7 na sintomas ng kulani na dapat bantayan at gamot para rito

undefined

Alamin ang mga sintomas, sanhi, komplikasyon, at mga impeksyon nakukuha sa pagkakaroon ng kulani at kung kailan kakailanganin ang advice ng doktor.

Nakakaramdam ka ba ng maliit na bukol o maga sa likod ng iyong tenga, leeg, kili-kili o singit? Maaring mayroon kang kulani. Alamin kung ano ito at ang mga sintomas na dapat bantayan.

Kapag ikaw ay nagkakasakit o mayroong nilalabanang impeksyon sa katawan, napapansin mo ba na parang mayroon kang maliit na bukol sa likod ng iyong tenga, o minsan naman ay mayroon kang nakakapang maliit na umbok sa iyong singit? Posibleng mayroon kang kulani.

Marahil ay narinig mo na ang salitang ito mula sa iyong doktor, kapag kinakapa niya ang likod ng iyong tenga. Pero ano nga ba ang kulani at ano ang sanhi nito?

Kulani in English swollen lymph nodes

Ang kulani o swollen lymph nodes at lymph glands sa wikang Ingles ay importante sa paglaban ng katawan sa impeksiyon. Ito ay nagiging salaan ng mga virus at bacteria bago pa makarating ang impeksiyon sa ibang bahagi ng katawan. Kadalasang makikita o mapapansin ang mga kulani sa mga sumusunod na bahagi ng ating katawan:

  • may batok o bandang leeg
  • ilalim ng baba
  • kili-kili
  • singit

Ang mga ito ay binubuo ng white blood cells, na siyang responsable sa pagpuksa ng mga foreign organisms sa katawan. Gaya ng nabanggit, kapag may virus o bacteria na gustong pumasok sa ating katawan, ang ating lymphatic system ang unang lumalaban rito.

Habang nilalabanan nito ang infection o sakit, maaring magkaroon ng dumi, bacteria o dead cells sa ating lymph nodes, dahilan para mamaga ang kulani.

kulani

Kulani: Sintomas at sanhi ng mga swollen lymph nodes | Image from Unsplash

Mga sanhi ng pagkakaroon ng kulani

Ang mga lymph nodes ay hiwa-hiwalay na grupo na may kanya-kanyang sinasala na parte ng katawan. Kapag nakita ang lokasyon ng kulani ay makakatulong upang ituro ang impeksiyon na nagiging dahilan nito. Pinakamadalas na sanhi ng kulani ay impeksiyon, lalo na viral infection, tulad ng sipon.

 Ang impeksiyon na ito ay tumatagal ng 10 hanggang 14 na araw bago pa ito gumaling at tuluyang mawala. Normal sa tao ang tubuan ng kulani sa iba’t ibang parte ng katawan. Likas din sa tao ang kabahan at magkaroon ng pangamba sa tuwing may mga bukol na nakakapa sa katawan. 

Ano nga ba ang ibig-sabihin kung ang iyong kulani ay matatagpuan sa isang bahagi ng katawan? Alamin natin.

  • Kulani sa tenga sanhi

Kung ang pamamaga ng kulani ay matatagpuan sa likod ng tainga, sa ilalim ng tainga o bandang panga o leeg, maaring mayroon kang nilalabanang impeksyon na may kinalaman sa iyong respiratory system at mayroon kang sipon, ubo o sore throat. Posible rin na mayroon kang ear infection o toothache kaya nakakaramdam ng pamamaga ng kulani.

  • Kulani sa hita o kulani sa singit dahilan

Kung ang kulani mo naman ay nasa bandang hita o singit, maaring ang infection ay nanggagaling sa iyong paa, hita, singit at maging genital area. Pwede itong dahil sa fungal infection, jock itch o hadhad, sexually transmitted infections o kaya matinding skin infection gaya ng cellulitis.

  • Kulani sa kili-kili

Gaya ng kulani sa bandang tenga o leeg, ang kulani sa kili-kili ay posiblang may kinalaman sa viral infections tulad ng flu o trangkaso, at mononucleosis, subalit puwede rin itong maging sintomas ng mas nakakabahalang sakit gaya ng cellulitis, lyme disease at maging cancer.

  •  Kulani sa Tainga

Ang kulani sa tainga ay dulot ng impeksyon na maaaring nagmula mismo sa iyong tainga. Tulad ng mga kulaning tumutubo sa ibang parte ng katawan, sanhi ito ng impeksyon sa bahaging tutubuan nito.

