Napapagod man at nahihirapan hindi umano bibitawan ni Andrew Schimmer ang natitirang pag-asa na gagaling ang kaniyang wife na si Jho Rovero.
Mababasa sa artikulong ito:
- Andrew Schimmer to his wife’s condition: “Kahit hindi kaya, tinatawid ko”
- Ama sa kaniyang mga anak: “Nadudurog ako. Ayaw kong tanggalin ‘yong hope sa kanila”
Andrew Schimmer to his wife’s condition: “Kahit hindi kaya, tinatawid ko”
Ibinahagi ni Andrew Schimmer sa interview ni Ogie Diaz ang kaniyang mga nararamdaman sa pinagdaraanan ng kaniyang wife na si Jho Rovero. Dumaranas kasi ng sakit na severe hypoxemia ang kaniyang asawa. Paralisado ito at walong buwan na sa ospital.
Bago raw nangyari ang sakit ng asawa ni Andrew Schimmer ay mahilig itong mag Tiktok. Kaya naman, ngayong nakaratay ito sa karamdaman ay inire-record nila ang progress ng pagpapagaling nito at ipino-post sa Tiktok.
“Para ‘pag okay na siya, nakakaupo na siya, nakakanood na siya, makikita niya ‘yong mga nangyari… Kung ano ‘yong mga naging progress. So, para maging special ‘yong memories sa kaniya.”
Larawan mula sa Facebook account ni Andrew Schimmer
Hindi rin daw inaasahan ni Andrew Schimmer na maraming makikisimpatya sa kalagayan ng kaniyang family. Marami daw ang nagpadala ng mensahe at mga dasal ng pagdamay.
Para kay Andrew Schimmer, makita niya lang ang kaniyang wife na tumingin nang diretso sa kaniyang mga mata ay malaking bagay na ito sa kaniya.
“Kung totoong mahal mo, kahit hopeless ilalaban mo ‘yan, eh. Kahit sa 100 percent na hope, ang natitira na lang ay 1, ilalaban mo ‘yan hangga’t may 1 percent.”
Pinayo rin naman daw ng cardiologist ng wife ni Andrew Schimmer na ituloy niya ang laban dahil lumalaban din ang puso ng asawa.
“Kung nararamdaman ko sa mukha niyang ayaw na niya, ‘yong gi-give up na siya? Ayaw ko siyang pahirapan naman, mahal ko ‘yong tao e. Kapag nakikita mong nasa ICU ‘yan, nahihirapan ‘yong katawan niya, it will break your heart every day,” kwento pa ng aktor.
Nakikita naman daw niyang lumalaban ang kaniyang asawa kahit na nahihirapan ang katawan nito.
Larawan mula sa Facebook account ni Andrew Schimmer
Sa loob ng walong buwan, ginugol ni Andrew Schimmer ang buhay sa pag-aalaga sa kaniyang family. Bukod sa pag-aasikaso sa asawa at pagtratrabaho, ay nagagawa pa rin nitong gabayan sa pag-aaral ang mga anak. Halos isang oras kada araw na lang ang pahingang nailalaan niya para sa sarili.
Sinabihan na rin daw siya ng mga doktor na kailangan niya ring magpahinga dahil baka siya naman ang magkasakit. Paliwanag ni Andrew, sinusubukan naman niyang palakasin pa rin ang kaniyang immune system lalo na at halos sa ospital sila manirahan sa loob ng nakalipas na 8 buwan.
“Iba kasi ‘yong bonding namin kuya Ogie e. Naging best friend ko siya kaya masakit kapag nakikita ko siyang ganon. Kaya parang ang nararamdaman ko, unfair na okay ako, siya ganon. Kaya minsan kahit hindi kaya, tinatawid ko,” saad ng aktor.
Ama sa kaniyang mga anak: “Nadudurog ako. Ayaw kong tanggalin ‘yong hope sa kanila”
Ang isa umano sa nakakadagdag ng devastation ni Andrew Schimmer ay ang mga komento ng ilang malalapit na tao sa kanila. Marami daw kasing nagsasabi na isuko na niya ang laban dahil mahihirapan lang siya.
Ang nakakalungkot pa raw na ang nagsasabi ng mga ganoong salita ay mga malalapit sa kaniyang asawa na ayos na ayos naman ang buhay.
Hindi naman daw siya mahilig humingi ng tulong hangga’t kaya niya pa dahil alam niya umanong hindi siya obligasyon ng ibang tao. At kung may pinagdaraanan man siya ay tiyak na mayroon ding pinagdaraanan ang iba.
“Sumama ang loob ko noong una, sabi ko sa anak ko, ‘hindi pa tayo nakakahingi ng tulong, nakakarinig ka na ng ganyan. Sabi ko sa anak ko, when you hear something like that, close your ears. You don’t need those kinds of things.”
Larawan mula sa Facebook account ni Andrew Schimmer
Kapag nakakarinig daw kasi ang mga anak niya ng ganoong opinyon ay lumalapit ang mga ito sa kaniya at lalo siyang nahihirapan. Nakikiusap daw siya sa mga ito na huwag iparinig sa mga bata ang mga ganoong komento.
“Kapag nakakarinig sila ng ganoon, nadudurog ako. Kasi bata ‘yang mga ‘yan e. Ayokong tanggalin ‘yong hope sa kanila,” saad ni Andrew.
Paliwanag ni Andrew, alam niya ang nararamdaman ng kaniyang mga anak. Namatay kasi ang nanay niya noong 10 years old siya matapos ding makipaglaban sa comatose nang ilang buwan.
“Nag-iwan siya ng hole sa puso ko na hindi na napunuan. I know the feeling. So, as much as possible ayaw ko ‘tong ma-experience ng mga anak ko.”
Screenshot mula sa interview ni Ogie Diaz
Nakikita niya raw ang sarili sa kaniyang mga anak noong bata pa siya kaya nadodoble ang nararamdamang sakit.
“Masakit ‘yong wala kang magulang. Masakit ‘yong nakikita mo ‘yong nanay mo na nag-uundergo sa ganon tapos wala ka talagang magawa,” pahayag ni Andrew.
+Source
Ogie Diaz’ Vlog
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!