Si Ivy ay isang stay-at-home wife at nanay ng isang 4 na taong gulang na batang lalaki. Narito ang kuwento niya tungkol sa mga “advanced children.”
Isa sa mga bagay na nadiskubre ko tungkol sa pagiging nanay ay ang pagkakaroon natin ng kultura kung saan ang pagiging “advanced” ng isang bata pagdating sa development ay siyang hinahangaan at inilalagay sa pedestal. Nung si Timmy ay isang taong gulang, may isang local TV show na nagpakita ng isang 2 taong gulang na “genius” na kayang magsulat at magbasa na parang 5 taong gulang. Tinawagan pa ako ng Mommy ko at sinabing panoorin ko raw, dahil baka ganoon si Timmy. Kahit alam kong ikinatutuwa lang ng Mommy ko ito at maganda ang intensiyon niya, nabahala ako.
Alam ko namang kakaiba at nakakabilib nga ang batang iyon. Pero para sa ibang mga magulang, nakakadagdag ito ng pressure na hindi naman kailangan na, sa dami ng pressure na mayro’n sa pagiging magulang. Naalala ko na nakaramdam ako ng pakikipagkompetensiya noon. Kaya lang, habang pinapanood ko ang anak ko na naglalaro, dinidiskubre ang paligid niya, naglalakad, at gumagapang, tinanong ko sa sarili ko, “Gusto ko ba talagang guluhin pa ang masayang mundo ng anak kong 2 taong gulang lang?” Kailangan ko bang patunayan pa na “genius” siya? Kaya’t nagdesisyon ako na hayaan siya at huwag magpa-apekto sa nakita ko sa TV.
Bilang magulang, gusto natin na magtagumpay ang mga anak natin sa buhay. Naisip ko na ang “success” ay walang isang depinisyon. Ano nga ba ang gusto natin para sa mga anak natin? Proud naman ako sa anak ko, at sa lahat ng nagagawa niya—maliit man o malaki. Pero naisip ko din na hindi naman niya kayang gawin lahat sa edad na ito
Advanced, pero hindi gaano
Advanced man si Timmy sa pagbabasa, hindi pa rin siya nakakapagkulay ng nasa linya at hirap pa rin siyang gumamit ng gunting. Kung anumang big words o mahihirap na salita ang alam niya ngayon, makakaya na rin itong basahin ng mga batang ka-eded niya paglaki din nila. Sunod pa rin ng curriculum guide na gamit namin mula sa Department of Education (DepEd), kaya’t papantay pa rin sa iba, di ba?
Maaari ding mabilis siya matutong magsulat, at mabilis na nakakasulat ng mga titik at salitang naiisip niya, pero hindi siya nagdo-drawing ng mga stick people, kotse, o bahay, tulad ng ibang batang lalaki. Maituturing siyang “unconventional” sa maraming paraan, tulad ng pagpili niya ng bond paper kaysa papel na may linya kapag magsusulat, o colored pen kaysa lapis, o pintura kaysa crayon—at para sa akin, ginagamit ito ng Diyos para tanggalin ang pagtingin namin sa mga conventional na pagkatuto ng isang bata, at mas intindihin at unawain ang interes niya, kaysa kung ano ang sinasabi ng tradisyonal na eskwelahan at pagtuturo.
Mahilig si Timmy sa numbers at nakakabasa siya ng mga numbers hanggang libo. Gusto rin niya ng skip counting ng even at odd numbers. Interesado siya sa numbers—nakakamemorya pa nga siya ng car license plates! Pero hindi siya maingat sa pagbibilang. Nalilito na siya kapag nagbibilang dahil nagiging masyadong excited. May nalalaktawan siya kapag tumuturo sa mga bagay na binibilang niya, kaya’t kailangang paalalahanan siya na bagalan ang pagbilang. “Slowly, slowly, slowly, like a sloth” sabi nga ni Eric Carle.
Kailangan ko ng God’s grace para patuloy na maalala na anak ko ang tinuturuan ko, hindi estudyante. Ito siguro ang dilemma ng mga homeschooling moms—ang balansehin ang pagiging magulang at teacher. Araw araw ay kailangan kong maalala na ang interes niya ang pangunahin, at ito ang dapat kong springboard para turuan siya at magkaintindihan kamy nang mas maayos.
Kailangan ko ding maalala na 4 na taong gulang lang siya, at may mga bagay na dapat niyang matutunan sa edad na ito, pero hindi kailangang labis labis. Hindi dapat madaliin at ibuhos lahat nang sabay sabay. Mahalaga ang makapag-enjoy pa rin siya sa age at stage na ito, dahil mabilis siyang lumalaki, at mabilis ang panahon. Hindi ibig sabihin ay lilimatahan ko ang pagtuturo. Sensitibo pa rin ako sa kailangan niya, at kung ano na ang kaya niya at kakayanin pa. Siya din ang makapagsasabi kung ano ang gusto niyang malaman at kung mabilis ang pagkatuto niya. Ganon din kung masyado bang mabilis at nalilito na siya.
Ano nga ba ang mahalaga?
Hindi ako eksperto sa usapang “parenting.” Apat na taon pa lang naman ako nagiging nanay. Tuwing tumatanda si Timmy, panibagong bagay ang natututunan ko tungkol sa kaniya, at sa sarili ko. Katulad na lang nung naging 4 na taong gulang siya—excited ako na madiskubre at maramdaman ulit kung pano nga ba maging 4 years old. Paulit-ulit din akong tinuturuan ng Diyos na maging pasensiyosa at malumanay sa bata; pakinggan ang mga sinasabi ng anak ko at maging interesado sa mga kuwentong bata niya; at makisabay sa interes niya para may matutunan ako tungkol sa nag-iisa kong anak; magkaron ng oras para sa kaniya; at higit sa lahat, maturuan si Timmy na maging malapit sa Diyos.
