Ano nga ba ang ibig sabihin ng anteverted uterus?
Ang uterus ay isang reproductive organ na may kinalaman sa buwanang menstruation, at siya ring bahay ng bata sa panahon ng pagbubuntis. Iba-iba ang hugis at laki ng uterus, pero ito ay palaging hugis peras. Sa ibaba nito ay ang cervix, at sa itaas ay ang fundus kung saan lumulugar ang fertilized egg. May 2 fallopian tubes na konektado sa obaryo, at papasok sa magkabilang bahagi ng uterus.
What anteverted means in tagalog? Ikaw ay may uterus na nakapaling paharap o nakayuko papunta sa bladder at abdomen. Karaniwan ito sa mga kababaihan, at hindi dapat ipinag-aalala. Mula pagkapanganak ay ganito na ang posisyon ng uterus ng ilang kababaihan, pero walang masama o dapat ipag-alala dito. Ang kabaligtaran nito ay ang retroverted uterus, o ang uterus na nakapaling pataas, papunta sa spine.
Bihira ang labis na pagkayuko o pagkapaling sanhi scar tissues ng isang surgery o kondisyong endometriosis. Kapag kasi may endometriosis, ang tissue na nasa uterus ay tumutubo sa labas ng organ.
Paano nakikita kung mayroong anteverted uterus?
Walang sintomas ang anteverted uterus kaya’t hindi naman talaga malalaman, kundi pa titingnan at susuriin sa ultrasound. Minsan may mararamdaman na pananakit sa may pelvis, lalo kapag labis ang pagkapaling nito. May mga pagkakataon na naaapektuhan ng pagbubuntis (paglaki ng tiyan) at panganganak ang hugis at laki ng uterus, kaya mas nagiging anteverted.
Maaaring makita ito ng doktor sa pamamagitan ng pelvic exam, bukod pa sa ultrasound. Kakapain ng doktor ang vagina, ovaries, cervix, uterus, at abdomen para malaman kung may abnormalities.
Nakakaapekto ba ang anteverted uterus sa pagbubuntis?
Ayon kay Dr. Arsenio Meru, MD, ang posisyon at hugis o laki ng uterus ng isang babae ay walang epekto sa kakayahan ng semilya na makarating sa kinalalagyan ng itlog, maliban na lang kung labis ang pagkapaling ng uterus na mahihirapan ang fertilized egg na makapasok sa uterus.
Nakaka-apekto ba ito sa pakikipagtalik?
Wala itong anumang masamang epekto sa pakikipagtalik, kaya’t hindi dapat mabahala.
Kailangan ba itong gamutin?
Ayon pa kay Dr. Meru, hindi kailangan gamutin ang anteverted uterus dahil hindi naman ito sakit o abnormal na kondisyon. Walang dapat ikabahala kung may anteverted uterus. Normal ang sex life at pagbubuntis kahit pa meron nito. Mas nakakabahala pa ang retroverted, at nangangailangan ng surgery para maayos.
Kung may suspetsa ang doktor na nagiging sanhi ito ng pisikal na problema, saka lang ito dapat na tuluyang ikunsulta. Kung nagbubuntis, magpatingin agad sa doktor kung may nararamdamang pananakit sa likuran o sa abdominal region, at alam mong ikaw ay may anteverted uterus.
Ilang ehersisyo na makakatulong sa malusog na uterus
Bagamat walang masamang dulot ang pagkakaro’n ng anteverted uterus, mainam na rin na mapanatiling malusog ang reproductive organs, lalo na kung nagpaplanong magbuntis. Subukan ang mga simpleng paggalaw na ito para sa malusug na uterus.
- Pelvis relaxation: Humiga sa sahig (may carpet o yoga mat) at i-relaks ang braso at kamay sa iyong tabi. Dahan-dahan ang paghinga (inhale, exhale) habang dahan-dahan ding itinataas ang balakang. Manatili sa posisyong ito nang hanggang 5 segundo, at huminga muli ng dahan-dahan, habang ibinababa ang balakang pabalik sa sahig. Ulitin ito ng hanggang 5 beses.
- Tuhod sa dibdi: Humiga sa sahig nang nakabali ang tuhod. Dahan-dahang ilapit ang isang tuhod sa dibdib. Hawakan ito para mas madali ang paglapit. Manatili sa posisyong ito ng 10-15 segundo, saka bitawan at ibalik sa naunang posisyon (nakabali ang tuhod, at nakatapak ang paa sa sahig). Gawing muli sa kabilang tuhod.
- Masahe: Malaki ang naitutulong ng pagmamasahe sa pananatiling malusog ang uterus, pati na rin sa pagkakaron ng regular na menstrual cycle. Nakakatulong din ito sa pagkakaron ng maayos na pagbubuntis dahil nagkakaron ng maayos na pagdaloy ng dugo sa buong katawan, pati na rin sa pagkakaron ng matibay na uterus muscles.
Sources:
Dr. Arsenio Meru, MD
Mayo Clinic, Meidcal News Today
Basahin: Retroverted uterus: Everything a Filipino mom needs to know