Mga sakit na nagdudulot ng kulani

Anu-ano ba ang mga sakit na pwedeng magdulot ng pamamaga ng kulani? Narito ang ilan sa kanila:

Impeksyon na karaniwang sanhi ng kulani

  • Strep throat
  • Tigdas
  • Impeksiyon sa tenga
  • Impeksiyon sa ngipin
  • Mononucleosis
  • Impeksiyon sa balat at sugat, tulad ng cellulitis
  • Human immunodeficiency virus (HIV) – ang virus na nagiging sanhi ng AIDS

Bihirang mga impeksiyon

  • Tuberculosis
  • Ibang sexually transmitted na impeksiyon, tulad ng syphilis
  • Toxoplasmosis – Parasitic na impeksiyon na nakukuha sa pagdikit sa dumi ng pusang may impeksiyon o pagkain ng hilaw na karne.
  • Cat scratch fever – Bacterial na impeksiyon mula sa kalmot o kagat ng pusa

Sakit sa immune system

  • Lupus – Sakit na tumitira sa mga kasukasuhan, balat, bato, blood cells, puso at baga.
  • Rheumatoid arthritis – Sakit na tumitira sa tissue at pagitan ng mga buto.

Cancer

  • Lymphoma – Cancer na nagsisimula sa lymphatic system.
  • Leukemia – Cancer sa blood-forming tissue ng katawan tulad ng bone marrow at lymphatic system.
  • Iba pang cancer na kumalat na papuntang lymphatic system.
  • Maaari, ngunit bihira, maging sanhi ang pag-inom ibang gamot tulad ng anti-seizure medication phenytoin at gamot panlaban sa malaria.
kulani

Kulani: Sintomas at sanhi ng mga swollen lymph nodes | Image from Freepik

Sintomas ng kulani

Ang pagkakaroon ng kulani ay isang senyales na may problema ang isang bahagi ng katawan. Sa pagmaga ng lymph nodes, mapapansin ang:

  • Pagsakit ng lugar kung nasaan ang kulani
  • Pamamaga na kasing laki ng munggo o mas malaki pa

Maaaring may iba pang sintomas depende sa nilalabanan na impeksiyon ng katawan tulad ng:

  • Sipon, masakit na lalamunan, lagnat, o iba pang senyales ng problema sa baga
  • Pagmaga ng lymph nodes sa maraming parte ng katawan na maaaring senyales ng impeksiyon tulad ng HIV o mononucleosis, o immune disorder tulad ng lupus o rheumatoid arthreitis.
  • Matigas na kulani na maaaring tumor
  • Mataas na body temperature na naitala sa thermometer
  • Pagpapawis

Delikado ba ito?

Ang namamagang kulani ay hindi delikado, ayon kay Dr. Piedad, isang doktor. Bagkus ay senyales pa nga na protektado ang ating katawan. Ito ang unang pandepensa ng katawan laban sa mga impeksiyon.

Sa madaling salita, sa unang senyales ng bacteria o virus sa katawan, hinaharang at kinukulong kaagad ito ng lymph nodes kaya’t namamaga ito, dagdag na paliwanag ni Apple Tagatha, RN, isang registered school nurse.

Kapag namaga ang isa o ilan rito, ibig sabihin ay may karamdaman ang katawan o may virus, tulad ng sipon o common cold, o kaya ay may impeksiyon sa ngipin o gums.

Mga posibleng komplikasyon ng kulani

Kung ang impeksiyon na sanhi ng kulani ay hindi nagamot, maaaring mangyari ang mga komplikasyon na:

  • Pagkakaroon ng nana – Ang mga nana na ito ay may laman na likido, white blood cells, patay na tissue, at bacteria. Maaaring kailanganin itong alisan ng laman at inuman ng antibiotic.
  • Bloodstream infection (bacteremia) – Ang impeksiyon dahil sa bacteria kahit saan sa katawan ay maaaring maging sepsis, isang malalang impeksiyon sa daluyan ng dugo. Kakailanganin ang pasyente nito ma-hospital at maturukan ng antibiotics.

Ano ang mga gamot na maaaring inumin para sa Kulani?

Bukod sa pagkakaroon ng malakas na resistensya, nangangailangan din ng katawan ang regular na pagpapa-check-up sa kalagayan ng katawan.

Tulad ng kulani, na madalas natin na naririnig. Maituturing man na maliit na bukol ito, mayroon pa rin itong dalang panganib sa kalusugan natin o magdulot ng iba’t ibang karamdaman. Kaya’t mainam na malaman ang ilan sa mga gamot sa tuwing makakaranas nito. 

