Sa bawat yugto ng ating buhay, may mga taong nagbibigay inspirasyon at gabay sa atin. Para kay Rai Cruz, ang pagiging isang ama, asawa, propesor, at visual artist ay isang makulay na paglalakbay na puno ng pagmamahal, dedikasyon, at pag-aaral. Sa pagdiriwang ng Araw ng mga Ama o Father’s Day, atin siyang kilalanin at pakinggan ang kanyang mga kwento at pananaw.
Araw ng mga Ama | Rai Cruz: Isang ama at asawa
Nagsimula ang kwento ng pagiging ama ni Rai noong 2013 nang isilang ang kanyang anak na si Skyler. Ito ang nag-iisa niyang anak —ang kaniyang unico hijo.
Ayon kay daddy Rai, ang kaniyang pag-unawa sa pagiging isang ama ay mas nagiging malinaw sa kung paano siya tinitingnan at trinatrato ng kaniyang anak.
Kwento niya, nirerespeto siya ng kaniyang anak at komportable sila sa isa’t isa. Kaya lamang dahil malapit na itong mag-transition sa pagiging teenager, alam niyang nasa “awkward phase” na si Skyler—hindi na baby pero hindi pa rin teenager.
Para kay Rai at sa kanyang asawang si Chelle, mahalaga ang pagbibigay ng sapat na oras at atensyon sa kanilang anak lalo na ngayong transition period nito sa panibagong yugto ng buhay.
“Swerte dahil at least ako, tsaka yung asawa ko, nabibigyan namin siya ng sapat na oras kasi isa lang naman siya,” kwento niya.
Ang pagtuturo bilang propesyon at pamilya
Si Rai ay isang propesor ng multimedia arts sa Asia Pacific College. Dati rin siyang nagturo sa Mapua, patuloy siyang aktibo sa pagtuturo habang nagpapatuloy rin bilang isang studio artist.
Kwento ni daddy Rai, sa kung paano niya nababalanse ang pagiging isang ama, asawa, visual artist at professor, sinusubukan umano niyang ‘wag paghiwalayin ang mga ito. Ang ginagawa ni Rai, wine-welcome niya sa mundo ng sining ang kaniyang anak at asawa.
“Halimbawa, noong gumagawa ako ng murals at walang ibang kasama ‘yong anak ko, sinasama ko siya. Tapos tumutulong din siya in his own little way. Kung hindi man tumutulong nandon siya nanonood. Kapag mayroong exhibit, as much as possible sinasama ko siya. Mga iba pang activities, mga physical activities, sinasama ko rin,” aniya.
“Ganoon din sa asawa ko. As much as possible hindi ko siya hinihiwalay, parang hinahayaan ko siyang ma-immersed sa mundong ginagalawan ko.”
Sa ganoong paraan na rin umano mas naunawaan ng kaniyang anak ang tema ng kaniyang sining, na karaniwang naka-angkla sa mga nangyayari sa lipunan.
Araw ng mga Ama | Ang pagiging ama at alagad ng sining
Sa kanyang pagiging ama, natutunan ni Rai ang kahalagahan ng pagiging pasensyoso at mapagbigay. Hindi niya raw akalain na mahaba pala ang kaniyang pasensya.
May ilang bagay rin daw na binago sa kaniya ang pagiging isang ama. Tulad na lamang ng kaniyang paniniwala sa Diyos.
Bagaman ang kanyang mga tema sa sining ay hindi gaanong nagbago mula nang maging ama, ang pagiging isang magulang ay nagbigay sa kanya ng mas malalim na pag-unawa at pagpapahalaga sa mga bagay na hindi niya kontrolado.
Noong college daw kasi siya, naging agnostic atheist siya, sa kabila ng ipinanganak siyang Katoliko. Pero tila nagbago ito nang siya ay magkaanak.
“Noong nagkaanak ako, hindi naman talaga bumabalik ka na na nagprapractice ka na ulit ng religion mo. Pero mare-realize ko na ang daming bagay na hindi ko controlled din. Parang napapa-wish ka rin ganon. O hopeful ka na sana nga, during ‘yong mga time na wala kang kontrol sa mga bagay, hoping ka na sana mayroong entity na kayang tumulong sa’yo.”
Sa pagiging ama, hindi laging madali ang lahat. Ayon kay Rai, ang pinakamahirap ay ang mga pagkakataon na kailangang maging firm sa anak, sa kung paano ito didisiplinahin.
“Kasi hindi ka pwedeng parating maging kaibigan sa anak mo e. So, may mga pagkakataon na kailangan mong mag-enforce. In short, kailangan mong pagalitan, every now and then,” ani Rai.
