Bakit ba nakaka-adik ang amoy ng baby? Alamin ang kasagutan rito.
Mababasa sa artikulong ito:
- Ano ang sanhi ng kakaibang amoy ng mga newborns?
- Ito ang dahilan kung bakit gustung-gusto mo ang amoy ng baby, ayon sa science
- Alam rin ba ni baby ang amoy natin?
Bangong-bango ka ba sa amoy ng iyong sanggol? Hindi ka nag-iisa!
Kahit sino sigurong magulang ang iyong tatanungin, lalo na ang mga mommy, gustong-gusto nila ang amoy ng kanilang baby. Minsan nga, kahit hindi magulang, talagang gustong amoy-amuyin ang bunbunan o maging leeg ng isang bagong panganak na sanggol.
Ngunit alam niyo ba na mayroon palang explanation dito ang siyensiya? At talagang nakakagulat ang dahilan!
Saan galing ang napakabangong amoy ng baby?
Bago tayo pumunta sa kung bakit nakakahumaling ang amoy ng baby. Marahil ay nagtataka ka rin kung ano nga bang ang sanhi ng kakaibang amoy ng isang bagong panganak na sanggol.
Bagama’t walang eksaktong sagot kung saan ito nanggagaling, mayroong mga teorya tungkol dito.
Lahat ng naranasan nang manganak ay makakapagsabi na ito ay makalat. ‘Pag labas ng iyong anak, hindi mo siya gugustuhing hawakan agad dahil matapos ang siyam na buwan na palutang-lutang sa amniotic fluid, nababalot pa si baby ng tila isang puting madulas na substance o film na tinatawag na vernix caseosa.
Ayon sa mga teorya, ang mga fluid na ito ang nagdudulot ng nakaka-adik na amoy ng mga bagong panganak na sanggol. Ayon sa mga eksperto, nananatili ang amoy na ito sa buhok at balat ng sanggol.
Ito rin ang dahilan kung bakit ilang linggo lang nagtatagal ang amoy na ito ng newborn. Dahil unti-unti itong nawawala kapag napapaliguan na siya nang mas madalas.
Sa isang pag-aaral noong 2019, ipinagkumpara ang amoy ng amniotic fluid at amoy ng ulo ng isang newborn. Napag-alaman na bagama’t may pagkakapareho ang amoy ng dalawa, mas distinct at kapansin-pansin talaga ang amoy ng bagong silang na sanggol. Sapagkat mas marami itong chemical elements.
Hanggang kailan nagtatagal ang amoy ng baby?
Ayon naman kay George Preti, PhD, isang analytical chemist sa Monell Chemical Senses Center, isa pang posibleng panggalingan ng kakaibang amoy ni baby ay ang kaniyang sweat glands. Oo, pawis na lang ni baby, napakabango pa.
Aniya, ang amoy na ito ay tumatagal lang ng hanggang anim na linggo. Sapagkat nagbabago ang metabolism ng sanggol kapag nagsimula na silang kumain o dumede. Sa halip na kunin ang mga nutrients mula sa umbilical cord.
Pero kung ano man ang nagdudulot ng kakaibang amoy ng sanggol, talaga namang tumatatak ito sa lahat. Lalo na sa kaniyang ina.
Sa katunayan, ayon sa isang pag-aaral, 90 porisyento ng kababaihan ay kayang matukoy ang kanilang baby sa loob ng 10 minuto dahil lamang sa amoy nito.
Bakit gustong-gusto ng mga mommy ang amoy ng baby?
Sa sobrang pagkahumaling natin sa amoy ng ating sanggol. Minsan nasabi mo na ba na gusto mong ipunin at ibote ito?
Pero ano nga ba ang dahilan kung bakit hindi mapigil ang mga nanay sa pag-amoy sa kanilang baby?
Ayon sa isang pag-aaral noong 2013, ang amoy ng baby ay nagti-trigger ng dopamine pathways sa bahagi ng ating utak. Ibig sabihin ay tumataas ang levels ng dopamine ng ating katawan. Ang dopamine ay ang tinatawag na “happy hormone” na nagpapaganda ng mood ng mga tao.
Ang epekto ng amoy ng baby sa dopamine pathways ng ating utak ay pareho rin kapag nakakaamoy o nakakakain tayo ng masarap na pagkain.
Nakaka-adik ang amoy ni baby!
Talagang matindi ang koneksyon ng amoy ng baby sa dopamine pathways ng kaniyang ina. Sa katunayan, sa isang ulat ng Smithsonian Magazine, nang ipaamoy sa isang grupo ng kababaihan ang pajamas ng sanggol, naitalang tumaas ang dopamine pathways ng mga babae, at lalo pa para sa mga ina.
Naisip mo na ba na nakakaadik ang pag-amoy sa iyong sanggol? Ito ay dahil pareho ang surge o pagtaas ng dopamine levels ng paggamit ng droga sa pag-amoy sa ating baby.
Kung ang epekto ng dopamine sa mga drug users ay hinahanap-hanap nila ang ipinagbabawal na gamot. Ang amoy ng baby ay isang rason kung bakit gusto natin na lagi tayong malapit sa ating sanggol.
Ayon sa mga researcher, ito raw ay ang paraan upang lalong mapalapit ang mga ina sa kanilang mga sanggol. Malaki ang tulong nito pagdating sa pag-aalaga ng bata, at sa breastfeeding.