Halos lagi’t lagi nating naririnig kung ano nga ba ang gamot panglunas sa kulani. Marami tayong herbal na gamot na iniinom para mapaliit ang bukol ng kulani, ngunit mas marami sa atin ang naghahanap ng gamot o espesipikong treatment mula sa sakit na dala ng kulani. 

Ilan nga sa mga halamang gamot na maaaring magsilbing lunas ng kulani sa kili-kili, leeg at ibang parte ng katawan ay ang mga sumusunod: 

1. Bawang o garlic at luya

Kilala ang bawang sa pagiging unibersal na gamot, na halos ang ilan sa mga karamdaman ay napagagaling sa simpleng pag-inom lamang nito. Tulad sa ibang karamdaman, nakatutulong din ito sa kulani upang maibsan ang swelling o pamamaga ng kulani, ganoon din ang ginger o luya. 

Ngunit, marapat na ikonsulta muna sa Doktor o sa mga propesyunal ang mga ganitong karanasan upang mabigyan at malapatan ng tamang gamot at reseta, isa ng pamamaraan iyan upang maiwasan ang pagkakaroon ng malubhang sakit. 

Payo ng mga Doktor ang ibayong pagbabantay o pagmo-monitor sa kulani, dahil karamihan sa mga kulani ay lumiliit lamang at tuluyang nawawala.

Sa ganitong kaso, maaaring magbigay ang Doktor ng aspirin o ibuprofen para maibsan ang sakit pamamaga ng kulani. Maituturing na pinaka-epektibo ang ibuprofen para sa kulani, maaari ring i-konsumo ng mga nakakaranas nito ang Paracetamol o Acetaminophen na nakatutulong sa pag-impas ng maga ng kulani.

Kung aabot naman sa pamamaga o pagkakaroon ng impeksyon ang kulani, nagbibigay ang mga Doktor ng antibiotics at antiviral para sa mas mabilisang paggaling at pagkawala nito.

Ilan sa mga home remedy para sa Kulani

Likas sa ating mga Pilipino ang pagbibigay ng paunang-lunas sa kahit anong karamdaman, halimbawa na ang kulani, na ating nakikita sa paligid ng bahay na maaaring maging epektibo sa pagpapaalis ng sakit at pamamaga dulot ng kulani sa leeg, singit at kili-kili, na kung saan madalas tumutubo ang mga ito. 

Narito ang ilan sa maaaring gawing home remedy para sa kulani:

  • Paggamit ng warm compress
  • Pagbasa ng warm na tubig sa bimpo o washcloth
  • Pag-inom ng tubig o kahit na anong fluids upang makaiwas sa dehydration
  • Pag-inom ng over-the-counter pain reliever
  • At huli, ay ang pagpapahinga ng maayos. 

Lagi nating tandaan na ang mga remedy na ating ginagamit ay makatutulong, ngunit hindi ito garantisadong makapagpapagaling sa sitwasyon.

Nararapat pa rin na mabigyan ito ng tamang pagdadadiagnosis upang maiwasan ang paglaki at impeksyon ng mga kulani. Huwag basta-basta uminom ng gamot o kung ano ano ang i-aapply sa mga parteng may kulani upang hindi maging malubha ang bukol at maga ng kulani. 

Kailan dapat kumonsulta sa doktor

Ang kulani ay kusang gumagaling kapag ang nilalabanan na impeksiyon nito ay gumaling na. Kaya naman mahalaga pa rin na bantayan ang iba pang sintomas na kasabay upang  malaman kung ano talaga ang posibleng sanhi ng kulani. Samantala, pumunta na agad sa doktor kung:

  • Namaga ng walang kadahilanan
  • Tuloy-tuloy ang paglaki at tumagal na nang dalawa hanggang apat na linggo
  • Matigas at hindi gumagalaw paghinahawakan
  • May kasamang lagnat, pagpapawis at pamamayat
  • May kasamang hirap sa paglunok o paghinga

Samantala, upang maiwasan ang pamamaga ng kulani at pagkasira ng lymph nodes, ang pinakamainam na gawin ay ang palakasin ang iyong resistensiya at immune system sa pamamagitan ng pagkain nang tama, sapat na tulog at pahinga,. Kung mayroon kang nakakapang kulani, at sinasamahan pa ng sintomas na maaring magsabing mayroon kang sakit, huwag mahiyang kumonsulta sa iyong doktor.

 

Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!