Mahalaga rin para sa kanya ang pagiging humble at ang pagpapaliwanag sa anak kung bakit kailangang maging firm sa mga desisyon.
“May times na alam mo na masasaktan siya. So, may extension na ikaw, masasaktan din. Every time kailangan mong i-explain yon. Kung bakit ka nagalit. And sometimes kailangan mong maging humble, na mali ata ako ron.Mas mahirap ‘yong kailangan mong magalit. To stand your ground. Kasi kung hindi, hindi mo tinutulungan ‘yong anak mo kapag ganon.”
Bilang alagad ng sining, isa rin sa mga kahanga-hanga kay daddy Rai ay ang advocacy nito na makapagturo sa mga batang nangangailangan.
Ang unang karanasan niya umano sa pagtuturo ay noong siya ay nasa kolehiyo. Nagsimula ito sa pagnanasa na makapagbahagi ng makabuluhang bagay. Nagturo siya sa mga bata sa Philippine Orthopedic.
“Nasa cancer ward pa sila… So, ayon para at least meron silang activity. Naalala ko, volunteer project namin yun. Tapos yun, doon na nagsimula. Hanggang sa naging interesado na talaga akong magturo.”
Sa ngayon ay nagpapatuloy pa rin ang adbokasiya niyang ito. At tila isa na rin siyang ama sa kaniyang mga estudyante.
Mga aral na natutunan at nais ibahagi
Isa umano sa mga aral na natutunan ni Rai sa kaniyang fatherhood journey ay ang pagiging mabuting anak sa kaniyang ama.
“Ang natutunan ko is siguro dapat mas maging mabuti rin akong anak,” aniya.
Ang pagiging ama ay nagpalawak sa kanyang pag-unawa at pasensya, at pinakita niya na ang tunay na pagmamahal ay hindi lamang sa salita kundi sa gawa. Bilang magulang, dapat umano na kung may nais tayong matutunan ng ating anak, ay dapat makita ito ng mga bata sa atin. Walk your talk, ika nga.
“hindi mo maituturo yong bagay na hindi mo ginagawa talaga. Halimbawa, gusto mo siyang hindi maging mahilig sa pagta-tablet o pagse-cellphone pero ikaw, 24/7 ka naman na nasa TikTok o nasa Instagram di ba. Pero yun ang point ko, kung gusto mo yung anak mo na matuto na magbasa, dapat ikaw rin magbasa ka rin. Hindi mo pwedeng idikta e. Kailangan mong ipakita.”
Samantala, isa sa pinakamahalagang aral na nais ipasa ni Rai sa kanyang anak at mga estudyante ay ang pagtanggap sa pagkakamali.
“Okay lang magkamali. ‘Yan yung ano e, minsan hindi napapansin. Di ba syempre, parang kailangan perfect tayo, kailangan best palagi, pero yung pag nagkamali ka kasi kailangan mong tanggapin. Tapos doon ka matututo,” paliwanag niya.
Bilang isang visual artist, alam ni Rai ang takot na dulot ng pag-explore ng bagong estilo. Ngunit para sa kanya, mahalaga ang patuloy na pag-eeksperimento at hindi dapat matakot magkamali.
Payo sa mga kapwa visual artist na bumubuo ng pamilya
Para sa mga kapwa niya visual artist, ang payo ni Rai ay ang pagkakaroon ng diverse na skills at pagkakaroon ng regular na income stream.
“As much as possible, ‘yong skills mo, gawin mong diverse. Para hindi mo nilalagay sa iisang basket lang lahat ng mga itlog e,” aniya.
Sa ganitong paraan, nagiging malaya ang isang artist na mag-explore at gawin ang kanilang nais nang hindi nag-aalala sa mga gastusin.
“Talagang may pagkakataon na maghihigpit ng sinturon, hindi mo mabibili ‘yong gusto mo, minsan makokompara mo ‘yong sarili mo sa iba…pero hindi rin naman talaga ‘yon healthy di ba? So, ang advice ko ron is maghanap pa rin talaga ng mas regular na income stream.”
Sa Araw ng mga Ama, ipinagdiriwang natin ang mga tulad ni Rai Cruz—isang ama na nagtataguyod ng sining, edukasyon, at pamilya nang buong puso. Ang kanyang kwento ay nagpapaalala sa atin ng halaga ng pasensya, pag-unawa, at pagmamahal sa bawat yugto ng ating buhay.
Rai Cruz. Interview. Conducted by Marhiel Garrote. (2024, June 12)