Ang adoption o pag-aampon ay isang prosesong socio-legal na nagbibigay ng pamilya sa isang batang wala nang magulang o kinabibilangang pamilya. Ito ay permanente at legal na hakbang. Ano nga ba ang adoption process in the Philippines na dapat nating malaman kung iniisip nating mag-ampon?
Pag-aampon sa Pilipinas
Kadalasan, ang isang bata o mga bata ay maaaring ampunin kapag ito ay pinabayaan na ng biological parents o hindi na kaya pang tugunan ang pangangailangan, at wala nang kaanak ang may nais o may kakayahan na kumukupkop sa bata o mga bata.
Sa prosesong ito, tuluyan nang mawawala ang karapatan ng biological parents sa bata, at ito ay buong malilipat sa pamilyang nag-ampon sa kaniya. Hindi simple ang legal na proseso, at kakailanganin ng tulong ng social workers at mga abogado.
Lahat ng batang walang magulang, o may magulang ngunit hindi makapagbigay ng sapat at maayos na proteksyion at pag-aaruga ay nasasailalim sa proteksiyon ng Estado. Kasama sa proteksiyon na ito ay ang paniniguro na ang bata ay mapupunta sa pamilyang tunay na mag-aaruga sa kaniya, at makapagbibigay ng lahat ng basic needs nito tulad ng tahanan, pagkain, kalusugan at edukasyon. Ang Estado ay kinakatawan ng Department of Social Welfare and Development.
Adoption Process Philippines: 3 Uri ng Pag-aampon sa Pilipinas
Sa Ahensiya. Ang isang lisensiyadong ahensiya ng DSWD ang nag-aasikaso ng lahat ng papeles at hakbang na kakailanganin. Sila ang maghahanap ng pamilyang maaaring umampon sa batang boluntaryong napunta sa ahensiya, o kinupkop ng ahensiya dahil naabanduna na ng magulang nito.
Isa sa mga ahensiyang tulad nito ay ang Kaisahang Buhay Foundation. Sa ganitong uri ng pag-aampon, lahat ng aspeto at mga kaugnay dito ay protektado ng batas—ang karapatang legal ng bata, ang mga biological parents, at ang mga magulang na mag-aampon sa bata.
Dumadaan ito sa proseso: ang paniniguro na handa ang emosiyonal at mental, pati pinansiyal na katayuan ng lahat ng may kaugnayan sa adoption, counselling ng mga magulang na magpapaampon ng kanilang anak at ng mga magulang na mag-aampon, pati na ang batang aampunin (kung ito ay may malay at isip na).
Pag-aampon ng kadugong pamilya. May mga kaso ding ipinapasa o ibinibigay ng biological parents ang anak sa mga kapamilya nito. Kadalasan ito ang mga kaso na walang pera ang mga magulang, o di kaya’y masyadong bata kaya’t hindi kayang magpalaki at tumustos sa pangangailangan ng isang bata. Direktang ibinibigay ng biological parent/s ang bata sa kamag-anak na interesadong mag-ampon.
Pribado o independent na pag-aampon. Tulad din ng pag-aampon ng kadugong pamilya, ang kaibahan lang ay ang paggamit ng tagapamagitan o intermediary. Dito kasi, may gumigitna o third party sa pagitan ng mag-aampon at nagpapaampon. Ang dapat lang pag-ingatan ay ang tinatawag na “black market” o mga ilegal na nagbebenta ng mga bata sa mga pamilyang gustong mag-ampon.
Adoption process Philippines: Proseso ng pag-aampon
1. Paghahanap ng mga potensiyal na adoptive family na interesado at may magandang hangarin sa bata.
2. Pagkalap ng mga aplikanteng mag-aampon at pagrepaso sa background nito.
3. Pagpili ng pamilya o magulang na makakapagbigay ng maaayos na buhay sa bata, at may kapasidad (emosiyonal at pinansiyal) na mapalaki ang bata ng maayos at maprotektahan.
4. Paghahanda sa bata bago pa ito tuluyang tumira sa pamilyang mag-aampon sa kaniya. Kailangan kasing masiguro ang pagtanggap ng bata sa bagong kapaligiran at makakasama nito.
5. Pangangasiwa ng “trial custody” sa loob ng unang anim na buwan ng pagtira ng bata kasama ang pamilyang nag-ampon.
6. Paghahanda para sa pag-alis ng bata sa bahay ng nag-ampon, sakaling hindi maging maayos ang pag-ampon.
7. Tuluyang pag-ampon at paghayag ng final decree ng pag-aampon, kasabay ang pagbabago sa katibayan ng kapanganakan ng bata (birth certificate).
8. Pagrerekumenda ng support group para sa mga nag-ampon.
9. Post-legal adoption counselling, upang masuportahan ang psychological at emotional needs ng nag-ampon at batang inampon, na maaaring may kinalaman sa pinagdaanan ng bata o paghahanap sa kaniyang mga biological parents.
