April 22, 2019, Lunes nang hapon nang nayanig ng may lakas na magnitude 6.1 na lindol ang gitnang bahagi ng Luzon. Marami ang nagulat at natakot sa kaligtasan ng kanilang mga sarili at mga mahal sa buhay dahil ito ang pinakamalakas na lindol na naiulat sa Pilipinas. Ano nga ba ang dapat gawin ng bata sa lindol?
Mga dapat ituro sa mga bata
Sa magkahiwalay na barangay sa Porac, Pampanga, dalawang bata na may edad 3 at 7 taong gulang ang namatay habang 40 na katao naman ang nakulong sa isang gumuhong gusali. Upang maiwasan pa lalo ang mga ganitong pangyayari, ituro sa mga bata na maging handa sa pagdating ng sakuna.
1. Lumahok sa mga earthquake drills
Ang pag-lahok at pakikinig sa earthquake drills sa tirahan o sa paaralan ay malaking tulong upang maihanda ang mga bata. Itinuturo dito ang mga dapat gawin ng bata sa lindol.
2. Magtakda ng lugar sa bahay na maaaring taguan
Humanap ng lugar sa bahay na maaaring puntahan ng mga bata habang may lindol. Ang mapipili ay dapat hindi mahuhulugan ng gamit, mga ilaw o matutumbahan ng mga cabinet.
3. Manatili sila kung nasan sila
Kung nasa loob ng bahay, pumunta sa ligtas na lugar at manatili rito. Kung nasa labas, pumunta sa pinaka malapit na maluwag na lugar.
4. Sa pagtulog
Kung ang magising ang bata sa lindol at hindi makabangon, ituro na manatili sa kama nang tinatakpan ang ulo ng unan. Kung makitang ligtas na, lumipat sa ilalim ng matibay na mesa.
5. Sa sasakyan
Kung makita ang sarili na nagmamaneho at biglang lumindol, itabi agad ang sasakyan. Umiwas sa mga tulay at flyover. Maghanap ng maluwag na titigilan na malayo sa mga gusali.
6. Sa pampublikong lugar
Kung kasama ang mga bata sa mga mall, sabihan ang mga bata na hanapin ang mga magulang. Turuan sila na manatiling kalmado at umiwas sa mga istante at mabibigat na bagay. Itakip ang mga braso sa mga ulo para maproteksyonan ito sa mga maaaring mahulog.
7. Family Emergency Kit
Gumawa ng Family Emergency Kit na madaling makukuha kapag may sakuna. Maglagay ng pagkain at inumin na maaaring magtagal nang 3 araw, first aid kit, mga flashlight at radyo, at mga gamot sa alerhiya na maaaring kailanganin ng mga bata.
Hindi maiiwasan na matakot ang mga bata sa lindol. Layunin ng mga magulang na ituro sa mga bata ang mga importanteng bagay para magawa nila ito kahit natatakot. Siguraduhin na alam nila kung saan pupunta, saan magkikita at dalhin ang emergency kit. Mag-ensayo kung kailangan para maging ligtas ang bata sa lindol.
Sources:
GMA Network, Homesecurity.Org
Basahin: Lindol safety: 10 tips na dapat gawin para sa bawat edad ng bata
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!