Limang bata ang patay at apat na iba pa ang sugatan matapos ang aksidente sa bouncy castle, Tasmania, nitong Huwebes, ika-16 ng Disyembre.
Mababasa sa artikulong ito:
- Aksidente sa Bouncy castle
- Safety tips kapag naglalaro ang bata sa bouncy castle
Aksidente sa Bouncy castle
Ayon sa pulisya, ang aksidente ay sanhi ng pagbugso ng malakas na hangin. Ang mga bata ay nahulog mula sa 10 metro na taas.
“A wind gust had reportedly caused the jumping castle and inflatable balls to lift into the air,”
Mabilis na dumating ang Paramedics at binigyan ng paunang lunas ang mga bata bago isakay sa helicopter patungo sa ospital. Apat na bata ang una nang idineklarang dead on arrival at ang ikalima ay namatay sa ospital.
Napag-alamang ang mga batang nasawi ay nasa ika-6 na baitang na may edad na 10 hanggang 11 na gulang.
Inilarawan ng Prime Minister na si Scott Morrisson ang aksidente sa bouncy castle bilang “unthinkably heartbreaking”.
“Young children on a fun day out… and it turns to such a horrific tragedy. At this time of the year, it just breaks your heart.” dagdag niya.
Nagbigay din siya ng mensahe ng pakikiramay sa mga pamilya ng mga batang nasawi.
“Our hearts are breaking for the families and the loved ones, schoolmates, teachers of these young people who were taken too soon.”
Samantala, agad namang inalerto ang mga magulang kasunod ng insidente.
Sa ulat ng isang local newspaper, ang paaralan ay dati nang nag-install ng naturang bouncy castle nang walang naging problema at aksidente.
Ayon sa mga magulang na may anak na nag-aaral sa parehong paaralan, ito ay isang hindi inaasahang pangyayari.
“You wouldn’t dream a fun activity day would end like this. We all feel so heartbroken for the parents involved. And feel guilty that we are also relieved our children were not injured.”
Kasalukuyang iniimbestigahan ang aksidente sa bouncy castle ng pulisya.
Mayroon nang mga naunang insidente ng pagkamatay sanhi ng bouncy castle. Noong 2019, dalawang bata ang namatay at 20 iba pa ang nasugatan sa isang katulad na aksidente sa China.
Isang taon bago nito, isang batang babae naman sa UK ay nasawi rin matapos maglaro sa bouncy castle.
Samantala sa Summer Grant, Norwich, dalawang fairground worker ang nakulong matapos masawi ang pitong taong gulang na bata matapos sumabog ang bouncy castle dahil sa kapabayaan ng dalawa.
Safety tips kapag naglalaro ang bata sa bouncy castle
Upang maiwasan ang aksidente sa bouncy castle, mainam na tandaang ang mga sumusunod bago gamiting ito.
- Kapag ginagamit ito sa labas, ang lahat ng mga anchor point ay dapat gamitin na may metal ground stakes na hindi bababa sa 380 mm ang haba at 16 mm ang lapad, na may isang bilugan na tuktok. Dapat ito ay magkaroon ng welded metal na ‘O’ o ‘D’ sa dulo.
- Lahat ng inflatables ay dapat mayroong hindi bababa sa 6 na anchor point. Ito ay ipaaalam sa iyo ng manual operator – tiyaking nasa lugar pa rin ang mga ito at hindi pa naaalis.
- Kung hindi magagamit ang ground stakes dahil sa ibabaw (hal. tarmac) maiging gumamit ng ballast na may timbang na hindi bababa sa 163 kg at may angkop na fixing upang ikabit ang mga lubid. Ang inflatable ay dapat na mahigpit na nakadikit sa lupa upang ang hangin ay hindi makapasok sa ilalim nito at maiangat ito.
- Kung ang inflatable ay ginagamit sa loob ng bahay, itanong sa manual operator kung anong anchorage ang kailangan upang mapanatili ang hugis ng device at maiwasan ang pagbagsak nito.
- Hindi dapat gumamit ng inflatable kung ang hangin ay higit sa 24 mph.
- Ang ilang inflatables ay maaaring magkaroon ng lower maximum wind speed para sa operasyon. Palaging suriin ang operating manual upang makumpirma ang maximum wind speed para sa mas ligtas na operasyon ng inflatable.
- gumamit ng anemometer upang masukat ang bilis ng hangin. Kung ito ay hindi angkop, ang inflatable ay hindi dapat gamitin.
- Siguraduhing walang butas ang inflatable
- I-check din ang iba pang kagamitan na gagamitin gaya ng blower.
Source:
BBC News, Health and Safety Executive