Nalagpasan nang maayos ng iyong anak ang kanyang terrible twos at sa awa ng Diyos, hindi naman ito masyadong naging masama. Pagdating naman sa 31 buwan development ng bata, mayroon ng mga pagbabagong unti-unting lumalabas sa kaniyang personalidad habang siya ay lumalaki.
Isa sa mga kapansin-pansin na motor skills nila sa edad na ito ay ang pagtakbo nang dire-diretso at pagtalon nang paisa-isang hakbang. Ngunit hindi lamang ang kanilang paglaki at paggalaw ang nagdedevelop. Narito ang ilan sa mga maaasahan mo sa 31 buwan development ng bata!
31 buwan development ng bata: Nakakasubaybay ba siya?
31 buwan development ng bata: Pisikal na paglaki
Sa ganitong edad, handa na ang inyong anak na sumali sa mga aktibidad at laro na nangangailangan ng pisikal na paggalaw gaya ng pagtakbo, pagkandirit, pag-gapang, paggulung-gulong at pag-ikot. Nadevelop na rin ang balanse ng inyong anak at siguradong kaya na niyang maglakad sa isang makitid na kahoy.
Nagsisimula na rin siyang matuto na umakyat at maglambitin kaya gusto na niyang umakyat ng mga hagdan o kahit na anong mababang muwebles na pwede niyang sampahin.
Makikita mo na rin kung gaano niya kabilis gamitin ang kanyang mga kamay at daliri. Madali na niyang nahahawakan ang lapis o crayons at nagsisimula na siyang gumuhit ng mga linya, bilog, at paikot-ikot na linya. Masusubok mo na rin ang galing ng kanyang mga kamay sa pamamagitan ng pagbigay ng maliit na gunting sa kanya at hayaan siyang gupitin ang mga makukulay na papel gamit ito. Marunong na rin siya ngayong maglipat ng mga pahina ng libro nang paisa-isa.
Mga Tips:
- Maging aktibo kasama ng iyong anak. Simulan ito sa pamamagitan ng pagpunta sa palaruan o pambatang rock climbing gym para mapukaw ang kanyang hilig sa pag-akyat.
- Huwag masyadong mag-alala sa iyong anak kung hindi pa siya maayos gumuhit ng mga linya o gumupit ng isang eksaktong hugis. Nasa yugto pa siya ng pag-aaral sa paggamit ng mga instrumento. Darating din kayo sa puntong iyan!
- Ito ang pinakamainam na oportunidad ng pagtuturo para sa iyong anak na matutunan ang tungkol sa kaligtasan sa palaruan at paggamit ng mga gunting. Mahalagang maturuan siyang mag-ingat sa edad na ito!
Kailan Dapat Komunsulta sa Doktor
Siya ay dapat na nakakagawa na ng mga madadaling bagay ngayon gaya ng pag-ikot ng doorknob kaya kung napuna mong may mabagal na development sa kanyang motor skills, mas makabubuting komunsulta agad sa doktor o eksperto.
31 buwan development ng bata: Pagsulong ng kamalayan
Habang nalilinang ang motor skills ng iyong anak, nalilinang na rin niya ang kanyang abilidad na kilalanin ang bawat hugis. Sa ngayon ay kaya na niyang kilalanin ang bilog at krus at kaya na rin niyang iguhit ang mga hugis na ito.
Maaari na rin siyang magsimulang magtanong ng mga mahihirap na tanong gaya ng “Saan nanggaling ang mga baby?” at kapag nangyari ito, maging mapagpasensya at gawing simple at diretso ang iyong sagot. Nasa sa iyong diskarte na kung paano sasagutin ang mga ganitong mahihirap na tanong.
Ang pinaka-importante ay ang ikalugod ang pagiging mausisa ng iyong anak. Linangin ang kanyang karunungan sa pamamagitan ng pagtanggap ng kanyang bawat tanong nang may pag-unawa at pagpapasensya.
Mga Tips:
Oras na para punuin ang lalagyanan ng laruan ng iyong anak ng mga laruang pang-role playing gaya ng mga costumes at iba pang bagay na maaring niyang gamitin sa larong pagkukunwari. Ito ang magpapasigla sa kanyang imahinasyon!
