Ano ang endometriosis? Ang pananakit ba ng likod tuwing may regla ay sintomas ng endometriosis? Alamin dito
Halos lahat ng babae ay dumadaan sa pananakit ng puson kapag may kabuwanang dalaw. Kaya’t minsan, ang endometriosis ay hindi kaagad nalalaman o nada-diagnose dahil napapagkamalan lamang na karaniwang menstrual cramps.
Iba-iba ang sintomas ng endometriosis sa bawat babae. Ang iba ay halos hindi nararamdaman at kayang indahin ang pananakit, habang ang iba ang labis naman ang nararamdaman na sakit. Ang pelvic pain o pananakit ng balakang at pelvic area ang pinakakaraniwang sintomas ng sakit na ito.
Talaan ng Nilalaman
Ano ang Endometriosis?
Ang endometriosis ay ang abnormal na pagdami o paglago ng endometrial cells, na kapareho ng nasa loob ng uterus. Ang mga cells na ito—o endometrium—ay lumalago sa labas ng uterus, at sa ibang organs sa pelvic area tulad ng obaryo, fallopian tube, at sa tissue lining ng pelvis.
Hindi pa natutunton ang sanhi nito. Ang alam lamang ay ito ay mas karaniwan sa mga kababaihang nakakaranas ng infertility, kaysa sa mga fertile. Ngunit hindi ito ang sanhi ng infertility.
Sa kondisyong ito, tuloy pa rin ang paglago, pagkapal, at pagdurugo (para sa buwanang regla) ng endometrial tissue, na animo’y nasa loob pa rin siya ng uterus. At dahil walang mapapaglabasan, nakukulong ito sa loob ng katawan.
Kapag naapektuhan na ang obaryo, mabubuo ang mga cysts na tinatawag na endometriomas. Naiirita ang nakapaligid na tissue, at nasusugatan ang mga ito. Ito ang sanhi ng pagdurugo at labis na pananakit, lalo kapag may regla. Dito rin nag-uugat ang mga problema sa pagbubuntis.
Ano ang mga pangunahing sintomas ng Endometriosis?
Ilang sa mga sintomas na maaaring maranasan ng isang babaeng may endometriosis ay ang mga sumusunod:
- Labis na pananakit ng puson o lower abdomen kapag may regla, o bago pa man dumating ang regla
- Malakas na menstrual bleeding o pagdurugo kahit wala pa ang buwanang regla o dysmenorrhea
- Infertility
- Pananakit pagkatapos ng pakikipagtalik
- Discomfort kapag may bowel movement at/o pag-ihi
- Pananakit ng lower back kapag may regla
- Iba pang sintomas: fatigue o labis na pagkapagod, diarrhea, constipation, bloating o nausea, lalo kapag may regla.
Karaniwan ding walang nararamdamang sintomas, o isa o dalawa lamang ang sintomas na nakikita, kaya’t nabibigla na lamang ang iba na mayroon na pala silang sakit.
Mahalagang may regular gynecological exam, para ma-monitor ng doktor (OB-Gyne) ang anumang pagbabago sa iyong katawan at kalusugan.
Kailan dapat magpatingin sa doktor?
Sa unang hudyat pa lang ng labis na pananakit, o labis na pagdurugo kapag may regla, o sa pagitan ng buwanang dalaw, magpatingin na agad sa OB-Gyne. Ang early diagnosis, o maagap na pag-alam kung may ganitong karamdaman ay makakatulong na mapigil pa ang paglala nito.
Ano ang sanhi ng endomentriosis?
Katulad ng nabanggit, walang eksaktong sanhi ng sakit na ito. Ngunit may mga posibleng dahilan.
Ang isa ay ang retrograde menstruation, o ang pagdaloy ng menstrual blood na may endometrial cells pabalik sa fallopian tubes at sa pelvic cavity, imbis na mailabas ito sa katawan (sa pagreregla).
Pangalawa, ang mga displaced endometrial cells na ito ay dumidikit sa pelvic walls at pelvic organs, at duon na lumalaki at kumakapal sa tuwing magkakaregla.
