Maraming relasyon ang natatapos nang natatapos sa palitan ng mga mabibigat at masasakit na salita. Hindi madali ang mga ganitong pag-uusap at dahil sa teknolohiya, may dinadaan nalang ito sa text o tawag. Ito ay dahil nais nilang iwasan na mag-harap o kaya naman ay para mapili nang maayos ang mga sasabihin. Ngunit, may ilan din na bigla nalang hindi nagpaparamdam na tila multong biglang nawawala. Talakayin natin kung ano ang ghosting.
Ang ghosting ay bagong paraan ng pakikipaghiwalay na nagiging laganap na istratehiya na ngayon. Ginagamit nito ang teknolohiya, na dati ay para sa pagbuo at pagaalaga ng pagsasama, bilang pag-iwas sa dating karelasyon. Bago man o matagal nang relasyon, biglang napuputol ang mga pagsasama dahil dito. Walang usap-usap, walang paghingi ng tawad, pawang katahimikan lamang.
Epekto ng ghosting
Para sa mga ginagamit ang ghosting para makipaghiwalay, ang kanilang mundo ay lumiliit para lamang maka-iwas sa dating kinakasama. Ganunpaman, ang pinaka naaapektuhan nito ay ang taong hiniwalayan. Maaari itong magdulot ng ilang problema tulad ng:
- Hindi agad masigurado ang kalagayan ng relasyon. Dahil walang pag-uusap na nangyari, hindi alam ng iniwan kung sila ba ay hiwalay na o kaya baka may ibang rason kaya hindi nagpaparamdam ang karelasyon.
- Sa pagtanggap na tapos na ang relasyon, hindi parin masabi ang kadahilanan ng paghihiwalay.
- Walang natatanggap na closure.
- Para sa mga relasyon na highly emotionally o physically intimate, maaaring maramdaman na niloko.
- Sa kawalan ng dahilan ng paghihiwalay, maaaring sisihin ang sarili at isipin na nagkaroon ng pagkukulang.
- Hindi magawang maiparating ang mga iniisip tungkol sa relasyon at naging paghihiwalay sa dating kinakasama.
Ayon sa pananaliksik
Sa isang pagsasaliksik noong 2018, ang 25% mula sa 550 na mga lumahok ay nagsabing nakaranas na sila ng ghosting. Sa kabila nito, nasa 20% naman ang nagsabi na sila ay nakipaghiwalay na sa pamamagitan ng paraan na ito. Ayon sa mga mananaliksik, ang mga statistics na ito ay patuloy na tataas dahil sa mga dating apps na ginagamit sa pagsisimula ng relasyon, at mga social media para panatilihin ang nabuong pagsasama.
Ano naman ang tingin ng mga tao sa paraan ng pagtapos sa relasyon na ito? Ayon sa pananaliksik, may ilan na walang nakikitang problema dito. Habang ang mga tao ay mas naniniwala sa tadhana, mas tinatanggap nila ang ghosting bilang paraan ng pagtapos ng relasyon. May ilan din naman ang hindi sumasang-ayon dito. Para sa mga naniniwala na kayang pagdaanan ng mga relasyon ang mga pagsubok, hindi nila tinatanggap ang ghosting bilang maayos na pakikipaghiwalay.
Dahil sa natutunan na ito, maaaring malaman kung ang iyong kinakasama ay gagamitin sa iyo ang ghosting. Kung ang karelasyon ay matindi ang paniniwala sa tadahana, mayroon silang hindi mababagong mindset sa pag-ibig: perpekto o hindi ito. Para sa kanila, ang problema sa relasyon ay maaaring senyales na hindi sila para sa isa’t isa. Ang mga sobra ang paniniwala sa tadhana ay maaaring walang makitang rason para ipagpatuloy ang relasyon. Maaari rin na makita nila bilang pag-aaksaya sa oras ang pagpapaliwanag kaya maisipan nila gamitin ang ghosting.
Source: PsychologyToday
Basahin: Puwede pa bang i-save ang relasyon na papunta na sa hiwalayan?