Trending sa social media ang usapin tungkol sa April fools prank ng isang Takoyaki shop. Kung saan ay may isang lalaki ang kumagat at ginawa talaga ang pinagagawa nila dahil hindi ito aware na prank lang pala ang pa-contest.
Takoyaki shop inalmahan ng netizen sa “insensitive” na April fools’ prank
Nakatanggap ng backlash ang Taragis Takoyaki matapos na magpa-contest sa social media noong April Fools Day. Sa mechanics ng challenge, kailangan umanong ipatattoo ang logo ng Taragis Takoyaki sa noo ng contestant, upang manalo ng P100,000. Ipinaskil ang pa-contest na ito sa kanilang Facebook Page.
Kaya lamang, isang lalaki ang kumagat sa nasabing April Fools prank ng Takoyaki shop. Pinatattoo niya ang logo nito sa kaniyang noo. Dahil dito, nagalit ang mga netizen sa Taragis Takoyaki dahil umano sa insensitive nilang prank.
Lalo pang sumidhi ang himutok ng mga netizen nang mag-post pa ang Taragis Takoyaki sa kanilang social media, kung saan ay pinanindigan nila na hindi nila kasalanan ang nangyari. Dahil biro lamang daw ang pa-contest. At binigyang diin pa na dapat umanong matuto ang mga tao sa kahalagahan ng reading comprehension.
Sa ngayon ay deleted na ang post tungkol sa challenge at pati na rin ang tindig ng Takoyaki shop sa issue.
Saad naman ng netizens, hindi lahat ay alam kung ano ang April Fools Day. Kaya dapat ding nag-iingat sa paggawa ng prank na maaaring makaapekto nang negatibo sa kapwa.
Iba’t ibang local businesses nagbigay ng tulong sa lalaki
Giit ng mga netizen, sana man lang daw ay sagutin ng Takoyaki shop ang bayad sa laser removal para matanggal ang logo na naka-tattoo na sa noo ng lalaki.
Dahil sa nangyari at sa awa na rin ng mga netizen sa lalaki, maraming small businesses ang nagpaabot ng kanilang “pa-premyo” rito.
Ipinaskil ng Project Glow Up sa kanilang Facebook na bibigyan talaga nila ng P100,000 ang lalaki. Habang ang Facebook group na “KasKasan Buddies”. Pati na ang food stand na “Chizmozza”, at coffee shop na “Café Galilea” ay nangako na bibigyan ang lalaki ng tig-10,000.
Samantala, may mga local tattoo artist na rin na nag alok ng libreng tattoo removal procedure. Para sa biktima ng April Fools prank.