7 lessons na matutunan ng mag-asawa pagkatapos manood ng A World of Married Couple

Napanood mo na ba ang Korean drama series na ito? Kung hindi pa narito ang ilan sa mga aral sa relasyon na matutunan mo sa panonood nito.

A World of Married Couple lesson: Narito ang mga maaring matutunan ng mag-asawa matapos manood ng K-drama series na ito.

A World of Married Couple K-drama series

Napanood mo na ba ang trending Korean drama series na ito? Kung hindi pa malamang ay narinig mo na ang tungkol dito. Lalo pa’t ito ay usap-usapan sa social media at may mga memes narin ang ginawa mula sa mga eksena sa Korean novela.

Pero tungkol saan nga ba ang “A World of Married Couple” at bakit ito patok na patok sa mga Pilipino?

Ang “A World of Married Couple” ay nagsasalamin sa kadalasang nagiging problema ng isang relasyon. Ito ay tungkol sa kwento ng mag-asawa na sina Ji Sun-woo at Lee Tae-oh. Sila ay may teenager na anak na si Lee Joon-young.

Si Ji Sun-woo ay isang successful na doktor. Habang si Lee Tae-oh na kaniyang asawa ay nagpapatakbo ng sarili niyang entertainment business at nangangarap na maging isang sikat na movie director. Bagamat mahal niya ang kaniyang asawa at suportado siya nito sa mga pangarap niya ay nagawa parin ni Lee Tae-oh na pagtaksilan si Ji Sun-woo. Ito ay nang dumating si Yeo Da-kyung sa buhay niya na isang anak mayaman at natatanging eredera.

Sa panonood ng K-drama series na ito ay maraming Pilipino ang nakarelate. Marami ang sumubaybay at nakidalamhati sa sakit na dinanas ng bida ng istorya. At marami rin na bagamat hindi nakakaranas ng parehong sitwasyon ay may natutunan sa panonood ng Korean drama series.

Ayon nga sa Facebook user na “The Budgetarian Bride” ay may 7 lessons o aral na matutunan ang mga mag-asawa sa panonood ng “A World of Married Couple”. Ang mga ito ay ang sumusunod:

A World of Married Couple lesson #1: Choose a partner who can also be a good parent for your child/children.

Sabi nga ng matatanda ang pagpapakasal ay hindi parang kanin na mainit na kapag nakapaso ay iluluwa nalang. Dahil ang pagpapakasal ay simula ng pagbuo ng isang pamilya ng mag-asawa. Sa kanilang pagsasama ay magkakaroon sila ng anak na kailangan ng gabay at pag-aalaga nila. At sa oras na ang relasyon nila ay masira, ang mga anak ang pangunahing apektado at biktima.

Mula sa Facebook post ni “The Budgetarian Bride” narito ang take niya sa unang aral na napulot niya sa K-drama.

“May part dito na sinabi ni Joon Young na hindi nya ginusto na maging anak ng divorced parents. Tapos nung napagbintangan si Tae Oh na sya ang pumatay kay In Kyu, kahit hindi sigurado si Dr. Ji, ayaw nyang makulong sa Tae Oh kasi nga ayaw nyang maging anak ng kriminal si Joon Young.”

“Kaya make sure na yung papakasalan mo ay magiging mabuting ama/ina kapag nagdecide na kayong magkaroon ng anak. Kasi ikaw pwedeng makipaghiwalay, pero yung relasyon ng anak at magulang, forever yun.”

Kaya naman mula sa naging karanasan ng bida sa K-drama, ipinapaalala kung gaano kahalaga ang pagpili sa tamang tao hindi lang upang maging kasama mo sa buhay kung hindi para tumayong magulang sa iyong magiging anak.

Lalo pa’t ayon sa mga pag-aaral, ang mga magulang ay tinitingnang halimbawa o modelo ng mga bata. At ang parent-child relationship ang nagiging pundasyon sa paghubog ng personalidad, life choices at overall behavior ng isang bata.

A World of Married Couple lesson #2: Marriage is a lifetime commitment.

Mahalaga ring isipin ng bawat magkarelasyon na ang pag-aasawa ay isang sinumpaang tungkulin na kailangang gawin at gampanan ng pang-habangbuhay. Kaya naman kung hindi pa sigurado ay mas mabuting huwag na munang magpakasal. At bigyan muna ng oras na makikila ninyo ng maigi ang isa’t-isa.

