Abusadong guro, kaso ang haharapin matapos mahuli dahil sa “sex for grade” deal niya sa kaniyang minor na estudyante.
Abusadong guro, nag-alok ng “sex for grade” deal sa kaniyang estudyante
Hindi mga estudyante kung hindi rehas ngayon ang kaharap ng isang abusadong guro mula sa Parian, Cebu.
Ito ay matapos madakip ng mga pulis kasama ang 17-anyos niyang lalaking estudyante sa loob ng isang lodging house sa Cebu City.
Ayon sa report, isang “sex for grade” deal umano ang inalok ng 24-anyos na lalaking guro sa kaniyang estudyante.
Kapalit ng mataas na marka ay ineganyo niya ang kaniyang estudyanteng makipagtalik sa kaniya.
Bagaman, nahuli sa loob ng isang lodging house, tinanggi naman ng guro ang nasabing paratang.
Paliwanag niya ay nasa loob lamang sila ng lodging house ng minor na estudyante para siya daw ay magpamasahe bilang pampawala ng stress.
Kwento pa niya, nang pumasok daw ang mga pulis sa loob ng lodging house ay nag-uusap lang sila umano ng kaniyang estudyante.
Ngunit, taliwas sa pahayag na ito ang kwento ng kaniyang minor na estudyante.
Inamin ng Grade 11 student sa mga pulis na mayroong nangyari sa kanila ng kaniyang abusadong guro kapalit ng matataas na grades na alok nito.
Ayon sa mga pulis, agad silang rumesponde ng makatanggap ng tawag na may isang guro at minor ang pumasok sa lodging house.
Dagdag pa ni Staff Sergeant Ada Jungao ng Women’s and Children’s Protection Desk ng Parian Police Precinct ay itinurn-over na nila ang estudyante sa kaniyang mga magulang. At dumaan ito sa isang medical check-up para mapatunayan ang nangyari sa kanila ng abusadong guro.
Sasampahan rin nila ng kaso ang abusadong guro dahil sa paglabag nito sa Republic Act 7610 o ang Child Abuse Law.
Sa ngayon ay nakakulong ang abusadong guro sa Parian Police Precinct habang patuloy ang imbestigasyon sa kaniyang kaso.
Tips para masigurong safe ang inyong anak sa eskwelahan
Para naman maiiwas ang iyong anak sa ganitong karahasan at masigurong ligtas siya sa paaralan ay narito ang ilang tips na dapat gawin ng mga magulang.
- I-encourage silang magsalita o pag-usapan ang kanilang concern at nararamdaman sa iyo. Madalas ay nag-aalangan ang mga batang magkwento tungkol sa mga nangyayari sa kanila sa school, kaya maiging ikaw ang mag-initiate ng conversation.
- Iparamdam sa kanila na lagi kang nandyan para tulungan silang harapin ang anumang kinatatakot nila sa loob o labas man ng eskwelahan.
- Huwag balewalain ang mga concerns ng iyong anak tungkol sa school violence. I-validate ang kanilang feelings at iparamdam sa kanila ang iyong suporta sa lahat ng oras.
- I-empower ang iyong anak na gumawa ng aksyon pagdating sa kaligtasan niya sa school. Ang unang hakbang dito ay ang pagrereport sa mga insidente ng bullying, threats o kahit anong banta sa kaniyang kaligtasan.
- Ipaliwanag ang kahalagahan ng pagsunod sa rules at policy ng paaralan sa iyong anak. Lalo na kung ito ay tumutukoy sa kaniyang kaligtasan.
- Gumawa ng safety plans kasama ang iyong anak. Ipaalam sa kaniya ang mga tao sa loob ng paaralan na pwedeng niyang lapitan kung sakaling makaranas o makaramdam siya ng pagkabahala. Siguraduhin ding alam ng iyong anak kung paano ka makokontak sa ganitong mga pangyayari.
- Maging mapagmasid sa kilos ng iyong anak upang matukoy ang indikasyon na maaring siya ay nakakaranas ng school violence.
- Ipaalala sa iyong anak na maari siyang magsabi at magkwento sa iyo ng kaniyang concern kahit anong oras. Lalo na kung ito ay gumugulo at nagdudulot ng stress sa kaniya.
Sources:
Cebu Daily News, Mental Health America