Pangatlo, ang transpormasyon ng peritoneal cells naman ay ang pagpapabago ng mga ito na nasa loob ng abdomen, at pagiging endometrial cells nito, gawa ng mga hormones at immune factors.
Ang embryonic cell transformation naman ay sanhi ng estrogen hormones. Binabago daw nito ang embryonic cells at ginagawang endometrial cell implants sa panahon ng puberty.
May surgical scar implantation din, kung saan pagkatapos ng isang surgery tulad ng hysterectomy o C-section, ang mga endometrial cells ay kumakapit sa hiwa o surgical incision.
Ang endometrial cells transport naman ang pagdadala ng mga blood vessels o tissue fluid (lymphatic) system sa mga endometrial cells papunta sa ibang bahagi ng katawan.
At ang huli ay ang immune system disorder, kung saan ang problema sa immune system ay nagiging sanhi ng kakulangan sa panlaban o pagsira sa endometrial tissue na lumalago sa labas ng uterus.
Ano ang mga kumplikasyon dala ng endometriosis sa kababaihan?
Ang pangunahing komplikasyon nito ay ang impaired feritlity o problema sa pagbubuntis. Halpos ikatlo o kalahati ng kababaihan na may endometriosis ay hirap nang mabuntis.
Hinaharang kasi ng endometriosis ay fallopian tube at nakakahadlang sa pag-iisa ng sperm at ng itlog. Minsan naman, tahasang nasisira nito ang itlog o ang sperm.
May mga kababaihan pa rin na natutuloy magbuntis kahit may ganitong kondisyon, sa tulong ng espesyalista at OB-Gyne.
Gamot sa endometriosis
Walang kilalang paggamot na makakatanggal sa kondisyong ito, ngunit may mga programang medikal na makakatulong para maibsan ang pananakit at makatulong sa mga sintomas.
May mga opsiyong medical at surgical para mabawasan ang mga sintomas at mapigil ang ibang malalang komplikasyon, katulad ng Laparoscopy. Iba-iba rin ang pisikal na reaksiyon ng katawan sa bawat tao, kaya’t tanging ang doktor ang makakatulong at makakapagsabi kung ano ang pinakamabuti at mabisa para sa pasyente.
May mga gamot para sa sakit, hormonal therapy, hormonal contraceptives (upang mapigil ang paglago ng endometrial tissue), birth control pills, patches, at vaginal rings, para maibsan ang pananakit.
Mayroon ding medroxyprogesterone (Depo-Provera) injection para mapigil ang pagreregla at matigil ang paglago ng endometrial implants at maibsan ang pananakit. Ang problema lang dito ay ang epekto nito sa buto, sa timbang (may posibilidad ng weight gain), at depression.
Ang hysterectomy ang sinasabing huling paraan na nirerekumenda ng ibang doktor. Ito ay para sa mga higit na malalang kaso, dahil dito tatanggalin na ang uterus at cervix, pati ang obaryo. Ito ay ipinapayo lamang kapag ang buhay ng pasyente ay nasa higit na panganib na dahil sa mga komplikasyon. Kapag ito ay ipinayo na ng doktor, kakailanganing humingi ng pangalawang opinyon o kumunsulta sa iba pang espesyalista para lamang makita kung wala na nga bang ibang paraan.
Natural na paggamot sa endometriosis
May mga natural na paraan na ngayon para matulungan ang isang pasyente na mabawasan o maibsan ang mga sintomas. Hindi ito tuluyang makakagamot, ngunit ang pagbabago ng lifestyle at kinakain natin ay makakatulong sa sakit na iniinda.
-
Bawasan ang kemikal sa katawan.
Iwasan ang pagkain ng taba lalo na ang high-fat dairy, red meat, at ibang isda. Piliing kumain ng prutas at gulay.
-
Gulay at flaxseeds ang ipalit.
Kumain ng celery, parsley, broccoli, cauliflower, cabbage, kale, Brussels sprouts, at bok choy dahil mayroon itong indoles, na tumutulong sa estrogen metabolism. Ang flaxseeds ay mayaman sa lignans at fiber, na makakatulong din sa problema sa estrogen.