Kung nasa loob naman ng isang relasyon ay huwag tumigil gawing exciting ang pagsasama. Sumubok ng mga bagong bagay na magbibigay thrill sa relasyon. Huwag magsawang ipakita sa isa’t-isa ang pagmamahal at pagpapahalaga. Kung may problema ay agad na pag-usapan ito at solusyonan. Dahil laging tandaan ang masayang pagsasama ay ang pundasyon ng isang masayang pamilya.

Mula sa Facebook post ni “The Budgetarian Bride” narito ang take niya sa pangalawang aral na napulot niya sa K-drama.

“Dahil sa Pinas ay wala naman divorce, ang marriage sa atin lasts a lifetime.”

“Kaya kung may doubt ka pa at tingin mo may better pa na tao para sa’yo, think twice. Kasi si Tae Oh, kahit may Dr. Ji na sya, nakipag relasyon pa rin sya kay Da Kyung. Tapos nung sila na ni Da Kyung ewan ko rin bakit binabalikan nya pa si Dr. Ji.”

“You have to decide to commit your lifetime doon sa taong papakasalan mo, or else you are just going to ruin their life.”

A World of Married Couple lesson #3: Couple should be open about money matters.

Isa sa madalas na pinag-aawayan ng mag-asawa ay pera. Dahil kung wala ito ay hindi mabibili ang pangangailangan ng bawat isa at ng buong pamilya. Kaya naman napakahalaga na maging open o honest ang mag-asawa sa mga isyu na may kaugnayan dito. At hindi ito dapat pagsimulan ng hindi pagkakaintindihan sa pagitan ng mag-asawa.

Ayon sa money expert na si Rachel Cruze at relationship expert na si Dr. Les Parrott, mahalagang mag-usap ang mag-asawa sa “common ground” na kanilang mapagkakasunduan tungkol sa pera. Walang dapat itago sa isa’t-isa at dapat maging transparent sa mga transactions nila. Dahil sa ganitong paraan ay mas nabubuild ang tiwala sa pagsasama. At higit sa lahat mas tumitibay ang pundasyon ng relasyon.

Mula sa Facebook post ni “The Budgetarian Bride” narito ang take niya sa pangatlong aral na napulot niya sa K-drama.

“Ito hindi ko alam baka sa kultura ng Korea, private sila sa money matters kahit mag-asawa na. Kasi yung eksena na magdidivorce sila Dr. Ji at Tae Oh, walang alam si Dr. Ji sa mga utang at kung may ipon ba ang asawa nya.”

“Pero dapat ang mag-asawa can talk openly about money matters. Your partner has the right to know kung may utang ka ba or may savings ka ba or may insurance ka ba.”

A World of Married Couple lesson #4: Relationship problems should be settled by the couple not by the public.

Walang mas nakakaalam ng nangyayari sa isang relasyon kung hindi ang mga tao na nasa loob nito. Kaya naman kung may problema sila lang ang mas nakakaalam kung ano ang makakabuti o hindi para sa kanila.

Mula sa Facebook post ni “The Budgetarian Bride” narito ang take niya sa pang-apat na aral na napulot niya sa K-drama.

“Napanood natin kung gaano ka-involve ang buong Gosan sa family issues nila Dr. Ji. Instead na mag-usap sila, sa ibang tao pa nila malalaman. Ang daming exaggerated things dito like yung si Da Kyung kay Dr. Ji pa talaga nagpa-pregnancy test. And nung nagpositive, kay Dr. Sul sinabi ni Dr. Ji instead sa asawa nya. Kaya ang ending, chismis.”

“I believe na yung couple ang best na mag-fix ng problema nila, not by posting it on social media or by broadcasting your problems sa lahat ng kakilala nyo.”

“Kasi when you ruin your partner, damay rito yung marriage nyo. At kapag dumating ang time na napatawad mo ang asawa mo, the whole public might not forgive him, kasi you exposed all the dirty laundry of your relationship.”

Kaya naman, sa oras na may hindi pagkakaintindihan sa isang relasyon, dapat hangga’t maari ay manatiling pribado ito sa pagitan ng mag-asawa. Pag-usapan ito at pagkasunduan kung anong magiging desisyon o solusyon nila sa kanilang problema. At tandaan, ang kasiraan ng isa sa mag-asawa ay kasiraan narin nilang dalawa.

A World of Married Couple lesson #5: Cheating ruins everything.

