Abo ng taal, ginawang bricks para i-donate sa mga nawalan ng tirahan

Narito ang isang patunay kung gaano kagaling dumiskarte at likas na matulungin ang mga Pilipino.

Abo ng Taal Volcano ginawang kapakipakinabang ng mga taga-Biñan, Laguna. Abo ginawang bricks at planong i-donate sa mga nawalan ng bahay dulot ng nakalipas na pagputok ng bulkan.

Image from GMA News

Bricks na gawa sa abo ng Taal Volcano

Dahil sa dami ng abong ibinuga ng Taal Volcano ng nakaraang pag-aalburoto nito ay binalot nito ang maraming bayan ng Batangas. Pati na ang iba pang lugar sa mga kalapit nitong probinsya tulad ng Laguna. Bagamat para sa iba ito ay perwisyo, naging kapaki-pakinabang naman ito para sa mga taga- Biñan, Laguna. Dahil ang abo ng Taal Volcano ginawa nilang bricks na maaring gamitin sa paggawa ng bahay at iba pang paraan.

“Nag-isip tayo kung anong pwedeng pakinabang dito. Dahil may programa naman kami na yung basura namin ginagawang bricks, edi gawin naman nating itong ashfall, gawin nating bricks. Ito na ang Taal bricks natin ngayon.”

Ito ang pahayag ni Biñan Mayor Arman Dimaguila Jr., tungkol sa kanilang proyekto.

Image from ABS-CBN News

Dagdag pa ni Mayor Dimaguila, matagal na silang gumagawa ng bricks mula sa mga basura o recycled materials. Ito ang ginagamit nila sa paggawa ng mga pampublikong daan sa kanilang bayan. Tulad ng path walks, parke at daanan sa eskwelahan. Ang proyektong ito ang ginagawa ng kanilang pamahaalang local upang maging kapaki-pakinabang ang mga basurang dapat ay itatapon na tulad ng plastic.

Kaya naman dahil sa dami ng abo na kanilang nakokolekta sa ginagawang paglilinis nitong mga nakaaraang araw ay naisipan nilang gamitin nalang itong material sa paggawa ng bricks. Kung tutuusin nga daw ay nakatipid sila sa paggawa ng bricks dahil sa mga naipong abo ng Taal Volcano.

“We found out na it’s a very good substitute for white sand that we regularly use in making our brick products or concrete products. Hindi na po namin ito kailangang bistayin dahil pino na po ito.”

Ito ang pahayag ni Rodelio Lee, ang City Environment and Natural Resources Officer ng Biñan, Laguna.

Ipamimigay sa mga nasalanta ng pagsabog ng bulkang Taal

Dagdag pa niya ang dating sampung piso kada piraso ng bricks ay nagkakahalaga nalang ng limang piso kada piraso ngayon. Ito ay dahil nabawasan ang kanilang ginagastos sa pagbili ng material na paggawa ng bricks partikular na ang white sand.

Ayon parin kay Lee, ang bawat brick na kanilang ginagawa sa ngayon ay binubuo umano ng 40 porsiyentong abo ng Taal Volcano. Habang 30 porsiyento nito ay mula sa recycled na basura, 20 porsiyento ang buhangin, at 10 porsiyento ang semento.

Sa tulong ng kanilang material recovery facility o MRF ay nakakagawa ng nasa 7,000 bricks araw-araw ang local na pamahalaang bayan ng Biñan.

Naisipan nga nilang i-donate ang mga nagawang bricks sa mga Pilipinong nawalan ng bahay dahil sa nangyaring pagsabog ng Taal Volcano.

“Kapag nakarecover na ang Lemery, Calaca, Agoncillo ibalik natin sa kanila. Itulong natin sa kanila kung ano mang magiging project nila.”

Ito ang dagdag na pahayag ni Biñan Mayor Arman Dimaguila Jr., tungkol sa kanilang proyekto.

Sa ngayon ay pinag-aaralan rin nila kung pwedeng gawing hollow blocks ang abo ng Taal Volcano. Dahil kahit ilang araw na silang naglilinis ay hindi parin nauubusan o tuluyang naiaalis ito sa mga pampublikong lugar sa kanilang bayan.

Dagdag pa ni Mayor Dimaguila, ay hindi pa nila pinapasok ang mga subdivision at iba pang pampribadong lugar sa kanilang bayan. At paniniguro niya mas dadami pa ang kanilang makokolektang abo at magagawang bricks kung gagawin nila ito.

Source: GMA News, ABS-CBN News

Photo: Rappler

Basahin: Cleaning up after ashfall: Mga tips upang malinis ang loob at labas ng bahay