-
Paggamit ng Progesterone Cream
Ang Progesterone Cream ay nakakatulong sa pagbagal ng pagdami o paglago ng abnormal endometrial tissue, at nakakatulong maibsan ang pananakit. Pinapahid ito sa wrists, braso, balakang, at dibdib. Hingin ang propesyonal na payo ng doktor tungkol sa dosage, o bago ito gamitin.
-
Pagkain ng mga pagkaing may Omega-3 Fatty Acids.
Kumain ng pagkaing may Omega-3 Fatty Acids tulad ng salmon, mackerel, sardines, at anchovies. May mga fish oil capsules din na maaaring inumin. Nakakapagpabagal din ito ng paglago ng endometrial tissue.
-
Iwasan ang stress.
May mga alternatibong bitamina na nirerekumenda para mabawasan ang labis na stress, tulad ng Ashwagandha, B vitamins, Vitamin C, Zinc at Magnesium. Pinapayo din ng mga eksperto ang Relaxation Response, Mindfulness Meditation at Diaphragmatic Breathing.
-
Hydrotherapy o pag-upo/pagbabad sa mainit at malamig na tubig, sa loob ng tigtatlong minuto.
-
Pag-inom ng Ginger Tea
Makakatulong sa pagkahilo o nausea, na sintomas ng endometriosis.
Ano ang mga paraan para maiwasan ang pagkakaroon ng endometriosis?
Sa malungkot na balita, ayon sa World Health Organization (WHO) walang paraan para maiwasan ang pagkakaroon ng endometriosis.
4 mga paraan para mapababa ang kumplikasyon at sintomas ng endometriosis
Bagamat hindi ito lubusang maiiwasan, may ilang mga hakbang na maaari mong gawin upang mapababa ang kumplikasyon at sintomas ng pagkakaroon ng endometriosis:
-
Regular na check-up at screening
Mahalaga ang regular na ob-gyn check-up para ma-monitor ang iyong reproductive health. Ito ay makakatulong sa pagtukoy ng anumang mga isyu at maagapan ang mga ito bago pa ito lumala.
-
Pagkakaroon ng isang healthy lifestyle
Ang pagkakaroon ng malusog na lifestyle ay makakatulong sa pag-maintain ng hormonal balance sa katawan. Regular na ehersisyo, malusog na pagkain, at sapat na tulog ay mahalaga ang kinakailangan.
-
Pananatili ng healthy weight o timbang
Ang sobra o kakulangan sa timbang ay maaaring makaapekto sa iyong hormonal balance at tiyansa ng panganib ng pagkakaroon ng endometriosis.
-
Pag-iwas sa sobrang stress
Ang matinding stress ay maaring makaapekto sa iyong hormonal balance. May mga relaxation techniques tulad ng yoga, meditation, at deep breathing na makakatulong sa pag-manage ng stress.
-
Pagpapagamot ng menstrual cramps
Kung ikaw ay may malalang menstrual cramps o dysmenorrhea, maaari kang magpakonsulta sa iyong doktor upang mahanap ang tamang paraan ng paggamot nito.
Ang pagpapabawas ng pamamaga at sakit ay makakatulong sa pag-iwas ng pagkalat ng endometrial tissue sa labas ng matres.
Tandaan
Ang mga factors tulad ng genetics ay maaaring magdulot ng predisposition sa pagkakaroon ng endometriosis. Kung ikaw ay may mga risk factors, mahalaga na maging alerto sa mga sintomas at magpakonsulta sa doktor para sa tamang pag-aalaga at monitoring ng iyong reproductive health.
Ang natural at alternatibong paraan na ito ay kailangang may payo at basbas pa din ng doktor. Walang lubos na paggamot para sa endometriosis na tuluyang makakatanggal nito. Ngunit hindi kailangang tumigil ang buhay dahil may ganitong sakit na hinaharap.
May mga epektibong paraan para maibsan ang pananakit at makapagtuloy pa rin sa araw-araw na gawain. Kailangan lang magpatingin at kumunsulta agad sa doktor para matulungan ng maagap.
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.