“These results show that the odor of newborns undoubtedly plays a role in the development of motivational and emotional responses between mother and child by eliciting maternal care functions such as breastfeeding and protection,”
ani Johannes Frasnelli, isang postdoctoral researcher at University of Montreal’s Department of Psychology, kung saan isinagawa ang isa sa mga pag-aaral.
Dagdag pa nila, bahagi raw ito ng evolution ng mga tao, at ang pagkakaroon ng bond ng mga sanggol at kanilang mga ina ay nagsilbing paraan upang masiguradong maaalagaan at mapoprotektahan ang mga sanggol.
Sa madaling salita, ang napakabangong amoy ni baby ay nakakatulong para manatili siyang ligtas at nasa ilalim ng pangangalaga ng kaniyang ina. Gayundin, ang epekto naman nito kay mommy ay natutulungan siyang mag-relax.
Pwede ba itong maging gamot sa depression ng isang ina?
Sa sobrang ganda ng epekto ng amoy ng baby sa isang ina, may mga grupo na nag-iimbestiga kung ang amoy ng sanggol ay maaaring gamitin para gamutin ang mental health disorders.
Pinag-aaralan ng mga researchers sa Department of Clinical Neuroscience sa Karolinska Insitute sa Stockholm kung ang amoy ba ni baby ay maaaring maging gamot sa depression.
Dahil dito, ang researchers ay nabigyan ng karagdagang funding para gawing ang eksperimentong ito sa mga lalaki. Pero malakas ang paniniwala nilang pareho lang ang magiging resulta nito ano pa man ang gender ng aamoy.
Sa kabila ng masusing pag-aaral na ito, hindi pa rin nila natutukoy kung ano ba talagang nagdudulot ng kakaibang amoy na ito. Ayon sa pag-aaral, naitala ang halos 150 uri ng chemicals sa body odor ng newborns. Pero tinitingnan pa nila kung alin sa mga ito ang nagsasanhi ng reaction.
Matagal pa ang kahihinatnan ng pag-aaral na ito. Pero layon ng grupo na ma-“capture” ang amoy na iyon ng baby para magamit bilang gamot sa mental illness tulad ng depression.
BASAHIN:
How to keep your smelly little toddler smelling fresh and clean!
LIST: Best baby wash for newborns in the Philippines at kung magkano ito
Ganito rin kaya ang nararamdaman ni Daddy?
Natural lang na hardwired ang mga babae na tumugon sa pangangailangan ng kaniyang sanggol. Kaya naman hindi nakapagtataka na makikilala ng isip ni mommy ang amoy ng kaniyang baby. Pero paano naman si Daddy? Mayroon ba itong epekto sa kaniya?
Ayon sa isang pag-aaral na isinagawa noong 2008 (sa mga unggoy pa lamang), ang amoy ng kanilang anak ay nagdudulot ng mas mababang testosterone levels sa mga kalalakihan.
Ang testosterone ang pinakamarami o pinaka “potent” na male hormone sa mga mammals, kabilang na ang mga tao. Ito ang hormone na may kaugnayan sa male characteristics.
Tulad ng muscle mass, strength, fat distribution, bone mass at maging sex drive ng mga lalaki. May mga pag-aaral na nagsasabing ito ang dahilan ng pagiging agresibo ng mga kalalakihan.
Base sa pag-aaral, ang pagbaba ng testosterone level ng ama kapag naaamoy niya ang kaniyang sanggol ay maaaring mangahulugang nagiging mas “tolerant” o nagiging mas magiliw ang isang lalaki kapag naaamoy niya ang kaniyang anak.
Sa ngayon, wala pang nagawang malaking pag-aaral sa mga ama. At kung nakikilala ba nila ang kanilang mga sanggol gamit ang amoy.
Ngunit naniniwala ang mga researcher na malaki ang posibilidad na nagbibigay rin ng dopamine sa mga ama ang pag-amoy ng kanilang mga baby.
Kilala rin ba ni baby ang amoy ni Mommy?
Pero hindi lang naman tayo ang nahuhumaling sa amoy ng ating anak. Sa katunayan, ayon sa mga pag-aaral, nakikilala agad ni baby ang amoy ng kaniyang ina sa mga unang araw niya sa mundo.
Ayon kay Jessica Madden, M.D., isang pediatrician at neonatologist sa Rainbow Babies and Children’s Hospital sa Cleveland, Ohio, nasa loob pa lang sila ng ating tiyan ay inaaral na ni baby ang ating amoy.
“Their sense of smell develops early on during pregnancy, and the first smell babies are exposed to is the odor of their mothers’ amniotic fluid,” aniya.
Ilang araw matapos mo siyang ipanganak, kabisado na ni baby ang amoy mo. Ayon sa mga pag-aaral, pagdating ng ikatlong araw, makikilala na niya ang amoy ng iyong gatas. Kumpara sa breast milk ng ibang ina, at syempre ito ang mas pipiliin niya.
Bukod dito, ang amoy ng iyong gatas ay mayroong calming effect sa iyong anak. Kaya naman mahalaga ang skin-to-skin contact matapos mong mapanganak ang iyong sanggol para makilala niyo ang amoy ng isa’t isa at mapagtiba ang inyong bond.
Karagdagang ulat ni Camille Eusebio
Source:
Motherly, Healthline, What to Expect