Tag-ulan na naman kaya maraming mga sakit na dahil sa baha. Isa sa pinakamatindi at nakakabahala ay ang sakit na leptospirosis. Ano ang Leptospirosis? Ito ay isang bacterial infection na nagdudulot ng iba’t ibang sintomas—mula sa katulad ng trangkaso hanggang sa malubhang kidney at liver failure.
Ayon sa Rappler, may anim na katao na ang namamatay dahil sa kondisyong ito sa National Kidney and Transplant Institute sa Quezon City. Maliban sa mga ito, may 52 pang na-confine dahil sa kondisyon.
Noong 2017, mayroon lamang 40 na pasyenteng tinamaan ng leptospirosis. Nakakabahala man ang biglaang paglaganap ng sakit na ito, pinaghandaan na ito ng NKTI, lalo pa’t inaasahang tataas pa ang bilang na ito sa darating pang mga linggo.
Ano ang Leptospirosis at Paano Natin Mapoprotektahan Ang Ating Mga Pamilya?
Binalaan na ng Department of Health (DOH) ang publiko ukol sa paglaganap ng impeksiyon na ito dahil nga sa mga pagbaha sa buong Metro Manila.
Ngayong tag-ulan na, marami pang bagyo na maaaring pumasok sa bansa, kaya ang pinakamainam na panlaban natin sa leptospirosis at mga iba pang sakit ay ang maghanda laban dito.
Payo ni DOH Secretary Francisco Duque III, umiwas na magtampisaw o lumusong sa tubig baha o magsuot ng bata kung hindi ito maiwasan, para hindi tamaan bacteria na may dalang Leptospirosis, o ang tinatawag na Leptospira.
Ano ang Leptospirosis bacteria? Ito ay galing sa ihi ng mga hayop na may impeksiyon, lalong-lalo na ang mga daga. Karaniwan itong nakukuha kapag ma bukas na sugat at lumusong sa bahang may bacteria na ito.
Ang karaniwang sintomas nito ay parang trangkaso, mataas na lagnat, sipon, chills, sakit ng ulo at katawan. Ayon sa CDC, maaari ring magkaroon ng paninilaw ng balat o mata (jaundice), pagsusuka, pamumula ng mata, sakit ng tiyan, pagtatae, o rashes sa katawan.
Importanteng tandaan na maaaring lumabas ang sintomas nito dalawang araw hanggang isang buwan. Kapag malubha na ay maaaring magresulta ito sa kidney or liver failure.
Maaaring tumagal ito mula sa ilang araw hanggang tatlong linggo, kung saan bibigyan ang pasyente ng antibiotics, depende sa findings ng doktor. Kung hindi ito maagapan, puwedeng tumagal ito ng ilang buwan.
Importanteng ibahagi ang mga kaalaman para alam ng buong pamilya at mga kasambahay kung ano ang leptospirosis at mga panganib na dulot nito.
sources: Centers for Disease Control and Prevention (CDC), Rappler, Inquirer.net
BASAHIN: Siguraduhing protektahan ang iyong anak mula sa mga sakit na ito tuwing tag-ulan!