Habaan ang iyong pasensya kung napakaraming itinatanong ng iyong anak. Sagutin ang bawat isa upang hindi mawala sa kanya ang pagiging mausisa! Ang ibang tao sa labas ng inyong tahanan ay maaaring maubos ang pasensya sa kanyang mga tanong kaya siguraduhing hindi rin mauubos ang pasensya mo!
Sa tingin mo ba ay maaaring maging susunod na Picasso ang iyong anak base sa kanyang mga abstract drawings? Maaaring mahasa ang kanyang kakayahan sa pagguhit sa pamamagitan ng pagpapasok sa kanya sa isang art class.
Kailan Dapat Komunsulta sa Doktor
Ang iyong anak ay dapat na maging matanong at maingay sa kanyang edad ngayon. Kung napapansin mong masyado siyang tahimik at hindi natututo sa mahabang oras, kailangan mo na siyang ipatingin sa doktor.
31 buwan development ng bata: Kakayahang social at emosyonal
Siya ay maaaring mahiyain sa ngayon ngunit lilipas din ito, lalo na ngayong puwede mo na siyang ipalista sa mga aktibidad na pang-preschool gaya ng mga klase sa pagkukwento o pambatang gym. Habang siya ay nagiging palakaibigan, nakasusumpong siya ng mas maraming oportunidad upang lumabas sa kanyang sarili.
Mahalagang bigyan siya ng panahon para sa kanyang sarili at patnubay.
Huwag mag-alala kung natatakot pa rin siya sa tuwing gabi. Pahinahunin ang kanyang loob at pakinggan siya upang hindi masaktan ang kanyang damdamin.
Mga Tips:
- Ipasok siya sa mga nakakaaliw na klase at isali sa mga grupo ng play session hangga’t maaari.
- Ang bawat sandali ay isang oportuniad upang turuan ang iyong anak na makihalubilo sa iba. Turuan siya ngayon kung paano dapat makibahagi sa iba o matutong maghintay sa kanyang pagkakataon na gawin ang isang bagay.
- Ang paglalaro ng mga kunwa-kunwarian ay ang kanilang ideya ng kasayahan. Hindi lamang ito isang mahusay na paraan ng paglalaro, ito rin ang paraan upang siya ay mas lalong maging mapagpahalaga sa sarili at matutong makibagay sa iba.
- Sa katulad na paraan ng paglalaro ng kunwa-kunwarian upang masubok at makapagsaliksik ng mga posibilidad, maaari rin siyang maging masunurin sa mga patakaran nina mommy at daddy. Nagiging pamilyar siya sa kung paano ginagawa ang isang bagay gaya ng mga araw-araw na gawain sa bahay at maaari nilang gayahin kung paano ginagawa ang mga gawaing ito.
- Gawin ang mga bagay nang paisa-isa at huwag punuin ng maraming aktibidad ang araw ng iyong anak. Bigyan siya ng pagkakataon na makapagdesisyon, gaya ng kung ano ang gusto niyang suotin na damit o kung saan itatabi ang kanyang mga laruan.
- Puwede mo nang ilipat ng higaan ang iyong anak mula sa crib papuntang kama ngunit maaaring magkaroon ng kaunting problema kaya huwag kang maligalig o pamihasain silang laging bukas ang ilaw.
- Maaaring matagalan bago niya matutunang huwag bumangon sa kanyang higaan at humiga sa gitna ninyo, mommy at daddy, ngunit namnamin niyo rin ang bawat sandali nito!
Kailan Dapat Komunsulta sa Doktor
Normal lamang sa edad ng bata ang pag-aalboroto ngunit kung hindi niya kayang pigilan ang kanyang emosyon sa lahat ng oras, maaaring ang kanyang inaasal ay isang senyales na ng mas malalim na problema. Komunsulta sa doktor kung sa tingin mo ay may malalim na problemang emosyonal na ang inyong anak.
31 buwan development ng bata: Development sa pagsasalita
Sa puntong ito ng 31 buwan development ng bata, madalas na niyang igiit ang pagsasabi ng “Hindi” o “Ayaw” at nagsisimula na rin siyang makipag-usap sa mga kapwa niya bata.
Mas lalo na siyang malikhain, may kumpiyansa sa sarili at madaldal. Marunong na rin siyang magsinungaling. Bagaman maaari siyang magsabi ng white lies o bahagyang pabulaanan ang isang bagay, ito ay dahil sa kanyang malikhaing pag-iisip at hindi dahil sinasadya niya itong gawin.
