Alamin kung bakit nagdesisyon si Amy Perez na magbakasyon sa gitna ng pandemya.
Mababasa sa artikulong ito:
- Amy Perez, nagbakasyon sa Bohol
- Kaniyang dahilan kung bakit nagpahinga ng sandali
Lahat naman tayo ay nakaranas ng mga hirap at pagsubok ngayong pandemya. Pero iba ang hirap na pinagdaraanan nating mga ina.
Bilang ilaw ng tahanan, ginagawa natin ang lahat ng ating makakaya upang masigurong maayos ang lagay ng ating pamilya. Inuuna natin ang kanilang kapakanan sa lahat ng oras. Kaya hindi natin namamalayan na nakakaligtaan na natin ang ating mga sarili.
Ganito ang ibinahagi ng premyadong TV host na si Amy Perez sa kaniyang YouTube vlog na pinamagatang, “Why I Had To Take a Break?”
Amy Perez, nagbakasyon sa Bohol kasama ang barkada
Sa kaniyang huling vlog ay ipinakita ni Tiyang Amy ang kaniyang pinakahuling bakasyon sa Bohol kasama ang kaniyang tatlong kaibigan na pawang mga mommies rin.
Kitang kita ang excitement ng mga mommies sa kanilang “Just Us No Kids” vacation upang makapagpahinga. Mula sa kanilang experience sa airport hanggang makasakay sa eroplano at makalapag ito sa Bohol, nagbigay si Amy ng Tiyang’s Travel Tips para sa mga may balak na ring magbakasyon sa mga susunod na araw.
Ipinakita rin sa video ang napakagandang isla ng Bohol, pati na rin activities na ginawa ng barkada ni Amy habang nagbabakasyon sila. Halatang relaxation lang talaga ang habol ng mga nanay at ang makapiling ang kanilang mga kaibigan.
“Every nanay needs a break”
Sa isang bahagi ng kaniyang vlog, habang nagpapahinga mula sa pagsa-sightseeing at paglilibot sa Bohol, naisipan ng celebrity mom na ikuwento kung bakit naging mahalaga sa kaniya ang bakasyong ito at kung bakit nagdesisyon siyang magpahinga.
Gaya ng maraming ina ngayong pandemya, naramdaman ni Amy na parang napagod siya at maraming bagay siyang hindi naproseso dahil iginugol niya ang oras niya upang masigurong maayos ang kalagayan ng pamilya niya at ibang tao sa paligid niya. Subalit hindi niya namalayan na unti-unti na pala niyang napabayaan ang sarili niya.
“Since nagstart ‘yong pandemic, I was always making sure that everyone around me is okay. But I totally forgot about myself,” aniya.
Nang magsimula ang pandemic, naranasan rin ni Tiyang Amy na manatili sa bahay at maging hands-on mom sa kaniyang mga anak. Nakaramdam siya ng pagod, subalit hindi siya nagreklamo dahil masaya siyang makapiling ng matagal ang mga bata.
Hanggang sa oras na para lumabas siya at bumalik sa trabaho, kung saan nakaramdam naman siya ng takot. Pero hindi pa rin niya ito ininda at patuloy lang sa kaniyang responsibilidad.
“Nilalabanan ko lang ‘yong loob ko. Kahit anong takot, hindi ko sinasabi o hindi ko pinapahalata,” pag-amin ni Tiyang Amy.
BASAHIN:
Mommy, okay lang magpahinga! 7 senyales na ikaw ay burnout na
#NoMomLikeYou: Celebrity moms share the realities of parenting in a pandemic
Confessions of a Stay-At-Home-Mom: “I feel like I’m not doing enough”
“Nauubos na pala ako.”
Nawalan rin ng mahal sa buhay si Amy sa kalagitnaan ng pandemya. Namaalam ang kaniyang 98-anyos na lola. Bagama’t natanggap naman ni Amy na matanda na rin ito, inamin niyang hindi siya nakapagluksa ng maayos dahil nga sa kagustuhan niyang maibigay ang pangangailangan ng mga tao sa paligid niya.
“I was always there for everyone. Kapag tinawagan mo si Tyang Amy, laging may sagot, may maibibigay na solusyon, kasi that is my act of love,” aniya.
“Hindi ko naisip na slowly, nauubos na pala ako. Hindi ko napapansin na napapabayaan ko na ‘yong sarili ko, mental health ko. That is the reason that I want to take this break. Kasi kailangan kong harapin ‘yong sarili ko.
Sabi ng doktor, ‘Amy, you forgot about yourself. You forgot to love yourself. And at a certain point, parang nag-fail ako. Sa work, as a mom, as a wife, and up to now, ‘yon pa rin ang pina-process ko,” pag-amin ng celebrity mom.
Nakatulong naman ang bakasyon kay Amy dahil nabigyan siya ng pagkakataon na makapag-reconnect sa nature at pagnilayan ang mga bagay na dati’y inisasantabi lang niya dahil sa kaniyang mga responsibilidad.
Sa pagtatapos ng kaniyang vlog, nasabi niyang, “Thank you Lord for this much needed break!”
Dahil sa kaniyang post, maraming nanay ang naka-relate sa pinagdadaanan ni Tiyang Amy.
“Thanks for sharing. Hindi man tayo sobrang pareho ng pinagdadaanan, naramdaman ko sa vlog mo na hindi ako nag-iisa.” sabi ng isang netizen.
Naka-relate rin ba kayo, mommies? I-share niyo sa’min sa comments section.