Hindi ako naging magulang para magpalaki ng anak na genius. Napakaraming bagay ang mas importante kaysa sa pagtuturo ng academic lessons. Ang values at life skills na kailangan ng ating mga anak ay mas matimbang kaysa ang matutunan ang 3 R’s (Reading, wRiting, at aRithmetic). Matututunan din naman nila ang 3 R’s pagtagal, lalo sa eskwela. Pero ang pagbuo ng karakter at ugali ay ibang salaysayin. Kailangan nating maging intensyonal pagdating sa pagtuturo ng values dahil mas importante ito kaysa academics, kapag haharapin na nila ang buhay nang wala si Mommy at Daddy.
Hindi na nila maalala kung magaling siya sa math, kung mahirap naman siya katrabaho o kasama paglaki niya. Walang makikinig sa sasabihin niya kung mayabang siya o matapobre. Matalino at talentado nga, pero mahirap naman kasama at hindi nakikinig sa ideya ng iba. Emotional Intelligence o EQ na ang pinapahalagahan ng mga kompanya ngayon, kaysa IQ, dahil madali namang matutunan ang kakayahan. Ang pakikitungo sa kapwa ang maaalala ng mga tao, hindi ang grade mo sa school.
Ang isang teachable student ay manggagaling lang sa isang teachable heart. Kung ang anak ko ay hindi matuto ng pagkamasunurin at respeto, hindi rin siya makikinig sa akin. May mga values na kailangan niyang ma-develop bago siya makaintindi ng fractions o geography. Kailangan niyang matutunan ang patience, perseverance, hard work, honesty, humility, at marami pang iba, para makatulong sa pagkatuto niya hindi lang ng academics kundi pati mga pagsubok sa buhay. Ang life skills ay natututunan nang mas madali kung may matibay na pundasyon sa values.
Halimbawa na lang, ang pagliligpit ng mga laruan ay kinailangan ng paulit-ulit na pakikipag-usap at pagpapakita ng example kay Timmy, bago niya tuluyang natutunan. Mahalaga din ang pagtulong niya sa mga gawaing bahay tulad ng pagpupunas ng mesa at pagpupunas ng nahugasang pinggan o pinagkainan. Matagal—at makalat sa umpisa, pero kapag nakikita ko siyang proud at masayang ipinapakita ang nagawa niya, nakakataba ng puso. Kagabi lang, pagkapanaog niya sa tinutungtungan na silya (hindi pa kasi niya abot ang lababo) pagkahugas ng pinggan, sabi niya, “Thank you for helping me wash the dishes!” Para bang gawain niya talaga iyon at ako ang tumutulong sa kaniya!
Ang mga maliliit na bagay na iyon ang nakakatulong sa mga transition niya sa pagkatuto tulad ng “Halika, magbasa tayo!” “Oras na para magsulat!” at “Magbilang tayo!” Dahil sa marunong siyang sumali at makiisa sa mga non-academic na bagay, madali siyang napapagawa ng mga homework niya. Maraming pwedeng matutunan ang mga bata. Kahit tayong mga adults ay may natututunan araw araw. Kaya naman bakit pa magpapaka-stress sa pagpapagawa ng napakaraming bagay nan tama kaagad? Bakit pa kailangang maging una siyang matuto ng mga skills kaysa ibang bata?
Sa huli, hindi mahalaga kung advanced ba ang anak mo o delayed; o kung ilang degree ang matatapos ng anak ko sa kolehiyo; o ilang award ang nahakot niya pagka-graduate niya. Mas nanaisin ko pang bilangin ang mga taong natulungan niya at napahalagahan niya, at kung ilang ang sumusunod sa integridad ng gawain niya. Hindi mahalaga kung nauna kang nakatapos. Ang mas mahalaga ay kung natapos mo nang maayos ang buhay mo, at naging mabuti kang tao hanggang sa huli.
Naalala ko ang Dad ko noon, kapag nakakakita ng driver na nag-oovertake sa kalye: “Okay lang yan, sabay sabay din tayo sa dulo ng stoplight. (That’s okay, we’ll all meet at the stoplight anyway.)” Ganon din sa pagiging “advanced”. Lahat naman ng bata ay dadating din sa paroroonan. Ang tanong: magiging responsable ba silang adults? Sila ba ay lalaking may takot sa Diyos? at may integridad? Magiging makatao, matulungin at mabuti ba sila sa kapwa?
Walang masama, bagkus nakakatuwa naman talaga kapag may anak kang “advanced” lalo sa academics. Pero huwag lang kakalimutan na ang i-advance din ang kaalaman nila tungkol sa mga bagay na importante. Bigyan natin sila ng headstart sa values at character building, dahil ito ang foundational life skills na kailangan nila para mabuhay nang maayos sa mundo. Ako man ay patuloy pa ring natututo tungkol sa buhay magulang at buhay pamilya, kaya alam kong marami pang kailangang pagdaanan ang anak ko—at ako. At yun naman ang kagandahan ng pagiging magulang—sabay kayong natututo ng anak mo—at hindi ito tumitigil.
Isinalin sa wikang Tagalog ni ANNA SANTOS VILLAR mula sa
https://ph.theasianparent.com/why-being-advanced-doesnt-really-matter
Article republished with permission from: thevinethatwrites