Isa ang crayons sa hindi mawawala sa listahan ng school supplies na kailangan bilihin ng mga estudyante taon-taon. Ginagamit ito pang-kulay sa mga drawing, test, at project—mas lalo na ng mga maliliit na bata. Kaya naman laking gulat ng marami nang pumutok ang balita na may isang brand ng crayons ang positibong gumagamit ng asbestos sa crayons nila.
Playskool crayons
Inilathala ng US Public Interest Research Group (US PIRG) Education Fund na ang sikat na brand ng crayons na Playskool ay naglalaman ng toxic levels ng asbestos. Hinihiling ng grupo na itigil na ang pagbenta ng produktong ito sa mga tindahan.
“Walang rason para i-expose ang mga bata sa mga carcinogen, mas lalo na sa crayons,” pahayag ni Kara Cook-Schultz, toxics director ng US PIRG.
Ang asbestos kasi ay kilalang carcinogen o ingredient na nagiging sanhi ng lung cancer at mesothelioma kung ito ay nalanghap o nakain. May ilang kaso rin na itinuturo ang asbestos na naging sanhi ng chronic obstructive pulmonary disease at kidney cancer.
Nakakatakot ang asbestos dahil ang fibers nito ay hindi nakikita, wala itong lasa o amoy kaya madali itong makapasok sa katawan nang hindi namamalayan. Lubos na masama na ma-expose ang mga bata sa asbestos sa crayons. Bukod sa nahahawakan ng mga bata ang crayons, may ibang maliliit na bata pa naman ang mahilig na isubo ito.
Kasalukuyang iniimbestigahan ng kumpanya na gumagawa ng Playskool crayons, ang Hasbro, ang balitang ito.
Ayon sa US PIRG, nag-conduct din sila ng test sa iba pang brands ng crayons katulad ng Crayola, Up & Up, Cra-Z-Art, Disney Junior Mickey and the Roadster Racers, at Roseart. Lumabas na negatibo ang mga ito ng asbestos.
Noong 2015, dalawang brands din ng crayons ang may natagpuan na traces ng asbestos—Disney Mickey Mouse Clubhouse Crayons at Nickelodeon Teenage Mutant Ninja Turtles crayons.
SOURCES: Asbestos.org, US PIRG, The Atlantic, The Asian Parent Singapore