisyon, maging handa sa kanyang pagiging pihikan at sumpungin. Ang pagkaayaw niya sa mga partikular na lasa ay kapansin-pansin. Ngunit upang siya ay lumaking malusog, siguraduhing binibigyan siya ng tamang nutrisyon. Ang iyong lumalaking anak ay nangangailangan ng 1 1/2 na tasa ng kanin, cereal o pasta, (kahit anong kombinasyon), 1 tasa ng gulay, 1 tasa ng prutas,  2 ounces ng protina (karne, isda o itlog), at 1 hanggang 1 1/2 tasa ng gatas, yoghurt o keso araw-araw.

Mga Tips:

  • Upang maging interesado siya sa mga pagkaing iyong inihahanda, gawin itong makulay at subukang lagyan ng hugis.
  • Maaari mo rin siyang bigyan ng puree na hindi pa niya dating natitikman.
  • Sa 26 buwan development, siya ay maaaring interesadong malaman kung paano ka kumakain, kaya isipin kung paano gagawing kaaya-aya ang pagkain ninyo nang sabay.
  • Hayaang magkalat ang iyong anak. Mahalagang hayaang siyang malaman kung anong pumapasok sa kanyang bibig. Hayaan mo siyang dilaan o amuyin ang kanyang pagkain.

Sa puntong ito, bantayan din ang kanyang mga bakuna at immunization. Sa 23 buwan development, dapat ay nabakunahan na siya ng Hepatitis A vaccine. Ito ay dalawang turok na ibinibigay ng may anim na buwang pagitan. Kung hindi pa niya nakukumpleto ang kanyang mga bakuna, kausapin ang iyong doktor at kumpletuhin ito.

Kailan Dapat Komunsulta sa Doktor

Sa ilang pagkakataon, ang 26 buwan development ng mga bata ay nagkakaiba dahil sa mabagal na paglaki at pagkapihikan. Pumunta sa doktor upang malaman kung bakit ito nangyayari sa iyong anak.

Maaaring resulta ito ng avoidant/restrictive food intake disorder (ARFID), kung saan iniiwasan ng bata ang mga partikular na pagkain. Maaari ring naging maarte na siya sa pagkain. Ang pagkonsulta sa espesyalista ang makabubuti sa ganitong kalagayan.

Sa ngayon, bigyan ang anak na nasa 26 buwan development ng higit pang atensyon, pang-unawa, at pagmamahal. Maglaan ng oras upang makipaglaro at pakinggan siya. Ang mga ito ay makatutulong upang mabilis na malinang ang kanyang pisikal at mental na kakayahan, at makatutulong na malabanan ang kahit na anong pagka-antala sa kanyang paglaki.

 

Isinalin mula sa wikang Ingles ni Yddette Civ Alonzo-Cruz

Sources: Mayo Clinic, HealthyChildren

Your toddler’s previous month: 25 months

Your toddler’s next month: 27 months

 

Sinulat ni

Deepshikha Punj