Adoption process Philippines: Mga hakbang na dapat sundin
Social Case Study Report (SCSR). Ang dokumentong nagtatala ng mga assessment ng lisensiyadong social worker tungkol sa social, economic, cultural, at psychosocial background ng batang aampunin. Kasama na rin dito ang dahilan o sitwasyon, kung bakit siya ipapaampon. Nakasaad din dito kung natunton ba ang mga biological parents.
Dapat ay may kasulatan na sumailalim sa counselling ang mga nag-aampon at magpapaampon. Ang pagkakakilanlan o identity (totoong pangalan at araw ng kapanganakan) ay kailangang irehistro sa Civil Registry. Lahat ng impormasyon tungkol sa batang inaampon ay dapat nakasaad sa SCSR.
Ang social worker ay magtatala ng mahahalagang impormasyon tungkol sa mga aplikante na nais mag-ampon o naghahanap ng batang aampunin. Kailangan kasing mapatunayan na may maayos at ligtas na titirhan at magiging pamumuhay ang bata. Ito ang tinatawag na Home Study Report.
Pinaghaharap ang bata at mga magulang o pamilya ma nais mag-ampon. Ang Child Welfare Specialist Group (CWSG) na binubuo ng DSWD social worker, abugado, doktor, psychologist at isang NGO representative ng mag-aampon ang mag-aasikaso at mag-aapruba sa pagpili ng tamang pamilya para sa bata. Karaniwang tinatanong sa mag-aampon kung anong edad at gender ng batang nais ampunin. Dito rin tinatanong sa mag-aampon kung handa ba silang mag-ampon ng batang may kapansanan o developmental delay.
Pagkatapos makahanap ng tugmang pamilya at bata, ihahanda na ang placement o paglalagay sa bata sa napiling pamilya. Kapag naaprubahan na ng DSWD, magkakaroon ng Pre-Adoption Placement Authority para ilipat ang parental responsibility at karapatan sa mga magulang na mag-aampon. Ito na rin ang simula ng supervised custody.
Supervised trial custody sa loob ng 6 na buwan.
Ito ang panahon kung saan naka-monitor ang pamumuhay ng bata sa ilalim ng kaniyang bagong magulang. Dito titingnan ang emosiyonal na aspeto. May mga buwanang pagbisita ang social worker sa bahay kung saan kukumustahin ang kalagayan ng bata. Lahat ng ito ay nakatala.
Pagkalipas ng 6 na buwan, ang Consent to Adopt ay dapat ibigay ng DSWD. Kung ang batang inaampon ay illegitimate child ng kaniyang biological parents, hindi na kailangan ang Consent to Adopt.
Kailangang magsumite ng petisyon para sa pag-aampon, sa Family Court ng munisipyo, lungsod o probinsiya, upang gawing opisyal ang pag-aampon. Ang mga abugado ang mag-aasikaso nito. Didinggin naman ito ng korte.
Pagkatapos ng lahat, saka pa lamang mapagtitibay ang decree of adoption.
Aayusin na ang amended certificate of birth galing sa Civil Registry. Dito na ilalagay ang bagong pangalan o bagong apelyido. Ang naunang birth certificate ng bata ay mawawalan na ng bisa.
Ang pagpa-file ng Petition of Adoption ang huling hakbang sa proseso. Dito pa lang matatawag na kanilang anak ang batang inampon.
Halimbawa ng mga artistang tulad nina Angelina Jolie, Nicole Kidman, Cate Blanchett, Charlize Teron, o dito sa atin tulad nina Sharon Cuneta-Pangilinan at Judy Ann Santos, hindi na bago at hindi na ipinaglilihim ang pag-aampon.
Sa paglipas ng panahon, ang dating napakasensitibong paksa ng pag-aampon, o pagiging ampon ay tanggap na ngayon lalo sa kulturang Pilipino. Sa maraming sitwasyon, ang pag-aampon ay tinitingnan na pagtulong sa mga batang wala nang magulang o inabanduna, o ipinasa ng mga biological parents na hindi pa handa sa pagiging magulang.
Malalim at hindi basta basta maipapaliwanag ang mga dahilan kung bakit nga ba. Pero hindi na iyon mahalaga. Ang mahalaga ay ang makapagbigay ng ligtas at maayos na buhay sa lahat ng bata. Maiging alam natin ang mga pagdadaanan upang mapag-isipang mabuti kung handa nga ba sa isang malaking hakbang na makapagbabago ng buhay ng isang bata.
sources: “Department of Social Welfare and Development | LOCAL ADOPTION: REQUIREMENTS AND PROCEDURES” Dswd.gov.ph. Retrieved 2013-12-14, Sta. Maria, Jr., Melencio S. (2015). Persons and Family Relations Law. Manila City: REX Book Store. p. 722, Child and Youth Welfare Code, Article 33
BASAHIN: Paano nga ba makakamit ang pangarap na bahay? Narito ang mga paraan