Habang papalapit ang ika-tatlong kaarawan ng iyong anak, patuloy na ring humuhusay ang kanyang bokabularyo. Mas lalo na rin siyang nagiging mausisa. Isali siya sa mga pagpapatawa at pag-uusap upang humusay ang kanyang kasanayan sa pakikipag-usap at kakayahang mangatwiran.
Mga Tips:
- Ngayon ang tamang oras para disiplinahin ang iyong anak gamit ang positibong paraan. Maaaring nakikipagtalo siya sa’yo sa lahat ng oras dahil dumadaan siya ngayon sa yugto ng pagrerebelde ngunit mabuting turuan siya ng tungkol sa hangganan nito kasabay na rin ng tamang tono ng pananalita.
- Patuloy siyang turuan gamit ang mga flash cards o ibang pamamaraan upang mas lumawak ang pa ang kanyang bokabularyo.
- Linangin ang kanyang bokabularyo sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga libro sa kanya. Sa edad na ito, kaya na ng inyong anak na pagtagpi-tagpiin ang mga salita at bumuo ng mga pangungusap!
Kailan Dapat Komunsulta sa Doktor
Ang iyong anak ay dapat na madaldal na at kaya nang magsalita ng kaunti ngunit buong pangungusap ngayon. Kung hindi siya nakikipag-usap sa’yo, mayroong may mali sa kalagayan ng anak mo.
31 buwan development ng bata: Kalusugan at nutrisyon
Maaaring pihikan ang iyong anak sa pagkain ngayon. Maging matiyaga sa kanya dahil nagsisimula pa lang siyang alamin kung anong panlasa ang gusto niya.
Tulungan siya sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga masustansiya pagkain na pagpipilian habang binabawasan ang anumang panglito ng isip niya.
Sa kanyang edad, nangangailangan siya ng 3 ounces ng whole grains, 1 tasa ng prutas at gulay, 2 tasa ng gatas at 2 ounces ng karne at beans.
Almusal | 1/2 wholegrain toast na may kasamang 1 kutsara ng peanut butter at 1 tasang gatas |
Snack bago magtanghalian | 1 tasa ng strawberry (or isang dakot) na may kasamang 1/2 na tasa ng gatas o yogurt |
Tanghalian | Sinangag na may halong tinadtad na karne ng manok o baka at 1/2 na mansanas
o Pasta na ang sauce ay gawa sa kamatis, at hinaluan ng salmon, karne ng manok o baka at isang maliit na ponkan |
Merienda | Carrot o ginayat na pipino na may kasamang hummus at 1/2 tasa ng gatas |
Hapunan | 1/2 tasa ng inihaw o piniritong manok na may kasamang nilagang gulay at 1/4 tasa ng strawberry
o Sinigang na isda na may kasamang ginisang kai lan at 1/4 tasa ng blueberry |
Ang tipikal na taas at timbang ng 31-buwan na bata ay nasa 85.7cm hanggang 99.6cm at 10.7kg hanggang 17.1kg.
Importanteng makumpleto ng inyong anak ang kanyang mga bakuna. Ang HepA ay inirerekomenda para sa mga batang 2 taong gulang pataas na nanganganib na magkaroon ng Hepatitis A (mabuting suriin ang inyong family history ng mga sakit). Maaari mo rin isaalang-alang ang Pneumococcal vaccine kung ang iyong anak ay may kondisyon na nakaka-apekto sa kanyang immune system gaya ng asplenia o HIV.
Tandaan, opsyonal lamang ang mga bakunang ito. Tanungin ang inyong doktor upang masigurong kumpleto ang mga bakuna ng iyong anak. Ang kadalasang sakit na tumatama sa mga batang may ganitong edad ay ang bulutong, beke, tigdas, dengue at hand, foot and mouth disease o HFMD.
Kailan Dapat Komunsulta sa Doktor
Kung ang iyong anak ay sobra o kulang sa timbang, komunsulta agad sa doktor. Mahalagang masubaybayan ang taas at timbang ng iyong anak sa pinaka-importanteng buwan ng kanyang development.
Isinalin mula sa wikang Ingles ni Yddette Civ Alonzo-Cruz
Sources: WebMD, Healthy Families BC, Kids Health
Your toddler’s previous month: 30 months
Your toddler’s next month: 32 months