Sabi nga nila, ang pinaka-masayang karanasan mo sa buhay ay yung manganganak ka na at magiging ganap na Ina. Totoo nga naman. Ngunit, may mga karanasan talaga ako na hindi ko kinaya at masasabi kong isa itong sakripisyo bilang isang Ina.
Sa panahon ng pandemya, tila ba’y limitado ang mga face to face na check-ups sa mga ospital noong mga panahon na ‘yun Septyembre 1, 2021 ay nagdidiwang pa kami ng kaarawan ng aking Ina habang naghihintay ako ng tawag mula sa ospital na hinintay ko ng 11 na oras para sa kanilang reply. Dahil sa kasagsagan ng pandemya ang mga source ng check-ups ay telemedicine at ang mga iba pang porma ng online check-up. At nung ako na ay nasa linya ng telepono habang kausap ko ang nurse na nagchecheck-up sa akin ay agad-agad akong pinapupunta sa Emergency Room dahil sa aking sugar level na sobrang taas at ito daw ay uncontrollable. Makakaapekto daw ito sa bata kaya naman nandoon ang aking pangamba, hindi ko mapigilang magalala at hindi ako makapag-diwang ng maayos sa kaarawan ng aking Ina dahil sa banggit ng nurse sa akin.
September 2, 2021 ala-sais ng umaga ay nag-empake ako ng mga iilang damit ko at damit ng aking sanggol para sa kanyang paglabas ay nakahanda na ang lahat kasama ang aking mister sa abulansya, pinunta agad ako sa ER at naghintay ng 15 oras. Sobrang natatakot ako sa mga nakikita at naririnig ko sa ER. May mga sobrang lakas ng hiyaw ng nanay sapag-ire, may mga nanay na ara bang mawawalan na ng ulirat o mahihimatay pagkatapos nilang manganak, nasulyapan ko ‘din kung paano mag-labor ang isang nanay sa gilid na tila’y kita na ang ulo ng sanggol. Ako’y nanlamig sa aking mga nakikita at napaisip ako na baka hindi ko ito kakayanin ang manganak, pero mas nanaig ang aking pananabik na makita ko ang aking anak at dahil doon mas tumibay ang aking dibdib at inihanda ko ang aking sarili sa panganganak. Noong ako na ‘yung nakasalang para tignan at i-check ang bata sa loob ng aking sinapupunan at nakita nil ana ito ay suhi. Ang paa ng bata ay ‘yung nauuna sa aking pwerta imbis na ulo ng bata, at ako din ay isang nasa high risk ng panganganak dulo’t ng mataas na sugar level ko ay agad-agad na sinabi sa akin ng doctor na ako ay sasailalim sa cesarian section.
Sobrang kinakabahan ako dahil sa mga nakikita kong mga karayom na malalaking kailangang iturok sa aking likod, pero mas tinatagan ko ang aking loob para sa aking anak. Sobrang hirap ng mga dinanas ko sa aking panganganak pero laking tuwa ko ng masilayan ko ang aking anak, ang aking dugo’t-laman na inalagaan ko ng siyam na buwan sa aking sinapupunan. TIla ba’y nakakita ako ng isang anghel na sobrang cute dahil sa makinis at maamong mukha ng sanggol. Mula umpisa hanggang dulo nairaos ko ng maayos ang aking panganganak.
Noong nasa pangalawang araw na pagkatapos ng ako’y manganak, ay doon ko naranasan ang pinaka-masakit at masasabi kong pinaka-nakakaiyak na karanasan ko dahil sa epekto ng pagluwal ko sa aking anak na cesarian delivery. Halos hindi ako makagalaw ng maayos dahil onting galaw lang ay sobrang sakit na sa puson dulo’t ng operasyon. Kahit anong galaw ko ay may parang bato na naka ipit sa aking puson na tila ba’y hindi ako makagalaw ng maayos. May panahon na awang-awa ako sa sarili ko at sa anak ko dahil noong sobrang lakas ng iyak niya ay hindi ako makalapit sakanya ng mabilis dahil sa opera ko. Hindi rin makatulog ng maayos sa gabi bukod sa sobrang inet ay gusto ng anak ko na palagi syang naka-karga sa akin, pag siya naman ay ibaba ko ay iiyak siya ng malakas kaya kahit sa gabi ay buhat-buhat ko siya kaya wala akong sapat ng tulog. Pero sinakripisyo ko ang lahat ng ito para sa aking anak at sa aking pamilya.
Hindi ko pa din lubos maisip na paano ko ito nakayanan lahat, sa isang araw buong araw lang ay magsisilang ako ng isang sanggol. Ngayon ay isang taon na ang aking anak. Masasabi kong masaya maging isang Ina. Lahat ng sakripisyo at hirap kapalit ay kasiyahan at sobrang kaginhawaan. Walang Madali sa lahat ng bagay lalo ang pagiging Ina. Masasabi ko na ito ang aking pinaka-mahirap na nangyari sa aking buhay pero ito rin ang pinaka-masayang nangyari sa aking buhay, ang magluwal ng isang indibidwal na makakapagpabago sa iyong buhay.