Isang dalagita na mukhang bata ang nag-viral sa social media. Habang ang iba ay abala sa paggamit ng filters pampabata, si Alexandra Siang ay hindi kinakailangan ang mga ito. Para sa kanyang edad na 14 na taong gulang, mapagkakamalang bata si Alexandra na galing sa Lana, Davao City.
Alexandra Siang
Maliit ang mga kamay at paa ni Alexandra Siang. Maliit din ang boses nito kaya’t sa isang tingin ay hindi aakalaing siya ay 14 na taong gulang na. Ang tanging nagpapahiwatig sa kanyang itsura sa kanyang edad ay ang hubog ng kanyang katawan.
Sa kanyang height na 4 feet 6 inches, may mga nag-aakala pa na siya ay nasa Grade 1 pa lamang. Siya rin ay minsang ikinakagulat ng mga jeepney drivers at tinatanong kung magbabayad ba. Hindi rin siya pinapayagan sa zipline kahit pa puwede na talaga ang kanyang edad.
Dahil dito lagi siyang nagdadala ng ID kung saan makikita ang tamang edad.
Kahit wala sa itsura, si Alexandra ay isang tipikal na teenager. Mahilig ito mag-post ng mga litrato at videos sa social media. Nais din nito na maging modelo ngunit nababahala dahil sa kanyang tangkad.
Si Alexandra ay pangalawa sa limang magkakapatid. Ganon pa man, siya ay laging napagkakamalan na bunso.
Ang kanyang mga nakakabatang kapatid ay lagi parin handa siyang ipagtanggol sa mga nagaakalang siya ang bunso. Ang nanay niyang si Jean Siang at tatay na si Alexander Siang ay lagi ring nandyan para suportahan si Alexandra. Ang kanilang payo na huwag pansinin ang mga namimintas ang hindi nawawala sa isip ng dalaga.
Bullying at cybercrime
Dahil sa kanyang itsura, hindi nawawala ang mga nambu-bully sa kanya. Umabot na nga raw sa punto na ayaw niya nang pumasok sa paaralan dahil sa mga nambu-bully sa kanya.
Ganito rin ang nangyayari sa mga viral na litrato ni Alexandra. Ang kanyang mga litrato ay may natatanggap na iba’t ibang kumento, May mga nagsasabi na siya raw ay gumamit ng filter, nagpa-stemcell, at nagpaayos sa Thailand. Mayroon pang nagsabi na hindi siya ang nasa larawan at Indonesian raw talaga ito.
Sa payo ng kanyang mga magulang, hindi pinapansin ni Alexandra ang mga nambu-bully sakanya. Sa kabutihang palad, nandyan din ang kanyang mga kaibigan na tinutulungan siya sa tuwing may mga namimintas sa kanya.
Ngunit, may mga gumagamit ng litrato ni Alexandra at ine-edit upang gawing malaswa. May mga kumuha rin ng kanyang videos sa kanyang account sa app na Tiktok at pinopost sa Youtube sa pagpapanggap na sila ang dalaga.
Ayon kay Asec. Allan Cabanlong ng DICT Cybersecurity Division, ang ginagawang pagkuha ng mga litrato ni Alexandra at pag-edit nito upang gawing malaswa ay tinatawag na data interference. Ito raw ay isang krimen at maaari silang maparusahan ayon sa kanilang ginawa.
Kalusugan ni Alexandra
Nai-kwento ng nanay ni Alexandra na ang dalaga raw ay dati nang nagka-cancer. Nuong siya ay limang buwan pa lamang ang edad, siya ay nakitaan ng stage 2 langerhans cells histiocytosis (LCH). Siya ay pitong buwan pa lamang siya nang siya ay sumailalim sa chemotherapy.
Sa pagkaka-alala ng nanay ni Alexandra, nasabi sakanya ng duktor na ang gamot na gagamitin ay maaaring maka-apekto sa pagiisip o paglaki ng bata.
Kasama ng Kapuso Mo, Jessica Soho ng GMA-7, pinasuri si Alexandra kay Dr. Cheryl Lyn Diez, isang pediatric hematologist/oncologist. Ayon sa duktor, ang mga maaaring dahilan kung bakit tila hindi tumatanda si Alexandra ay hindi dahil sa chemotherapy.
Maaaring ito raw ay dahil sa genetics ng dalaga o kaya naman ay dahil sa LCH na tinitira talaga ang pituitary o hypothalamic area ng tao.
Para kay Alexandra, walang taong perpekto, lahat ng tao ay iba-iba at hindi dapat pinagkukumpara sa isa’t isa. Nag-iwan din ang dalaga na ng mensahe para sa mga katulad niyang mabababa ang height, “Cute talaga tayo.”
Source: GMA Network
Basahin: STUDY: Mas mabilis maglakad, mas mahaba ang buhay