African swine flu in the Philippines nasa processed meat narin na paboritong ulam ng mga bata sa umaga tulad ng hotdog, tocino at longganisa.
African swine flu in the Philippines
Ito ang impormasyong laman ng isang leaked clinical laboratory report mula sa Bureau of Animal Industry Veterinary Laboratory Division na kung saan ang ilang importanteng detalye ay sinadya munang takpan.
Kahapon ay kinumpirma naman ng Department of Agriculture ang nakasaad sa dokumento na kung saan may tatlong meat products ang nag-positibo sa African swine fever o ASF. Ang mga meat products na ito ay longganisa, tocino at hotdog na nakuha umano sa isang pasahero sa Mindoro port. Ayon sa pasahero ay nabili niya ang mga meat products sa Central Luzon na kung saan una ng naibalitang positibo ang karamihan ng mga baboy sa sakit.
“According to the person, nabili sa Central Luzon. Local pork. This shows that ‘yung mga pork products ay galing sa mga ASF-affected areas sa Luzon na naibenta, na-processed ng medium-scale enterprises.”
Ito ang pahayag ni Department of Agriculture Spokesperson Noel Reyes sa isang panayam.
Hiniling naman ng consumer advocacy group na Laban Konsyumer Inc. at Philippine Association of Meat Processors Inc. (PAMPI) na pangalanan na ng ahensya ang may-ari o brand name ng nasabing meat products na nag-positibo sa ASF. Ito ay para hindi na ito bilhin pa ng mga consumers at hindi na maapektuhan pa ang buong industriya ng processed meat products.
Nanawagan din si Senator Francis Pangilinan sa Department of Industry (DTI) at Department of Agriculture (DA) na pangalanan at tanggalin na sa pamilihan ang mga nasabing meat products. Ito ay para mawala na ang pagkabahala ng mga consumers sa pagbili ng processed meat products.
Pahayag ng DOH
Samantala, nanindigan naman ang Department of Health (DOH) na ligtas ang pagkain ng karne ng baboy at wala daw dapat ipagalala ang publiko sa naiulat na balita. Sila ay kasalukuyan ring nakikipag-coordinate sa mga ahensyang may kaugnayan sa balita para sa dagdag na impormasyon.
“We want to coordinate with them para po iyong ating communication, messaging e pare-pareho, accurate at hindi po nakakagulat masyado, nakakatakot lalo na kung ganito pong wala namang threat to human health.”
Ito ang pahayag ni DOH Undersecretary at Spokesperson Eric Domingo sa isang panayam sa radyo.
Dagdag pa nito ay inulit ni Domingo na wala dapat ikatakot ang publiko sa pagkain ng karne ng baboy o processed meat products nito dahil hindi naman nakakaapekto sa tao ang ASF.
“Wala po dapat ikatakot at all ang mga kumain ng produktong ito dahil sa kalusugan po ng tao, wala talaga siyang epekto.”
“Ito po ay completely safe. Wala po syang epekto sa kalusagan ng tao, it is safe for human consumption, sa human health wala po syang threat ito pong virus na ito, naapektuhan lang po nito ay mga baboy; ang mga tao…completely wala po itong apekto sa atin.”
Ito ang dagdag pang pahayag ni Domingo.
Source: Inquirer News, Remate, Rappler, ABS-CBN News, GMA News
Basahin: DOH: Lutuing mabuti ang karne ng baboy