Kapag ang isa sa magkarelasyon ay nagsimulang magsinungaling at magtaksil sinisira na nito kahit ang pinakamatagal pang pagsasama.

Dahil ayon nga sa infidelity expert na si Dr. Dana Weiser, ang tiwala o trust ang pinaka-mahirap ma-develop sa isang relasyon. Ito rin ang pinaka-mabilis mawala na maaring mangyari ng dahil lang sa maliit na pagkakamali. At hindi ito basta-basta naibabalik. Dahil hindi mawawala sa isip ng taong nasaktan mo na maari mo itong gawing muli.

Mula sa Facebook post ni “The Budgetarian Bride” narito ang take niya sa pang-limang na aral na napulot niya sa K-drama.

“Ako umasa talaga ako sa happy ending kahit man lang para kina Ye Rim at Je Hyuk, pero wala, bawal maging masaya talaga. Which means, kahit magbago ka pa for good, once you damage your partner’s trust, ang hirap na ibalik. That’s why Ye Rim and Je Hyuk decided to part ways kahit mahal na mahal nila ang isa’t isa, kasi wala ng trust puro na lang doubts.”

“At syempre si Tae Oh, ang daming buhay na nasira di’ba? Bukod kay Dr. Ji, pati buong pamilya ni Da Kyung nasira. Walang winner, lahat nasaktan, lahat talo.”

A World of Married Couple lesson #6: Take good care of your mental health.

Ayon sa Mentalhealth.org, ang pagkakaroon ng toxic relationship ay mas nakakasama pa nga daw sa mental health ng isang tao kaysa sa pagiging single o mag-isa. Dahil minsan ang labis na concentration sa isang relasyon ay nagiging dahilan upang ang isang tao ay mawala sa katinuan at mapabayaan ang sarili niya.

Kaya naman paalala ng psychiatrist na si Dr. Glen Xiong ay huwag pabayaan ang iyong mental na kalusugan. Gawin ito sa pamamagitan ng sumusunod na paraan na maaring gawin sa araw-araw:

  • Mag-exercise.
  • Kumain ng balanse at masusustansyang pagkain.
  • Makipag-usap sa mahahalagang tao sa iyong buhay.
  • Mag-break kung kinakailangan.
  • Alalahanin ang mga magagandang bagay na nangyari sayo.
  • Matulog at magpahinga ng sapat.

Mula sa Facebook post ni “The Budgetarian Bride” narito ang take niya sa pang-anim na aral na napulot niya sa K-drama.

“Nakakatuwa kasi may pagpapahalaga yung drama sa mental health, may psychiatrist pa nga na umasa rin ako kahit kaunting kilig moments with Dr. Ji. Kaso waley.”

“Pero mukhang nandoon lang sya to check everyone’s mental health. I mean, don’t be fooled by Dr. Ji’s high position sa hospital, or yung bongga na outfits nya every day, pati yung maganda nyang kotse. Kasi we never know if someone suffers from trauma or distress.”

A World of Married Couple lesson #7: Unsolicited opinions never help kahit anong sitwasyon.

Tulad nga ng nauna ng nabanggit, walang mas nakakaalam sa totoong nangyayari sa isang relasyon kung hindi ang dalawang taong nasa loob nito. Bagamat minsan ay makakatulong ang pagbibigay payo sa kanila, gawin ito kung kanilang hinihingi. Dahil anumang mangyari o desisyong kanilang gagawin, buhay at relasyon nila iyon. Sila ang apektado at sila lang ang makakaramdam sa kung anumang kahihinatnan nito.

Mula sa Facebook post ni “The Budgetarian Bride” narito ang take niya sa pang-pitong aral na napulot niya sa K-drama.

“At para sa mga chismosang kaptibahay, walang maitutulong ang pagchismis natin sa mga taong may relationship problems. Hindi natin ikakaganda ito.”

“Kagaya ng nanay ni Hae Kang na nagchismis ng kung anu-ano about kay Dr.Ji. Bukod kay Dr. Ji, sobrang nasaktan din dito si Joon Young. Baka para sa iba libangan lang ang chismis, pero yung mga tao na pinag-uusapan sana ay maalala natin na may damdamin din sila.”

 

Source:

Very Well Mind, Doctor on Demand, Mental Health Org

Basahin:

Micro-cheating: Ang mga simpleng paglalandi na maaaring sumira sa relasyon